Ayokong Matulog sa Labas ng Kulambo

“Saan ka galing? Bakit ngayong ka lang umuwi? Nangbabae ka, noh! H*yop ka, Emerson! Manloloko! Binigay ko sa’yo ang lahat tapos ito pa ang igaganti mo sa’kin!” sigaw ni Bettina sa asawa.

“Ano bang pinagsasabi mo? Hindi kita niloloko at lalong wala akong babae!” Paliwanag ni Emerson. “Sinungaling! Hindi ako naniniwala sa’yo! Kung hindi ka nambabae bakit mo iniwan ‘yung wedding ring mo?” Nagngingitngit pa rin sa galit si Bettina.

Napahilamos sa mukha si Emerson. Sa lahat ba naman ng makakalimutan niya ay ‘yung wedding ring pa niya. Alam naman niyang simula nung nabuntis ang asawa niya ay naging ubod na ng selosa nito. Lahat ng mga babaeng kliyente niya sa talyer na nagtetext at tumatawag sa kaniya pinagselosan ng asawa. Ultimo ang suki nilang naglalako ng isda na isang matandang babae ay hindi nakatakas sa selos nito. Sana pala ay hindi na niya hinubad ‘yung wedding ring niya kanina nung inayos niya ‘yung motorsiklo niya.

Pinilit ni Emerson na maging mahinahon bago niya sinagot ang asawa. “Pasensya na at nakalimutan kong isuot ulit ang wedding ring ko. Hindi na mauulit. Pangako ko ‘yan sa’yo. At tsaka ngayon lang ako nakauwi dahil nahirapan akong maghanap ng pinabibili mong ube pastillas at kesong puti na ice cream.” Biglang nagningning ang mga mata ni Bettina.

“Nasaan na ang pastillas at ice cream ko?”

Matapos kumuha ng kutsara sa kusina ay dumiretso ang babae sa kanilang kwarto dala ang kaniyang mga pinabili.

Kinagabihan nung umakyat na si Emerson sa kanilang kwarto para matulog ay hindi niya mabuksan ang pinto.

“Hon, bakit mo ni-lock ang pinto? Buksan mo ‘to para makapasok ako.”

Advertisement

Kumatok ng malakas ang lalaki.

“Sa sala ka matulog. Parusa ko ‘yan sa’yo para sa susunod ay hindi mo na makalimutan sa bahay ang wedding ring mo.”

Hindi nakatulog ng maayos si Emerson dahil hirap na hirap siyang ipagsiksikan ang malaki niyang katawan sa maliit nilang sofa at sa pagpatay ng mga lamok na walang ginawa kung hindi papakin ang kaniyang kutis buong gabi. Dahil sa naranasan niya nung gabi na iyon ay itinatak niya sa kaniyang isipan na hindi na niya ulit huhubarin ang kaniyang wedding ring kahit na anong mangyari para hindi siya outside the kulambo.

Madaming sirang sasakyan na inayos si Emerson sa talyer kayang puro grasa ang kaniyang kamay. Dahil sa naging madulas ang balat niya ay ilang beses nang aksidenteng nahubad ang kaniyang wedding ring sa kaniyang daliri kaya madalas niyang chini-check ang kaniyang kamay kung suot pa niya ito. Ayaw niyang matulog sa sala mamayang gabi.

Sa di inaasahang pangyayari ay nahubad ang kaniyang wedding ring nang hindi man lang niya namamalayan. Huli na nung napansin niyang wala na ito sa kaniyang daliri.

“Tulungan niyo naman akong hanapin ang wedding ring ko. Lagot ako sa asawa ko pag umuwi akong hindi suot ‘yon,” pakiusap ni Emerson sa kaniyang mga katrabaho.

Lahat ay huminto sa pag-aayos ng mga sasakyan para tumulong sa paghahanap. Laking pasasalamat ng lalaki nung makita niya itong nilalaro ng isang pusang gala na mahilig tumambay sa talyer.

Agad niyang pinuntahan ang kinaroroonan ng pusa. Aabutin na sana niya ang kaniyang wedding ring nung biglang tinulak ito ng pusa palabas ng talyer. Pigil ang hininga ni Emerson habang sinusundan ng kaniyang mga mata ang paggulong ng kaniyang wedding ring sa kalsada. Nung ligtas itong nakarating sa kabilang bangketa ay tsaka lang nakahinga ng maluwag ang lalaki. Buti na lang at walang dumaan na sasakyan.

Advertisement

Akala ni Emerson ay tapos na ang kaniyang problema ngunit nagkamali siya. Namilog ang kaniyang mga mata nung nakita niyang di sinasadyang masipa ng isang lalaki ang kaniyang wedding ring at nahulog ito sa maliit na butas ng imburnal.

“Mario, dalhan mo nga ako ng kahit na anong pwedeng gamitin diyan para mabuksan itong takip ng imburnal,” pakiusap ni Emerson sa isa niyang katrabaho. Isa lang ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Kahit na anong mangyari ay kailangan niyang mahanap ang kaniyang wedding ring.

Nung mabuksan na ang takip ay pumasok si Emerson sa loob ng imburnal para hanapin ang kaniyang wedding ring. Tiniis niya ang masangsang na amoy at gamit ang kaniyang mga kamay ay dumakot siya sa ilalim. Masusi niyang binusisi ang mga basura nadadakot niya. Matapos ang tatlong oras na paghahanap ay nakita din niya ang kaniyang wedding ring. Bago niya malinis ito ay biglang nag-ring ang selpon niya sa bulsa.

“Emerson, umuwi ka na! Bilis! Manganganak na ako!” Sigaw ni Bettina sa kabilang linya.

Wala ng pakialam si Emerson kahit amoy imburnal pa siya. Agad niyang sinuot ang kaniyang wedding ring at mabilis na umalis ng talyer sakay ng kaniyang motorsiklo. Pagdating niya sa bahay ay hindi maipinta ang kaniyang mukha.

“False alarm, hon. Sorry. Hindi pa ko manganganak,” tipid ang ngiti ni Bettina nung pumasok ang kaniyang asawa na pawis na pawis at hinahabol ang hininga.

Biglang tumalim ang paningin ng babae nung bigla siyang may maalala. “Nasaan ang wedding ring mo?” Lumapit si Emerson sa asawa at pinakita dito ang kaniyang kamay. Sinuri ng babae ang kaniyang kamay bago tinakpan ang ilong nito. “Ba’t kakaiba ang amoy ng kamay mo? Ang baho mo! Maligo ka nga!”

Matapos maligo ay tinabihan ni Emerson ang kaniyang asawa sa sala. “So hindi ako outside the kulambo ngayon? Tabi tayong matutulog?” Matamis siyang nginitian ni Bettina. “Siyempre magkatabi tayong matutulog mamaya. Bakit? Mas gusto mo bang matulog dito sa sala ng mag-isa?” Hinalikan ng lalaki ang kaniyang asawa sa pisngi bago niya ito sinagot. “Siyempre mas gusto kong katabi kang matulog.”

Advertisement

Malapad ang ngiti ni Emerson. Sulit ang pangingisda niya ng kaniyang wedding ring sa imburnal. Hindi nagalit sa kaniya si Bettina at magiging mahimbing ang tulog niya ngayong gabi.