Lumipas ang Maraming Taon Pero Comatose Pa Rin ang Babae; Habang Unti-unting Nawawalan ng Pag-asa ang Mag-ama ay Pahigpit nang Pahigpit ang Kapit Nila sa Itaas

Apat na taong gulang pa lang noon si Kristoff nang mabangga ng isang malaking trak ang sasakyang minamaneho ng kaniyang ina. Para maprotektahan siya ay hinarang ng kaniyang ina ang buo nitong katawan at niyakap siya nito ng mahigpit ilang segundo bago tuluyang masalpok ng trak ang kanilang sinasakyan. Ilang galos at sugat lang ang natamo ni Kristoff pero malalang pinsala ang natamo ng kaniyang ina kaya ito nakoma.

“Ano na ang balak mo? Walang kasiguraduhan kung magigising pa si Sarah. Hindi rin kayo mayaman para tustusan ang pagpapagamot niya sa mamahaling ospital na ito,” tanong ng tiyuhin ni Kristoff sa tatay niya.

“Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin. Sa isang bagay lang kami sigurado ng anak ko, gigising si Sarah. Nagpapahinga lang siya,” pahayag ni Virgilio sa kaniyang kapatid.

Ilang linggo na ang nakakalipas pero hindi pa rin nagigising si Sarah. Inilipat na siya sa charity ward dahil hindi na kayang bayaran ng asawa niya ang pag-okupa sa isang pribadong kwarto. Unti-unti na ring nauubos ang ipon nilang mag-asawa kaya ibinenta na ni Virgilio ang ilan nilang ari-arian. Naghanap na din siya ng dagdag na mapagkakakitaan.

“Pasensya na, anak, kung nagkukulang ako sa’yo. Marami lang talagang iniintindi si daddy. Pero huwag kang mahihiyang lumapit sa akin pag may kailangan ka. Kahit busy ako hindi ako magdadalawang-isip na asikasuhin ang pangangailangan mo,” paalala ng lalaki sa anak.

Mabilis na lumipas ang panahon. Sa murang edad ni Kristoff ay maaga siyang natuto na kumilos na hindi masyadong umaasa sa tulong ng iba. Sa kaniyang simpleng pamamaraan ay tinutulungan niya rin ang kaniyang tatay sa mga gawaing bahay tulad ng pagwawalis at pagpupunas ng mga kagamitan. Ito lang ang naiisip niyang paraan para hindi siya maging pabigat sa kaniyang tatay.

Araw ng Sabado nang makatanggap ng masamang balita si Virgilio. Malaki na ang utang nila sa ospital. ‘Pag hindi pa sila nakabayad ay ihihinto nila ang ginagawa nilang paggagamot sa kaniyang asawa. Hindi na alam ng lalaki kung ano ang kaniyang gagawin.

Kinabukasan, araw ng Linggo, tulad ng palaging nakagawian ng mag-ama ay nagtungo sila sa simbahan para makinig ng misa. Hiling ni Virgilio na tulungan sila sa matinding suliraning hinaharap nila ngayon.

Advertisement

“Tandaan mo, anak, gaano man kahirap ang pinagdadaanan mo ay huwag na huwag kang bibitiw sa Kaniya. Tutulungan ka Niya at hindi ka pababayaan. Maaaring ang tulong na ibibigay Niya ay matagalan o hindi naaayon sa iyong kagustuhan pero hindi ibig sabihin nito ay kinalimutan ka na Niya,” turo ni Virgilio kay Kristoff.

“Daddy, sabi mo magdasal lang ako sa Kaniya at ibibigay Niya po ang mga hilingin ko. Ilang taon ko na pong hinihiling na gisingin na Niya si Mommy. Magigising pa po ba siya? Bakit ayaw Niya pong pakinggan ang mga prayers ko?”

Natahimik ang lalaki sa tanong ng anak.

“Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa ng magigising ang mommy mo. Pero kung sakaling kunin na siya sa atin ay huwag kang magagalit sa Kaniya. Siguro ay kailangan na siya sa langit. Kahit natutulog lang ang mommy mo kahit papaano ay nakasama pa rin natin siya ng matagal-tagal.”

Noong araw ding iyon ay dininig ang dasal ni Virgilio. Isang prinsipe ng Saudi Arabia ang nag-alok ng tulong kina Virgilio na walang hinihiling na kapalit. Nagkataong nagbabakasyon siya sa Pilipinas nang mabasa niya ang pinost ni Virgilio na paghingi ng tulong sa social media. Naantig ang kaniyang puso sa kaniyang nabasa kaya naisipan niyang tulungan ang mag-ama.

Dinala si Sarah sa Alemanya para doon na ipagpatuloy ang kaniyang pagpapagamot. Sa Alemanya na rin nagtrabaho si Virgilio. Si Kristoff naman ay maswerteng natanggap bilang iskolar sa isang prestisyosong paaralan doon. Umaasa ang mag-ama na dahil sa makabagong medisina ng bansa ay magigising na muli sa koma ang babae.

Bago bumisita sa ospital ay nakagawian na ng mag-ama na dumaan muna sa pinakamalapit na simbahan para magdasal. Hanggang ngayon ay iisa lamang ang mataimtim na dasal ng dalawa, ang magising ang babaeng pinakaimportante sa kanilang buhay, si Sarah.

“Mommy, malapit na ang kaarawan ko. Magbe-bente uno na ko sa susunod na linggo. Sana magising ka na. ‘Yun na lang ang iregalo mo sa’kin.”

Advertisement

Mangiyak-ngiyak si Virgilio habang pinakikinggan ang kaniyang anak. Sa katunayan unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa na magigising pa ang kaniyang asawa pero tuwing nakikita niya ang malungkot na mukha ng anak ay nanunumbalik ang kaniyang paniniwala na muling ididilat ni Sarah ang kaniyang mga mata. Ayaw na ayaw nitong umiiyak ang anak nilang si Kristoff kaya alam niyang gigising ito para sa kanilang anak.

Naputol ang pag-iisip ni Virgilio nang biglang tumayo ang anak sa kinauupuan nito at malakas na tinawag ang mga doktor at nurse sa pasilyo.

“Although her brain activity has become more active these past few days, nothing much has change. She’s still in a coma,” saad ng Aleman na doktor na sumuri kay Sarah.

“But I saw her fingers moved,” giit ni Kristoff.

“I’m sorry but her condition is still the same.” Naiyak na lang ang mag-ama sa sinabi ng doktor. Inihip ng hangin ang kanilang pag-asa na gising na ang babae.

Bisperas ng kaarawan ni Kristoff. Walang ganang ang mag-ama na magsaya dahil masyadong nababalot ng kalungkutan ang kanilang mga puso. Napagdesisyunan ng dalawa na sa ospital na lang sila matulog.

Eksaktong alas dose ng madaling araw, mahimbing na natutulog ang mag-ama sa maliit na sofa nang makarinig sila ng isang malakas na sigaw.

“Kristoff, anak! Nasaan ka? Nasaan na ang anak ko?” napabalikwas ng bangon ang dalawa at agad na nilingon ang kamang hinihigaan ni Sarah. Napahagulgol nang iyak ang dalawa at nagtatakbong lumapit sa babae para yakapin ito ng mahigpit.

Advertisement

“Mommy, gising ka na! Gising na ang mommy ko! Ito ang pinakamasayang kaarawan ko!”

Matapos ng labing pitong taong pagkakatulog ay nagising na si Sarah. Laking pasasalamat ng mag-ama na sa wakas ay dininig na rin ng Diyos ang matagal nilang dasal. Matagal man bago ito ipinagkaloob sa kanila ay hindi sila bumitaw sa kaniya sa halip ay lalo silang kumapit sa mga kamay Nito.

Agad na ibinalita ng mag-ama sa lahat ng mga taong tumulong sa kanila na gising na si Sarah. Labis silang nagpapasalamat sa lahat ng tulong, dasal at pakikiramay na natanggap nila sa panahon ng kadiliman lalong-lalo na sa prinsipe na nagmagandang loob na akuin ang pagpapagamot ni Sarah. Isang misa din ng inalay ng pamilya bilang pasasalamat sa Poong Maykapal na walang sawang umaakay sa kanila sa tuwing nawawalan na sila ng pag-asa.

Nagtuloy-tuloy na ang paggaling ni Sarah. Hindi na bumalik ang pamilya sa Pilipinas sa halip ay sa Alemanya na lang nila ipinagpatuloy ang kanilang pamumuhay. Maraming taon man ang nawala sa kanila ay marami pa silang panahon para bawiin ang mga nasayang na sandali at bumuo ng maraming masasayang alaala.