Imbis na Tumulong ay Kukuhanan Muna ng Bidyo ng Lalaki ang Anumang Masaksihang Aksidente; Matinding Karma Pala ang Babalik sa Kanya

Nakasakay sa tumatakbong jeep si William nang bigla itong tumigil dahil sa isang banggaan. Isang motorsiklo ang sumalpok sa isang 10-wheeler truck, at nakahandusay at namimilipit sa sakit ang drayber ng nasabing motor.

Nanlaki agad ang mga mata ng binata sabay kuha sa kanyang cellphone upang kuhanan ang mga pangyayari. Bumaba pa siya ng jeep para lamang maki-usyoso. Paparating na raw ang ambulansya, ngunit napansin ni William na isang lalaki ang dahan-dahang lumalapit sa sugatang lalaki. Kitang-kita ng dalawa niyang mata na kinukuha nito ang cellphone at wallet ng kawawang biktima.

Imbis na sawayin ay nagpatuloy lamang sa pagkuha ng video si William. Matagal na niya kasing inaasam na maka-saksi ng ganitong kaganapan, dahil alam niyang malaking pera ang kaakibat nito kapag ibinenta na niya sa kung kaninong TV station.

Tuluyang nanakawan ang lalaki, buti na lamang at maya-maya ay dumating na rin ang mga ambulansya at agad natulungan ang lalaki. Napansin naman ni William na isang reporter na ang dumating upang humingi ng panayam sa mga saksi sa aksidente.

“P’re! Ako, may video ako! Nanakawan pa nga ‘yong biktima oh, kawawa ‘di ba?” sabi ni William.

“Talaga? Patingin nga!”

“Aba’y oo nga, ano? Huli sa akto ah. Mabuti na lamang at nakita mo, kung hindi baka nakatakas ‘yan,” sagot ng reporter.

Hindi na lamang kumibo si William. Hindi niya masabing hinayaan niya na lamang makatakas ang lalaki para lamang makuhanan niya ng maganda ang mga pangyayari. Sa halagang sampung libong piso ay ipinagbili ni William ang video, na agad namang ginamit sa palabas na balita sa TV.

Advertisement

Dahil sa pangyayaring iyo, lalo pang ginanahan si William na gawin ang ganoong gawain. At dahil sa dami ng mga nangyayari sa ating bansa, sinwerte naman si William na makuhanan sa video ang karamihan sa mga ito. Tulad ng dati, ibinebenta niya ang mga ito.

Isang gabi, pauwi na si William sa kanilang bahay. Nagtext na kasi ang kanyang nanay na nagpapabili ng kandila. Panandalian daw kasing mawawalan ng kuryente sa kanilang lugar.

Habang nasa jeep, hindi inaasahang makatulog ang binata. Ngunit agad naman siyang nagising dahil huminto na naman ang sinasakyan niyang jeep dahil sa isang babae na panay ang sigaw.

Napakamot pa ng mata si William, ngunit naramdaman niyang aksyon iyon. Kaya naman nilabas niya agad ang kanyang cellphone upang kuhanan ang nangyayari.

Isang babae pala ang nagliliyab na sa apoy nang madikit daw sa nakasinding kandila. Napakadilim ng paligid at nahihirapan ang mga tao na mangapa upang tulungan ang kawawang babae.

Pagbaba ni William ng jeep, saktong ilang hakbang lamang mula sa kanya ang isang bukal na punong-puno ng tubig. Maaari sanang maapula agad ang nasusunog na damit at balat ng babae, ngunit naisip ni William na kailangan niya munang kuhanan ng video ito upang maibenta. Alam niyang malaki-laki ang katumbas nito dahil bihira lamang mangyari ang mga ganitong kaganapan.

Sa kalagitnaan ng pagkuha ng video, tila nanlambot si William nang mapansin niyang pamilyar ang lugar na kaniyang kinatatayuan. Dahil sa antok at pagod, hindi niya namalayang nasa tapat na pala siya ng sarili niyang pamamahay.

“Kuya! Tulungan mo si mama! Nasusunog siya!” sigaw ng kanyang nakababatang kapatid.

Advertisement

Nabitawan ni William ang kanyang cellphone. Agad siyang kumuha ng timba at tumakbo upang ibuhos sa nagbabagang katawan ng kanyang ina. Napakabilis ng mga pangyayari. Matapos makita ng mga tao na may tubig doon, nagtakbuhan na rin ang mga ito upang tumulong. Tila ba hindi makapaniwala si William sa mga nangyari at bigla na lamang nahilo at bumagsak sa semento.

Makalipas ang ilang oras, sa wakas ay nagkamalay na ang binata. Nagising siya sa isang ospital, at nang magising ay agad niyang hinanap ang kanyang ina.

“Ayos lang si mama. Second degree burn daw sa binti’t hita, pero pasalamat pa rin tayo sa Diyos dahil walang ibang pinsala kay Mama,” sagot ng kapatid ni William.

Napaiyak na lamang ang binata. Kung agad na sana siyang umaksyon ay hindi na umabot sa ganoon ang sinapit ng kanyang mahal na ina. Pinuntahan niya ang kanyang mama at yinakap ito ng mahigpit. Humingi ito ng matinding kapatawaran, ngunit isa lang ang hiningi nitong kapalit sa kanya,

“Anak, magbago ka na. Huwag mong paikutin ang mundo mo sa pagkuha ng mga videos,” wika ng kanyang ina.

“Pangako, mama. Pangako,” sagot ni William habang umaagos ang luha sa kanyang mga mata.

Magmula noon ay itinigil na ni William ang kanyang hilig gawin, sa halip ay agad na lamang siyang tumutulong sa tuwing makakakita ng mga taong nangangailangan ng kanyang tulong.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!