Akala ni Mister ay Madamot si Misis sa Kaniyang Pamilya, Ngunit Siya Mismo ang Makakasaksi sa Dahilan ng Pagtatago ng Gamit Nito sa Kanilang Bahay

Saktong alas kwatro ng umaga ay gising na si Aling Lucy para mag-igib na ng tubig sa poso. Maglalaba at magdidilig ito ng kaniyang halaman sa bakuran, ito ang araw-araw na nakagawian ng ale.

“Lucy, sa susunod na linggo ay uuwi na ako at magbabakasyon naman ang lahat ng mga kapatid ko riyan sa atin. Makihalubilo ka naman sa kanila para naman maging close na kayo,” saad ni James sa telepono, ang asawa ni Lucy na nasa ibang bansa nagtratrabaho.

“Ayaw naman sa akin ng pamilya mo, hirap na hirap na akong makisama sa kanila,” saad naman ng babae.

“Bakit kasi hindi mo na lang sige pagbigyan sa mga pabor na hinihingi nila sa’yo para naman hindi ka nila kainisan,” baling muli ni mister.

“Iyan ba ang balitang nakakarating sa’yo? Na hindi ako nakikisama o nagbibigay sa mga pabor nila kaya ayaw nila sa akin?” tanong ni Lucy.

“Sabi kasi sa akin ng nanay ay parati raw nakasara ang pintuan mo at hindi ka rin nagpapahiram ng gamit. Madamot tuloy ang tingin nila sa’yo,” saad ni James sa asawa.

Malaki ang angkan ng pamilya ni James, labing dalawa silang magkakapatid at puro ito lalaki. Lahat rin ay may sari-sarli nang pamilya at nakatira sa iisang baryo sa probinsya. Lahat kasi ng mga ito ay may sariling bahay na ipinamana ng kanilang mga magulang kaya doon lahat naninirahan, lahat rin ng mga napangasawa ng mga ito ay pawang tiga-roon o di kaya naman karatig baryo lang kaya naman ganoon na lang kalaki ang paghihirap ni Lucy sa pakikisama dahil siya lamang ang tanging tiga-Maynila na naligaw sa lugar.

“Madamot? Pwes wala akong paki-alam kung ganyan ang tingin nila sa akin, dahil masinop lamang ako sa mga gamit natin. Makikita mo rin iyan pag nakauwi ka na rito ulit. Kasalanan ko bang hindi ako sanay na tumatawid-tawid na lang sa mga bahay para lang kumuha ng kung ano-anong gamit? Kasalanan ko bang tiga-Maynila ang napangasawa mo at ako ang tanging naiiba sa lahat ng hipag mo? Kasalanan ba talaga ang maging ako sa harap ng buong pamilya mo ha, James?” tanong ni Lucy at nagtaas ito ng kilay sa mister.

Advertisement

“Saka na natin pag-usapan yan at ayaw kong nag-aaway tayo tungkol lang sa mga ganyang bagay,” saad naman ni James sa asawa at ibinaba ang telepono.

Hindi naman ipinagkakaila ni Aling Lucy ang kaniyang naiibang ugali sa pamilya ng kaniyang napangasawa at kahit pa nga matagal na siyang naninirahan kasama ang mga iyon ay hindi talaga niya matangap ang iilang ugali na para sa kaniya ay katamaran narin, katulad ng panghihiram ng mga gamit sa bahay ng hindi sinusuli at marami pang iba.

Nakauwi na nga si Mang James ng bansa kasabay narin nito ang pag-uwi ng kaniyang mga kapatid, halos lahat kasi ay nagtratrabaho sa kabilang baryo kung saan mas maraming trabaho kaya naman pawang mga asawa lang talaga ang naiiwan sa mga bahay at kanilang mga anak. Natapos na rin ang piging ng kanilang pinagsalu-saluhan.

“Nasaan na ang kutsilyo? Ang sangkalan? Ang mga plato natin?” tanong ni James sa asawa.

“Oh ‘di ba gusto mo makisama tayo sa mga ugali ng mga nakatira dito? E di nasa ibang bahay, ang mga gamit na nahiram sa iyo ay hindi nila isasauli hangga’t hindi ikaw mismo ang kukuha,” inis na sagot ni Lucy sa kaniyang mister sabay taas ng kilay niya.

“E ‘di kuhanin mo na lang, kung ganoon naman pala ang nakasanayan nila,” saad naman ni James na labis na ipinagpanting ng tainga ni Lucy.

“Alam ko pamilya mo ito, pero hindi ba dapat kapag ikaw ang nanghiram ay ikaw ang magbalik? Hindi ako madamot, James, pero kung ganyan na kahit simpleng kutsilyo at sandok pati narin nga lutuan ay naghihiraman sila sa isat-isa hindi ba’t kapabayaan ang tawag diyan? Lahat sila may-asawa at yun ang mga gamit na kailangan sa isang bahay, wala ba sila noon?” sagot ni Lucy.

“Para maniwala ka, umikot ka sa mga bahay ng kapatid mo at tingnan mo ang mga gamit nila, halo-halo. Nasanay na rin nga ang mga anak nila na kapag may kailangan ay ayos lang wala sa kanilang bahay dahil may matatakbukhang ibang bahay hangang sa doon at doon na lang parati umasa. Mali naman ata ang ganong ugali!” sigaw ni Aling Lucy.

Advertisement

Hindi na sumagot si James sa kaniyang misis at umikot nga ito sa bahay ng mga kapatid, doon niya nakita na ang kanilang kutsilyo ay umiikot sa lahat kakahiram, pati na rin ang kanilang mga plato ay nasa iba’t-ibang pamilya, siya narin mismo ang nahiya pang magtanong kung bakit ganon at hindi na lang kinuha ang mga nawawala nilang gamit, imbes hinayaan na lamang niya ito kung nasaan at kung saan pa iikot ang mga iyon.

“Inay, nakausap ko na ho si Lucy, huwag niyo naman sanang bansagang madamot ang asawa ko dahil ako mismo nakakita ng dahilan kung bakit. Bakit ba naging ganito rito sa atin? Simpleng isang kawali ay umiikot sa lahat ng bahay at iba pang gamit. Kahit plantsa ay iisa lang ginagamit ng lahat, nalaman ko pang sa amin pala iyon,” saad ni James sa kaniyang ina na si Aling Remy.

“Pasensya ka na anak sa mga kapatid mo at sa mga asawa nila, pakiramdam ko kaya ganon, dahil ikaw lang ang nagtratrabaho sa ibang bansa at gusto rin siguro nilang makaramdam ng kaunting ginhawa gamit ang mga gamit niyo. Halos lahat kasi ng mga gamit sa bahay niyo ni Lucy ay matitibay at mamahalin kaya nga gustong gusto itong hiramin at dahil marami ang mga kapatid mo ay umiikot na ito sa ibang bahay hangang sa hindi na naibalik pa,” saad ng ale.

“E kung ganoon naman ho pala ang problema ay hindi asawa ko ang may diperensya. Tama naman ho si Lucy na dapat ang mga ganong klase ng gamit ay mayroon ang lahat ng pamilya, mamahalin man o hindi, hayaan niyo ako na ang gagawa ng paraan,” sambit ni James sa ina.

Kinaumagahan ay namili ang lalaki ng mraming gamit sa bahay katulad ng sangkalan, kutsilyo, kawali, kaserola pati na rin mga baso at ilang set ng pingan.

“Inay, kayo na ho ang bahala mamigay niyan sa mga kapatid ko at ayoko rin namang mapagsabihan nila ako ng masama, nawa’y maging sapat nang pagsisimula iyan. Mas masarap pa rin ang may sarili tayong gamit sa ating mga bahay,” wika ni James sa kaniyang ina.

“Pasensya ka na ulit anak kung kailangan mo pang mamili nga mga ganito, ngayon naiintindihan ko na si Lucy kung bakit hindi na siya halos nagbubukas ng pinto. Totoo nga namang halos maubos na naming ang gamit niyo kakahiram,” sambit ni Aling Remy sa anak.

“Inay, ayos lang naman ho ang manghiram ng gamit pero sana po ay maibalik ito at hindi na ako yung kukuha dahil minsan hindi ko na rin ho alam kung saang bahay ko pa hahanapin,” singit ni Lucy na biglang dumating at naabutan ang mag-inang nag-uusap.

Advertisement

“Pasensya ka na anak, ako na ang nahihiya para sa iba kong anak at sa naging asal nila sa’yo. Salamat pa rin dahil kahit ganoon ang naging trato naming ay hindi ka nagtanim ng galit,” sambit ng ale sa babae.

“Wala ho iyon inay, ang akin lang naman ho ay iniingatan ko rin ang mga naipundar ni James dahil ayaw kong masasabihan na wala akong nabili sa mga naipadala niya galing sa ibang bansa,” paliwanag ni Lucy sa matanda.

Simula noon ay mas nagkaintindihan ang mga ito at hindi na rin nila kinainisan pa si Lucy, naging mas maayos ang pagsasama nila sa iisang baryo.