Ipinagpalit ng Lalaki ang Nobya sa Iba, Isang Munting Sikreto Pala ang Itinatago ng Babae

Masayang-masaya si Nicole dahil magkikita sila ng kanyang boyfriend na si Bryan. Mayroon siyang ipagtatapat sa lalaki na tiyak niyang ikatutuwa nito.

Nakangiti siya habang naghihintay sa restaurant, at nakaramdam ng kilig nang matanaw na ang binata. Hinalikan niya ito sa pisngi, hinawakan ang kamay at tumikhim muna. Bumubwelo palang siyang magsalita nang paasik na itong nagtanong.

Im age courtesy of www.google.com

“Bakit, ano bang meron?” nakasimangot pa ang lalaki.

“May sasabihin kasi ako sa iyo, e,” aniya.

“Ako din sana, mayroong sasabihin sa iyo!” sabi naman nito.

Napansin niya na malungkot at tila may mabigat na dinadala ang kanyang nobyo. Hindi ito makatingin nang diretso sa kanya.

“Ha, s-sige mauna ka na. Ano ba ang sasabihin mo?”

Huminga muna ng malalim si Bryan bago nagsalita.

Advertisement

“I’m sorry, Nicole!”

Nawala ang ngiti sa labi ng dalaga. Bigla siyang kinabahan sa sasabihin ng nobyo.

“For what?” tanong niya rito.

“M-may iba na kasi ako, e. tatlong buwan na kaming may relasyon.”

Natahimik si Nicole. Hindi niya inasahan ang ginawang pagtatapat na iyon ng nobyo. Kahit nasaktan sa sinabi nito ay pinigilan niya ang sarili at nanatiling mahinahon.

“P-patawarin mo ako. Bigla na lang nangyari,” patuloy pa nito.

“M-mahal mo ba siya?” mahinang tanong ni Nicole habang pinipigilan ang luhang gusto nang kumawala sa kanyang mga mata.

Napabuntong-hininga ang lalaki bago muling sagutin ang tanong niya.

Advertisement

“Oo, mahal ko si Carla!”



Napapikit siya sa sinabi ng nobyo. Napahawak siya sa dibdib at humugot muna ng hininga.

“K-kung iyan ang gusto mo, pinapalaya ka kita!” wika niya sa kausap.

Agad siyang tumayo sa kinauupuan at dali-daling lumabas sa restaurant. Nagtatakbo siyang umiiyak dahil tuluyan na niyang pinalaya si Bryan. Mahal na mahal niya ito ngunit wala siyang magagawa kundi palayain ito dahil para sa kanya, ang totoong nagmamahal ay handang magparaya.

Lumipas ang ilang buwan at hindi na nagpakita pa ang lalaki kay Nicole. Hindi na rin ito tumatawag at nagpaparamdam sa text. In-unfriend na rin siya nito sa facebook. Malungkot ngunit kailangan niyang magmove-on.

Habang namamasyal siya sa mall ay nakasalubong niya si Bryan at ang bago nitong girlfriend. Ang lalaki ang unang bumati sa kanya.



“N-Nicole, kumusta ka na?” gulat nitong tanong sa kanya.

Hindi niya sana sasagutin ang tanong nito at aalis na parang walang nakita ngunit wala na siyang nagawa.

Advertisement

“O-okay naman ako,” matipid niyang sagot.

“Parang tumaba ka? By the way, fiance ko si Carla!”

“Hi, attend ka sa kasal namin, ha?” masayang bati ng babae.

Tumango lamang siya sa sinabi nito at agad nang nagpaalam na may dadaanan pa siya.

Habang nasa sasakyan ay inisip pa rin ni Nicole ang sinabi ng babae, na ikakasal na ito sa dating nobyo. Muling lumabas sa kayang mga mata ang luhang kanina pa gustong kumawala.



Pagdating niya sa bahay ay naabutan niya ang nakatatanda niyang kapatid na si Eunice na nakaupo sa sofa at nanonood ng TV.

“O, ginagabi ka? Alam mo namang bawal sa iyo ang sobrang napapagod,” nag-aalalang wika nito.

“Nakita ko siya kanina, ate. Masakit pa rin pala kapag nakita mo ang mahal mo na masaya kasama iyong taong mas mahal niya,” sabi niya sa malungkot na boses.

Advertisement

Tumayo sa pagkakaupo ang kapatid at niyakap siya.

“Kailangan mong maging matatag at malakas, sis. Alam kong kakayanin mo!” anito.

Dumating ang araw ng kasal ni Bryan. Di ito pinalampas ni Nicole, pupunta siya sa simbahan dahil gusto niyang makita sa huling pagkakataon ang dating nobyo.

Nakatanggap siya ng imbitasyon mula kay Carla na hinanap pa talaga ang facebook account niya. Hindi niya lubos na maisip kung bakit gusto pa nito na pumunta siya sa kasal nito. Hindi ba sinabi ni Bryan sa fiance nito na siya ang ex girlfriend nito? Pero isang desisyon ang kailangan niyang gawin.



“Sigurado ka ba sa gagawin mo, sis?” tanong ni Eunice.

Napabuntong-hininga si Nicole bago sagutin ang kapatid.

“Sigurado na ako, ate. Kahit ngayon lang. Gusto ko siyang makita kahit ito na ang huli,” aniya.

Kahit malakas ng ulan ay tinungo ni Nicole ang simbahan kung saan nakatakdang ikasal sina Bryan at Carla at nasaksihan niya kung paano pinag-isang dibdib ang kaisa-isang lalaking minahal niya at ang babaeng totoong mahal nito. Hindi na naman niya napigilan ang muling mapaluha sa eksenang iyon sa altar. Hindi niya tinapos ang seremonyas at agad na lumabas ng simbahan.

Advertisement 

“Sapat na sa akin na makita kang masaya, Bryan,” pabulong niyang sabi habang naglalakad palayo sa simbahan.

Makalipas ang isang taon, habang naglalakad si Bryan na may bitbit na bulaklak na ibibigay niya sa asawa dahil kaarawan nito ay nakasalubong niya ang kapatid ni Nicole na si Eunice, may tulak-tulak itong stroller na may lamang sanggol.

“Ate Eunice?” tanong niya sa babae.

“B-Bryan? Ikaw na ba iyan?” balik na tanong nito na halos di nakilala ang lalaki. Mayroon na kasi siyang bigote at mahaba na ang buhok.

“Kumusta na kayo? Si Nicole? At kanino pong anak ang baby na iyan?” sunud-sunod na tanong niya rito. Napansin niya na cute na cute ang sanggol na nasa stroller.

Nang itanong niya ang tungkol sa sanggol ay doon na napahagulgol ang babae.

“Bryan, ang sanggol na iyan ay anak mo. Anak niyo ni Nicole,” bunyag nito.

“Ano?”

Advertisement

Hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Eunice na anak niya ang kasama nitong sanggol.

“Nang makipaghiwalay ka sa kapatid ko ay isang buwan siyang nagdadalantao. Hindi niya sinabi sa iyo ang totoo kasi gusto niyang maging masaya ka sa pinili mong buhay. Mahal na mahal ka ni Nicole at nagparaya siya para sa kaligayahan mo.”

Hindi na namalayan ng lalaki na tumulo na ang kanyang luha. Agad niyang kinarga ang sanggol at niyakap.

“Hindi ko alam, patawarin mo ako anak! Nasaan si Nicole, gusto ko siyang makausap,”

Lalong napahagulgol ang babae.

“Wala na siya, Bryan. Hindi niya nakayanan ang panganganak. Wala na ang kapatid ko! Pumunta siya sa kasal mo, gusto niyang makita ka sa huling pagkakataon. Pagkatapos niyon ay sinikap niyang ipagpatuloy ang buhay kahit walang magiging ama ang isisilang niyang anak.” pahayag pa nito.



Napagtanto ni Bryan na napakalaki ng kasalanan niya sa dating nobya. Una ay ipinagpalit niya ito sa ibang babae at hindi niya pinanagutan ang anak nila. Labis man ang kanyang pagsisisi ay hindi na niya maibabalik ang buhay ni Nicole at hindi na rin niya maitutuwid ang mga kasalanang nagawa rito. Pero may pagkakataon pa siya para maging ama sa kanyang anak. Doon man lang ay makabawi siya sa lahat ng pagkukulang niya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.