Labis ang Pagpapahalaga ng Lalaki sa Kaniyang mga Damit, Ngunit Dahil sa Kapabayaan ay May lbang Nagkainteres sa mga Pinundar Niyang Kasuotan

Maselan si Clint pagdating sa kaniyang kasuotan. Isang fashionistang lalaki. Mula ulo hanggang paa dapat ang lahat ay naaayon sa uso. Lahat dapat ng susuotin niya ay kilala ang tatak. Sa sobrang pagmamahal niya sa kaniyang mga damit ay pinapa-dry cleaning pa niya ang mga ito.

Galit na galit si Clint nung lumabas siya mula sa kaniyang kwarto. Hawak niya ang kaniyang mga damit na mamahalin ang tatak.

“Mommy, pinakialaman mo ba yung mga labahan ko sa kwarto?” inis na tanong niya sa kaniyang ina.

“Maglalaba kasi ako, eh, kaya sinabay ko na. Bakit may problema ba?” balik tanong nito kay Clint.

“Huwag niyo ulit pakikialaman ang mga damit ko! Ako na ang bahala sa mga marurumi kong damit! Tingnan niyo ang ginawa niyo sa mga damit ko! Nagkahawa-hawa ang mga kulay!” pasigaw na reklamo ng lalaki sa kaniyang ina habang pinapakita ang kaniyang mga damit.

“Mas mabuti pang huwag na lang kayong pumasok sa kwarto ko. Baka hindi lang damit ko ang madisgrasya niyo,” suyang pahabol ng lalaki.

Posturang-postura si Clint nung pumasok siya sa trabaho. Lahat ng mga babaeng kaniyang madadaanan ay napapalingon sa kaniya. Ang mga lalaki na makakakita sa kaniya ay inggit na inggit sa kaniya. Habang siya naman ay deadma lang sa mga tao, para siyang sikat na artista na taas noong lumakad patungo sa kaniyang opisina.

“Bukas na ‘yung outing ng kompanya. Mga tatlong araw tayo doon. Dapat ay nandito ka na sa kompanya bago pa sumikat ang araw. Alam kong mahilig kang pumorma pero kung ako sa’yo ay hindi mamahaling damit ang susuotin at iiimpake ko kung ayaw mong lumuha ng dugo,” paalala ng isang katrabaho ni Clint.

Advertisement

Magmamadaling araw na nung nakauwi si Clint sa bahay. Tinapos niya muna ang lahat ng kaniyang trabaho kaya hindi pa siya nakakakain. Tulog na ang lahat ng tao sa bahay at hindi rin siya natirahan ng pagkain. Dahil magiimpake pa siya ng kaniyang mga gamit ay umorder na lang siya ng paborito niyang pizza.

Habang kumakain si Clint ay sinasabayan niya rin ng paglalagay ng mga napili niyang damit sa loob ng kaniyang maleta. Alas tres na ng hating gabi nung nakatulog ang lalaki. Sa sobrang pagod ay hindi niya napansing naiwan niya ang kahon ng pizza sa sahig malapit sa kaniyang aparador. May lamang pizza pa sa loob dahil kalahati lang ang kaniyang nakaiin.

Dalawang oras lang ang tinulog ni Clint. Dahil kailangan na niyang makarating ng opisina sa loob ng isang oras ay nagmamadaling siyang nagbihis. Hindi na niya pinansin yung matigas na bagay na nasipa niya papasok sa loob ng kaniyang kabinet. Dala ang kaniyang maleta ay tinungo niya ang kompanya sakay ng taxi.

“Walang sisihan. Binalaan naman kita kahapon ‘di ba? Pero hindi ka pa rin nakinig. Puro mamahaling tatak pa rin ang sinuot mo. Hindi na ko magtataka kung ganoon din ang laman ng bag mo. Magkakamping tayo sa bundok. Sa tent tayo matutulog. Manghuhuli o maghahanap tayo ng makakain natin. Aakyat tayo sa puno, susuong sa putikan. Hindi pa kasama diyan ang mga aktibidades, palaro at obstacle course na hinanda nila para sa atin. Hindi na ko magtataka kung uuwing kang luhaan pagkatapos ng tatlong araw,” iiling-iling na wika ng kaniyang katrabaho.

Butas-butas at kulay putik ang lahat ng damit ni Clint nung nakauwi siya sa kaniyang bahay. Pati ang mamahalin niyang sapatos ay nasira din. Dinaig niya pa ang mga taong grasa na natutulog sa kalye nung dumating siya sa bahay. Wala ni isa sa mga mamahalin niyang damit ang pwede niya pang isuot ulit. Lahat ay sa basurahan ang kababagsakan.

“Sinong pumasok sa loob ng kwarto ko? Sinong nakialam sa kabinet ko? Bakit nagkagutaygutay ang lahat ng damit ko?” malakas na sigaw ni Clint mula sa kaniyang kwarto.

“Wala akong pinakikialaman sa mga gamit mo! Hindi ba pinagbawalan mo kong pumasok sa kwarto mo? Bakit ako ang pinagbibintangan mo?” sigaw ng nanay ni Clint mula sa kusina.

Napalingon si Clint sa baba ng kaniyang kabinet at nakita niya ang sirang kahon ng pizza na nakabukas. Wala na itong laman. Napatili ang lalaki ng may mga dagang nagtakbuhan papalabas ng kaniyang kabinet.

Advertisement

Mas ginusto ni Clint na pumorma kaysa pakinggan ang babala ng kaniyang katrabaho kaya nasira ang mga mamahaling niyang damit sa mga aktibidades na kanilang ginawa sa kamping. Nagsigawan niya ang kaniyang ina na nagmagandang loob na labhan ang mga marurumi niyang damit dahil naiba ang kulay ng mga ito. Lahat ng mga pinundar niyang mamahaling damit, sa isang iglab, ay nasira lahat dahil sa sarili niyang kapabayaan.

Dahil matagal pa bago sumahod si Clint at dahil wala siyang sapat na halaga para bumili ng kapalit ay wala siyang nagawa kung hindi magtungo si Divisoria para bumili ng mga damit na maisusuot niya.

Pagpasok niya sa trabaho ay pinagtitinginan siya ng lahat. Ang mga babae ay napansin agad na nabili lang sa bangketa ang mga suot niyang damit. Ang mga lalaki ay walang tigil sa kakatawa dahil wala sa uso ang kaniyang mga damit.

Tulad ng dati ay deadma lang si Clint sa mga nakakapuna sa kaniya pero ngayon ay nakayuko siyang naglakad patungo sa kaniyang opisina dahil sa sobrang kahihiyan.

Natutunan niya na hindi nadadaan sa pormahan ang lahat. Simula noon ay natuto na siyang mas pahalagahan ang ibang bagay kaysa sa kanyang mga damit at kasuotan.