Nagbuhay Prinsesa na nga sa Bahay ng Amo ay Sinaktan Pa ng Yaya ang Alaga, Laking Pagsisisi Niya nang Mabisto ang mga Ginagawa Niya

“Okay naman pala ang lahat ng requirements mo, sige puwede ka nang magsimula!” sabi ni Loida sa bagong yaya ng kanyang anak.

Umalis na kasi ang dati nilang yaya dahil babalik daw sa pag-aaral. Hindi na niya kayang pagsabayin ang pag-aalaga sa kanyang anak at pagpasok sa eskwela kaya nagdesisyon siyang bumalik sa probinsya.

Madali namang nakakuha ng bagong kapalit si Loida at ito nga ay si Maricris.

Gaya ng dating yaya ay galing din sa probinsya ang dalaga. Tahimik lang ito at mahiyain kaya madali niyang nakagaanan ng loob.

“O, Maricris, alam mo na ang gagawin ha, lahat naituro ko na sa iyo. Tawagan o itext mo na lang ako kapag may kailangan ka pa,” sabi niya rito.

“Opo ate.”

Pagkaalis ni Loida ay agad na nagkandado ng pinto ang dalaga. Binuksan niya ang TV at nanood. Kumuha rin siya ng mga pagkain sa ref at nilantakan iyon habang nanonood ng paborito niyang palabas. Mayamaya ay nagising ang sanggol sa kuna at nag-iiyak. Sa sobrang lakas ng iyak ng bata ay nagpanting ang tainga ng yaya. Tumayo siya sa upuan at nilapitan ang umiiyak na alaga.

“Ano ka ba, istorbo ka, e! Kita mong nanonood ako!” anito.

Advertisement

Kinuha ni Maricris ang unan at inihampas sa sanggol.

“Hayan ang bagay sa iyong buwiset ka!”

Saka bumalik sa panonood ng TV at hinayaang mag-iiyak ang alaga. Di naman nagtagal ay nakatulog din ito sa kaiiyak kaya hayahay ang buhay ng dalaga.

Sa pag-uwi ni Loida ay naabutan niyang pinadedede ni Maricris ang anak kaya napanatag ang babae.

“Hindi ka ba pinahirapan ng baby ko?” tanong niya rito.

“Naku, hindi naman po ate,” matipid na sagot ng yaya.

“Akin na si baby at ako na ang bahala. Kumain ka na ng hapunan at magpahinga.”

Walang kaalam-alam si Loida na wala namang ginawa ang dalaga kundi magbuhay prinsesa sa bahay niya habang wala siya.

Advertisement

Kinaumagahan ay maaga na namang nagising si Loida. Maaga siyang aalis para hindi maabutan ng traffic sa EDSA. Siya na ang nagluto ng agahan para sa kanilang dalawa ni Maricris.

“Maricris, kumain ka na at ako’y aalis na. Baka ma-late ako sa trabaho,” aniya.

“Opo ate ako na ang bahala!”

Nang makaalis ang amo ay balik na naman sa dating gawi si Maricris. Paupo-upo lang ang babae habang nanonood ng TV at kumakain ng mga pagkaing kinuha sa ref.

Nasa kasarapan ng panonood ang yaya nang bigla na namang umiyak ang sanggol. Inis na inis siyang tumayo sa sofa at patakbong pumasok sa kuwarto.

“Letse ka talagang bata ka! Hindi ka ba titigil sa kaiiyak mo?!” sigaw niya.

Ayaw pa ring tumgil ng sanggol sa kaiiyak at mas lalo pa iyong lumakas.

Sa inis ng dalaga ay binuhat niya ang sanggol at ibinalibag sa kama.

Advertisement

“Buwiset ka! Iyan ang nababagay sa iyo!”

Ang hindi niya alam ay tumama ang ulo nito sa gilid ng kama kaya nagkaroon iyon ng sugat.

Pag-uwi ni Loida galing sa opisina ay nakita niyang abala si Maricris sa pagpapalit ng lampin ng kanyang anak kaya lihim na naman siyang natuwa sa dalaga.

“Umihi na naman ba?”

“Opo ate, kaya pinalitan ko na.”

“Ako na ang bahala, ihanda mo na lang itong dala kong pagkain para sa hapunan natin.”

Nang kargahin ni Loida ang anak ay napansin nito ang sugat sa ulo nito.

“Maricris! Halika sandali!” sigaw niya sa dalaga.

Advertisement

Agad naman itong lumapit sa kanya.

“Bakit may sugat sa ulo ang anak ko?”

Kinabahan si Maricris, hindi alam kung ano ang isasagot.

“A, e… hindi ko alam ate ngayon ko lang napansin iyan,” palusot nito.

Napansin din ni Loida na mayroong mga pasa sa binti at braso ang anak. Bigla siyang kinutuban.

“Mayroon ba akong hindi nalalaman?” bulong niya sa sarili.

Isang araw, nagmamadali uling pumasok si Loida sa opisina at inihabilin ang anak kay Maricris.

Pag-alis ng babae ay balik sa panonood ng TV ang dalaga at pinababayaang mag-iiyak ang alagang sanggol.

Advertisement

Mayamaya ay binato na naman niya ito ng unan sa mukha dahil hindi niya maintindihan ang pinapanood sa lakas ng iyak nito.

Nang lumatag ang dilim ay may kinalikot si Loida, isa iyong CCTV na lihim niyang ikinabit sa loob ng kanyang kuwarto. Pinanood niya ang mga nangyayari habang wala siya at laking gulat niya sa napanood.

Nang sumapit ang umaga ay may kumatok sa pinto at nang buksan iyon ni Maricris ay tumambad sa kanya ang dalawang pulis.

“Ikaw ba si Maricris Reyes?” tanong ng isang pulis.

“O-opo, bakit po?”

“Sumama ka sa amin sa presinto, miss at may nagrereklamo sa iyo.”

Hindi nakakilos ang dalaga, halatang kinakabahan nang sunduin ng mga pulis sa bahay ni Loida.

Pagdating sa presinto ay nagulat siya nang maabutan niya na naroon ang amo at agad siya nitong sinampal sa mukha.

Advertisement

“Bakit mo nagawa iyon sa anak ko? Pinagkatiwalaan pa naman kita tapos sasaktan mo lang pala ang anak ko! Kitang-kita ko ang mga ginawa mo sa CCTV!” galit na sigaw nito.

“P-patawarin mo ako, ate, hindi ko po sinasadya, ayoko pong makulong!” iyak ng dalaga.

“Sana ay inisip mo iyan bago mo sinaktan ang anak ko!” aniya.

Laking pagkapahiya ni Maricris nang malaman ng amo ang mga pinaggagagawa niya. Hindi niya alam na nagkabit ng CCTV ang amo dahil nagkaroon na ito ng hinala nang makita nitong may sugat at mga pasa ang anak nito.

Pagsisihan man niya ang nagawa ay huli na. Nahaharap siya sa kasong child abuse matapos mabisto ang pananakit niya sa alagang sanggol.

Napag-isip-isip ni Loida na huwag nang ipagkatiwala sa iba ang pag-aalaga sa kanyang anak. Nag-resign siya sa pinapasukang opisina at nag-apply na lang ng trabaho sa online para sa bahay na lang siya nagtatrabaho habang naaalagaan din ang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!