Hindi Makapaniwala ang Babaeng Ito sa Hirap na Daranasin Niya Maituloy Lamang ang Kanyang Kasal. Ano Kaya ang Nangyari?

“Baby, uulitin ko ha? Nag-iisa akong apong lalaki at ako rin ang unang apo kaya napaka-tradisyonal ng pamilya ko pagdating sa kasal,” saad ni Ace sa kasintahan.

“Oo, baby, ‘wag ka mag-alala, pang ilang beses mo nang sinabi sa akin yan kaya naman ready na ako,” sagot naman ni Stella sa nobyo.

Pauwi ang dalawa sa probinsya ng lalaki para ipaalam na ikakasal na sila. Alam kasi ni Ace na ang mga ganoong klase ng balita ay kinakailangan sa personal sabihin lalo na sa kaniyang angkan.

Una at nag-iisang lalaking apo si Ace sa kaniyang pamilya at paborito siya ng lahat ng mga tiyuhin at tiyahin lalong lalo na ang kinalakihang lola. Sa edad na 30 anyos ay lalagay na sa tahimik ang lalaki at inaasahan na rin niya ang magiging malaking handaan ito.

Pagkarating ng dalawa sa probinsya ay agad na nagmano ang dalaga sa lahat ng taong nakikita niyang kinakausap ng lalaki kahit hindi niya ito kilala, bilin kasi iyon ni Ace dahil mahalagang-mahalaga para sa kanila ang pagiging magalang sa matatanda.

Napagod din siya sa kakangiti at kakasagot kung paano sila nagkakilala ng nobyo. Halos lahat kasi ng nakatira sa baryong iyon ay kamag-anak raw ng kaniyang nobyo kaya bilin muli nito na maging magiliw sa kahit na sino.

“Lola, lola may gusto ho sana akong sabihin sa inyo,” wika ni Ace habang kumakain ang lahat sa piging na hinanda ng kaniyang ina. Bukod kasi sa sasabihin nilang kasal ay kakauwi lang rin ni Ace mula sa ibang bansa kaya mayroong handaan.

Huminto ang lahat sa pagkain at napatingin sa binata. Hinawakan naman ni Ace ang kamay ni Stella at sinabing, “Papakasalan na ho ako ng aking pinakamamahal na nobya, magpapakasal na ho ang apo niyo!” tuwang-tuwang pahayag ng lalaki.

Advertisement

“Bakit? Buntis na ba iyang babae?!” matapang na tanong ng kaniyang lola Orlinda.

“Naku lola! Hindi ho! Wala pa nga pong nangyayari sa amin ni Ace,” sigaw ni Stella sa matanda at nagtawanan ang lahat.

“Oh e ‘di ihanda na natin! Dito ang kasal, dahil kung hindi dito ay hindi kami papayag!” sigaw ng lolo ni Ace na si Lolo Domingo sa edad na 68 anyos ay malakas pa rin ang pangangatawanan ng matanda.

“Pag-uusapan pa —” hindi na natuloy ni Stella ang sasabihin nang hinawakan siya ng nobyo at sumigaw na “OO NAMAN! SIYEMPRE DITO ANG KASAL!” ngumiti na lamang siya at hinintay na matapos ang pagkain.

“Baby, hindi pa naman natin napag-uusapan ang venue ng kasal ‘di ba? Bakit um-oo ka na sa kanila?” tanong ni Stella sa nobyo.

“Baby, ‘di ba sinabi ko naman sayo na nag-iisang apo akong lalaki kaya naman dito talaga dapat ang kasal natin? Mas malaki ang angkan ko kaysa sa inyo,” saad ni Ace.

“Paano mga kaibigan ko? Kaibigan natin? E napakalayo nito sa Maynila! Paano yung pamilya ko?!” tanong ng babae.

“Sasagutin natin ang transportasyon nila at isa pa kami ang gagastos kaya wala kang dapat alalahanin,” baling muli ni Ace sa nobya. Doon palang ay labis na sumama ang loob ni Stella dahil pakiramdam niya’y agrabyado siya sa layo ng lugar ni Ace. Gayunpaman, pumayag na lamang ito dahil sila nga naman ang mas malaking gastos. Ngunit hindi inasahan ni Stella ang mga sumunod na nagyaring paghahanda para sa kasal.

Advertisement

“Baby, gusto ko nga palang theme natin ay black and white. Lahat ng mga bisita ay nakaitim at tayo lang ang nakaputi,” masiglang pahayag ni Stella sa nobyo.

“Hindi maaari ang itim sa kasal, hija! Malas iyon,” saad naman ni Lola Orlinada na nakikinig pala sa usapan nila.

Hindi na nagsalita pa ang dalaga dahil magagalit lamang sa kaniya ang nobyo kapag sinagot niya ang matanda. Maraming hindi nasunod sa pinangarap na kasal ng babae para lamang magbigay daan sa pamahiin ng angkan ni Ace.

Iniba nila ang orihinal na petsa ng kasal at itinapat kung saan full moon, maswerte raw kasi ito. Hindi rin nasunod ang gusto niyang motif, bawal din daw ang pagbyabyahe nilang magkasintahan dahil lapitin sila sa disgrasya, kaya naman laging magkahiwalay ang lakad ng dalawa at nagtatawagan na lamang sa telepono tungkol sa mga update para sa espesyal na araw.

Maging ang mga ninong at ninang na gusto ng dalaga ay hindi rin niya makuha dahil kinakailangang ang mga ninong at ninang ay kilala sila simula pagkabata at hindi kung sino-sino lang. Dahilan naman ng babae ay wala na siyang mga ganoon dahil halos lahat ay nasa probinsya at ngayon ay pawang mga kaibigan at boss na lamang ang meron siyang pwedeng makuhang ninong at ninang.

Pati ang mga pagkain, regalo at ayos ng venue ay walang kahit ni isang nasunod sa gusto ng babae. Pati pa nga ang kulay ng kaniyang bulaklak ay pinabago rin. Kailangan daw kasing purong puti lamang at walang kahit anong kulay dahil simbolo rin daw ito ng pagiging puro ng dalaga. Simula rin noon ay iniiwasan na ang pagkikita ng dalawa dahil hindi rin daw matutuloy ang kasal.

Naglagay din sila ng budget para sa pagbabasag ng plato sa reception para sa swerte at kailangan niya ring magsuot ng lumang gamit galing sa lola o lolo ni Ace para humaba ang buhay nila. Kailangan rin daw maging maingat sa pagsasayaw sa araw ng kasal at dapat na hindi matapakan ni Stella ang paa ni Ace para hindi ito maging under sa babae. Kailangan rin kumain ng kalamay habang sinasabuyan sila ng bigas bago pumasok sa recpetion kapag kasal na sila. Iilan lamang iyon sa napakahabang listahan ni Stella na dapat raw niyang pakatandaan sa araw ng kasal.

“Pati ba naman ang gown ko hindi ko pwedeng sukatin?!” sigaw ni Stella kay Ace.

Advertisement

“Babe, pamahiin kasi yun. Hindi raw matutuloy ang kasal,” paliwanag naman ni Ace sa nobya.

“2018 na Ace! Ang mga gown ay kailangan sukatin dahil baka hindi kasya! O kaya naman ay may sira! Nag-adjust na nga ako sa design kasi ayaw na naman ng angkan mo at masyado raw revealing! Pero Ace naman! Pati pagsusukat!? Hindi ko na kaya! HINDI MATUTULOY ANG KASAL! ALAM MO BAKIT? DAHIL DIYAN SA MGA PESTENG PAMAHIIN NA YAN!” sigaw ng dalaga at umiyak na ito.

“Mahal kita Ace, pero pakiramdam ko hindi ka sa akin magpapakasal kundi sa paniniwala ng angkan mo. Ang dami ko nang pinaubaya! Ako ba talaga ang gusto mong pakasalan o yung pride ng angkan mo!? Hindi ko na kaya. Hindi ko ito kasal, kasal ito ng angkan mo!” saad ni Stella sabay sandal niya gilid ng sofa.

“Paano na lang pag mag-asawa na tayo, baka lahat ng desisyon natin ay kailangan munang ikunsulta sa kanila dahil hindi mo kayang magsalita. Iba ang gumagalang lang sa may paninindigan, Ace. Kasal natin ito, dapat tayo ang masaya, tayo ang nasusunod dahil tayo ang magsasama at hindi sila. Tayo ang magtatago ng memorya ng kasal na ito at hindi ibang tao,” dagdag pa ng babae.

“Sorry baby,” baling ni Ace sa nobya at niyakap ito.

Simula noon ay kinausap niya ang kaniyang angkan tungkol sa pagbabago ng mga sa detalye ng kasal. Naging mahirap man ngunit natutong manindigan si Ace dahil tama ang babae, araw nila iyon at hindi sa ibang tao.

Naisukat na ni Stella ang kaniyang trahe de boda at nasunod ang gusto niyang pulang mga rosas. Naimbitahan din ng dalaga ang kaniyang mga gustong ninong at pinagsuot ng dark blue ang kaniyang mga abay. Hindi man nabago ni Stella ang lahat ng ayaw niya sa kasal ay ayos na rin dahil hindi lang naman niya araw iyon, araw din iyon ni Ace. Masaya na siyang makitang ipinaglaban siya ng lalaki.

Ngayon ay magtatatlumpung taon nang kasal ang dalawa na masaya, malakas at marami nang mga apo. Naniniwala silang wala sa kasal ang sikreto ng matibay na relayson kundi sa pag-iingat ng samahang sinumpaan niyo sa Diyos.