Iisang Dugo Tayo

“Eunice, sasama ka ba mamaya sa pagsimba?” tanong ni Lola Rowena sa kanyang apo.

“Sasama po lola, magpapalit lang po ako ng damit, at isama ko na rin si mama,” sagot ng dalaga sa lola.

“O sige anak, isama natin mommy Marilou mo. Hindi pa ba bumabalik si Karl?”

“Hindi pa po lola.”

“Mas maigi, bilisan ninyo para maka-alis na tayo agad,” wika ng lola sa apo at anak niya.

Isang deboto at relihiyosong tao si Eunice kahit noong maliit pa lamang siya. Katulad na rin ng kanyang nanay at lola, sila ang masasabing laging nagsisimba at hindi nakakaligtaan ang araw-araw na dasalin. Ngunit si Eunice ay medyo kakaiba kung ikukumpara sa kanyang ina at lola. Si Eunice ang tipong laging sumasama sa mga galaan ng mga kaibigan niya. Siya ang tipo ng babae na marunong sumabay sa mga galawan at gawain ng ibang ka-edad niya.

“Lola, dadalhin ko ba ang pamaypay? Mainit na kahit umaga pa lang,” sabi ni Eunice kay Lola Rowena.

“O sige anak, ‘yung malaki na dalhin mo. Nakabihis na ba ang mom mo?” tanong ng lola.

Advertisement

“Kakabihis pa lang po. Halika na po bago pa po siya bumalik. ite-text ko na lang po siya na magsisimba lang tayo.”

Nakakasagot si Eunice sa klase at nakakasabay sa mga mahuhusay na mag-aaral. Madali rin siyang kausapin sa mga iba’t ibang bagay. Tumakbo pa nga bilang public relations officer ng student council ng eskwelahan niya. Masasabi ring karaniwang estudyante si Eunice at isang mabuting ehemplo para sa kanyang mga kaklase. Marami na ring naaakit sa dalaga marahil hindi lamang siya mabuting tao, kung hindi para na rin siyang “Maria Clara” ng bagong panahon.

“Ma, ito kakabihis ko lang. Sakay na lang tayo ng dyip para hindi tayo makita ng mga kaibigan ni Karl,” sabi ni Marilou kay Lola Rowena.

“Dali na, baka may makakita pa sa atin!” nagmamadaling sagot ng Lola.

May itinatagong lagim ang mga mata at ngiti ni Eunice. Gayon na rin sa mukha nina Marilou at Rowena. Lingid sa kaalaman ng marami, ang may malaking problema sa sarili nilang tahana at ito ay nagngangalang “Karl”. Sino nga ba si Karl sa kanila? Simple lang naman, ai Karl ay ang asawa ni Marilou at siya ang ama ni Eunice.

“Ito may dyip papuntang Quiapo. Manong! Sakay po!” sigaw ni Marilou.

“Sandali lang po, may kasama kaming senior citizen!” sigaw ni Eunice habang inaalalayan ang lola niya sa pag-akyat sa dyip.

“Ayan, hindi ka naman nasisikipan ni Lola?”

Advertisement

“Hindi naman anak, okay lang ako. Baka mangawit ka, halos wala ka nang nauupuan oh.”

“Okay lang ako Lola, basta makasimba tayo ngayon. Kinakailangan ko po talaga,” sagot ng apo sa kanyang lola.

Hindi naman manginginom si Karl. Wala siyang bisyo na kahit ano at madalas ay mabusisi siyang nagtatrabaho bilang mekaniko sa malapit na talyer. Kinukumpuni niya ang mga lumang bisikleta, motor, at kotse, at nakaka-ipon siya ng malaking pera mula sa doble-kayod niyang trabaho. Hindi problema ang pera sa kanila, isa lamang ang pinoproblema ng pamilya ni Karl sa kanya, ito ay ang ugali ng lalaki.

Nakakatakot na lalaki si Karl. Madalas pinagbabawalan ni Karl na lumabas ng bahay si Eunice at ang asawa, at sinasabi niyang mag-aral o mag-ayos lang sila sa loob. Kapag galit naman si Karl ay may hawak siyang kutsilyo at tinatakot na sasaktan ang asawa. Kaya ganun na lang ang takot na nararamdaman ng tatlong babae sa padre de pamilya.

Ilang minuto lang ang tinagal ng biyahe at nakarating din ang tatlo sa Quiapo Church. Dito sila laging nagsisimba tuwing araw ng Linggo. Ngunit bukod-tangi ang araw na iyon sa pagsimba nila. Nagsimba sila upang umiyak at ibuhos ang kanilang galit na dulot ni Karl. Lalo na kay Eunice, na sobra siyang pinaghihigpitan ng kanyang ama.

“Panginoon, maraming salamat po at biniyayaan mo po kami ngayon ng ligtas na biyahe. Maraming salamat po at malakas pa ang aking lola at ina. Patawarin mo po ako sa mga nagawa ko pong kasalanan, doon sa mga sinasadya ko at hindi ko sinasadya…” bulong ni Eunice sa sarili habang taimtim na nagdarasal.

Walang hiniling na masama si Eunice kay Karl. Kahit na malaki ang dinulot na takot ni Karl sa pamilya, pinagdasal na lang ni Eunice na maging malakas pa rin ang tatay niya at mas bumuti kumpara ngayon. Mahal pa rin niya ang ama kahit na naiiba ang ugali nito. Umalis din agad ang pamilya at kung kailan pasakay na sila ay may tumatawag kay Marilou.

“Marilou! Si Karl, nasa ospital! Ang daming dugong nawala sa tagiliran niya. Kakatawag lang namin ng ambulansya!” sabi ng kanilang kapitbahay.

Advertisement

“Bakit? Anong nangyari sa asawa ko?!”

“Wala nang panahon! Dumiretso na kayo sa sasabihin kong ospital. May nanloob sa bahay niyo at pilit na nilabanan ni Karl ang mga magnanakaw. Bilisan ninyo!”

Hindi na nag-atubili at nagmadali na ang pamilya sa pagpunta sa ospital. Tipong napapa-iyak na si Marilou sa kung anong nangyari sa kanyang asawa na tila nalimutan nila ang takot na naidulot sa kanila ni Karl. Agad silang nakapunta sa ospital at nahanap nila sa intensive care unit si Karl. Hindi sila pwedeng pumasok sa loob at ang tangi nilang magagawa ay magdasal at maghintay.

“Bakit ganito, ito ba ay gawa ng Diyos?” malungkot na tanong ni Marilou.

“Huwag naman sana, kahit na sobrang higpit ng tatay ko, kahit na sobrang laking takot ang naidudulot niya sa amin ay ama ko pa rin siya. Kaisa-isa ko siyang ama.” tila hindi alam ni Eunice kung anong mararamdaman niya.

Dalawang oras na silang naghihintay at wala pa ring balita tungkol sa kalagayan ni Karl. Napagpasyahan ni Eunice na ihatid muna si Lola Rowena sa kapitbahay nila, baka hindi pa ligtas ang bahay. Maiiwan na lang si Marilou sa paghihintay sa balita.

Umuwing walang imik o salita ang dalawa sa bahay. Isang kalunos-lunos na pangyayari ang nangyari sa kanila. Sa isip nila, kung hindi sila sana umalis ng bahay, wala sanang nangtangkang manloob sa kanila, at hindi sana nangyari iyon kay Karl.

Matapos mahatid ni Eunice ang kanyang lola ay dumiretso naman agad siya sa ospital. Nag-text ang kanyang ina na inilipat na sa ibang silid si Karl. Hindi na kritikal ang kondisyon ni Karl at may malay na rin ang ama. Matatag na tao si Karl kaya hindi na nagulat si Eunice sa kalagayan ng ama.

Advertisement

Pagdating sa ospital ay agad hinanap ni Eunice ang silid ng ama. Pagkahanap niya, dito niya natagpuan ang ama kasama ang kanyang ina.

“Eunice, buti nandito ka na…” mahinang wika ng ama.

“Opo ‘tay, nandito na ako. May masakit po ba sa inyo?” tanong ng anak.

“Kaya naman. Pero, hindi ito mahalaga. Si Nanay Wena, okay lang ba? Kayo, hindi ba kayo nasaktan?” tanong ng padre de pamilya sa dalawa.

“Okay lang kami Karl. Mas isipin mo ang kalagayan mo, ikaw itong nasa kama at may malaking hiwa sa tagiliran mo,” ika ni Marilou sa asawa.

“Bakit nga ba nahantong sa ganito ang sitwasyon mo?” tanong ni Marilou.

“Gusto nilang kunin ang pera natin, pati na rin laptop ni Eunice at kwintas mo. Ayaw kong mawala ang mga iyon– pinutol ni Marilou ang sinasabi ni Karl.

–Ano ka ba Karl? Mas mahalaga ang buhay kaysa kagamitan. Hindi mo ba naisip na baka mangabib ang buhay mo?” nag-aalalang sagot ni Marilou.

Advertisement

“Oo, naisip ko iyon. Pero, mahirapan akong makuha ulit ang pangmatrikula ni Eunice. Alam kong may thesis din na ginagawa ang anak ko sa laptop niya kahit na hindi ko maintindihan kung bakit kailangan lumabas pa siya sa kung saan-saan at may internet naman tayo. Lalo na ang kwintas mo, Lou. Binigay ko sa’yo iyon noong kasal natin…ayaw kong mawala iyon…” malungkot na sagot ni Karl.

Sa ganoong pagkakataon ay naramdaman ni Eunice ang pagmamahal ng kanyang ama.

“Da, sana naman kapag nagagalit ka sa amin, kung pwede lan ay huwag mo na kaming takutin gamit ang kutsilyo,” pakiusap ni Eunice.

Biglang tumayo sa kinauupuan ang ama at umupo sa kama. nagulat ang dalawa marahil baka mapa-ano ang ama at piit nilang pinapahiga muli si Karl, ngunit hindi ito humiga. Sumunod ay pilit namang tumayo at maglakad ang ama ngunit puwersahang pinaupo ni Eunice at Marilou si Karl. Sa ganito ay niyakap na lamang ni Karl ang dalawa at sinabing: “Pasensya na, alam kong marami akong kasalanan sa inyo. Alam kong nangangatog kayo minsan sa takot, at naakadagdag lang ako sa nerbyos ni Nay Wena, kaya, pasensya na. Pinipilit ko ring magbago ng kalooban ko. Alam kong malaki ka na Eunice kaya unti-unti kong binabawasan ang paghihigpit ko. Pagpensyahan ninyo ako…” at naluha na ang ama sa sinabi niya.

“Iisang dugo lang tayo Da…iisang dugo lang. Matagal ka na naming pinatawad…basta alagaan niyo po ang sarili ninyo,” sabi ni Eunice.

Dito namuo ulit ang pamilya sa kanilang mga damdamin. Nawala na ang takot nina Eunice at Marilou.”

“So, Da…pwede na akong gabihin?” pangiti at pabirong wika ni Eunice.

“Huwag mo munang ipilit, anak,” at nagtawanan ang pamilya marahil ngayon na lang ulit silang ngumiti nang totoo.