Pinaglalaruan ng Babae ang Puso ng Lalaking Tapat na Nagmamahal sa Kaniya; Hindi Niya Inaasahan na Mabubuking Nito ang Lahat ng Kaniyang Kasinungalingan

Hindi na naman sumipot ang nobya ni Trevor sa kanilang usapan. Malamang ay nakalimutan na naman ng babae na may date sila ngayon. Nasayang lang ang lahat ng hinanda ng lalaki para sa kanilang ika-apat na anibersaryo. Muling tinignan ni Trevor ang kaniyang selpon.

Ni isang text galing kay Celine ay wala siyang natanggap. Sana man lang ay nagpasabi ang babae na hindi siya makakapunta. Palibhasa alam niyang nagkakandarapa sa kaniya ang kaniyang nobyo kaya sinasamantala niya ito.

Tahimik na niligpit ni Trevor ang hinanda niyang romantic dinner date sa rooftop ng condo ni Celine.

“Wala akong balak magtanong. Gusto lang kitang tulungan para matapos ka agad sa pagliligpit. Kanina ka pa nandito. Nanginginig na ang mga kamay mo sa ginaw.”

Ang akala ng lalaki na mag-isa lang siya kaya medyo nagulat siya nang may biglang sumulpot na kamay ng babae habang nagliligpit siya. Wala siyang ganang magtanong kung kanina pa siya nito pinapanood maghintay sa wala kaya tahimik niyang ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa at hinayaan na lang ang babae na tulungan siya.

Nung palabas na si Trevor ng gusali ay tsaka niya namataan ang pagdating ng kaniyang nobya. Hindi niya ito pinansin. Nagdirediretso lang ang lalaki patungo sa kaniyang sasakyan habang nakabuntot sa kaniya ang babaeng tumulong sa kaniyang magligpit dala ang iba pang mga gamit mula sa rooftop.

“Trevor, sorry. Nawala sa isip ko. Nagkita kasi kami ng pinsan ko. Matagal na rin simula nung huli kaming nagkita kaya nagkayayaan sa bar,” pagdadahilan ng babae.

Hindi pa rin siya pinansin ni Trevor sa halip ay maingat nitong inilagak sa sasakyan ang mga bitbit ng gamit. Napansin ni Celine na may babaeng bumubuntot sa kaniyang nobyo kaya tinanong niya ito.

Advertisement

“May kailangan ka?”

Nilagpasan lang siya ng babae para ipasok sa sasakyan ng lalaki ang dala nito bago bumalik sa loob ng gusali. Nung masiguro ni Trevor na nasa loob na ng sasakyan ang lahat ng gamit ay agad din siya umalis sa lugar na iyon. Ayaw niya munang makausap ang nobya. Gusto niya munang palipasin ang kaniyang galit.

Kinabukasan ay inabangan ni Trevor ang paglabas ni Celine sa pinagtatrabahuan nito para makapag-usap sila ng masinsinan. Nung nakita niya ang babae na papalabas na ay tatawagin na sana niya ang pansin nito nang mapansin niyang hindi ito nag-iisa. Kasama nito ang dati niyang nobyo. Lihim niyang sinundan ang dalawa papasok sa isang restawran. Umupo ang lalaki malapit sa kinaroroonan ng dalawa para mapakinggan nito ang kanilang pinag-uusapan.

“Salamat nga pala sa panlilibre mo kagabi, ha. Akala ko hindi ko na mapapanood ‘yung concert nila. Ang bilis kasing nagkaubusan ng ticket, eh,” wika ni Celine sa lalaki.

“Hindi ba nagalit sa’yo ‘yung nobyo mo? Ang sabi mo sa’kin may date kayo dapat kahapon.”

Tumawa ng malakas ang babae.

“Ang akala niya nakalimutan ko ‘yung usapan namin at pinsan ko ang kasama ko kahapon hindi ikaw. Siyempre malamang nagtatampo ‘yon. Pero parang asong ul*l ‘yung lalaking ‘yon sa sobrang kabaliwan sa’kin. Kaunting giling lang ng katawan ko siguradong mapapatawad ako agad nun,” pagmamalaki ng babae.

Sa ‘di kalayuan ay parang baliw si Trevor na natatawa sa kaniyang sarili habang tumutulo ang kaniyang mga luha. Plano niya sanang suyuin si Celine kanina kahit ito naman ang may atraso sa kaniya. Ni hindi nga nagpursige ‘yung babae na amuin siya maliban sa paliwanag nito nung papaalis na siya sa condo nito.

Advertisement

Napaisip-isip ang lalaki sa relasyon niya sa kasintahan. Ilang beses bang na-late o hindi sumipot ang kasintahan sa mga date nila? Kulang ang mga daliri sa kaniyang mga kamay at paa para bilangin ito. Ilang beses ba siyang sinuyo ng nobya tuwing may kasalanan ito sa kaniya? Wala. Palaging siya ang sumusuyo kay Celine. Ilang beses na bang nagsinungaling sa kaniya ang nobya? Pagkatapos ng mga narinig niya ngayon ay hindi na siya magtataka kung walang bahid ng katotohan ang mga sinasabi sa kaniya ng babae.

Biglang napalingon si Trevor sa kinaroroonan ni Celine nung marinig niya itong tumili ng malakas.

“Ano ba? Hindi ka nag-iingat! Paano na ‘yan namatsahan na ang damit ko! Ang mahal pa naman ng bili ko dito! Tawagin mo ang manager mo! Ipatatanggal kita sa trabaho!”

Nginitian ng matamis ng serbidora si Celine.

“Dapat pa nga magpasalamat ka at mamahaling alak ang binuhos ko sa’yo, at hindi kumukulong sabaw nang sa gayon ay malapnos ang ubod ng kapal mong balat. At hindi mo na kailangang hanapin ang manager dahil ang may-ari mismo ng restawran ang kaharap mo ngayon,” taas noong saad ng babae.

Bubweltahan pa sana ni Celine ang babae nang biglang may naghagis ng ilang libong piso sa kinaroroonan nila ng dating nobyo.

“O, ayan. Sagot ko na ang pagkain niyo. Regalo ko na ‘yan sa’yo tutal naman, eh, anibersaryo natin kahapon. Pero ‘yung pagpapalaba ng mamahaling mong damit? Bagay naman sa’yo ‘yung mantsa, eh, kaya pagtiyagaan mo na lang,” wika ni Trevor bago niya binalingan ang may-ari ng restawran.

“Salamat nga pala sa tulong mo kahapon, ah. At sa ginawa mo rin ngayon sa sinungaling kong girlfriend. Ay! Muntik ko nang makalimutan, ex-girlfriend ko na nga pala. Ako nga pala si Trevor,” nilahad ng lalaki ang kamay niya sa babae.

Advertisement

“Michie,” tugon ng babae bago nito nilingon sina Celine.

“Bayad na naman ang pagkain niyo, ipapabalot ko na lang at pwede na kayong umalis. At bago ko malimutan, umpisahan mo na rin ang pagiimpake mo. Umalis ka na rin sa condo dahil hindi welcome ang mga pugitang impokrita sa mga pag-aari ko,” utos ni Michie ka Celine.

Minahal ni Trevor ng tapat si Celine pero binalewala lang siya nito. Ngayong alam na niya ang tunay na pag-uugali nito ay wala na siyang dahilan para manatili sa relasyon nila. Pero hindi ibig sabihin nito ay sinasara na niya ang kaniyang puso sa panibagong pag-ibig.

Sa ngayon ay mas gugustuhin na muna niyang mahalin muna ang kaniyang sarili matapos niyang magpakatanga ng mahabang panahon sa maling babae. Pakikipagkaibigan lang muna ang kaya niyang ialok kay Michie pero hindi na siya magtataka kung sakaling ma-develop siya sa babae dahil ngayon pa lang ay kitang-kita na niya na malayo ang ugali nito kay Celine.

At kung dumating man ang panahong iyon ay magiging pangmatagalan ang kanilang relasyon dahil sa tingin niya ay hindi niya kakailanganing magpakaasong ul*l kay Mitchie.