Ipinapadala ng OFW ang Lahat ng Pera Niya sa Pamilya sa Pilipinas, May Kakaiba Palang Pinaggagastusan ang mga Ito

Mag-aanim na taon na sa ibang bansa si Jelbert, noong una ay staff siya sa isang bakeshop sa Dubai pero nang magtagal ay naging manager na siya. Pinagbutihan niya kasi talaga sa trabaho. Ang lahat ng sinusweldo niya ay ipinapadala niya sa ina, siguro ay nasa 40,000 kada buwan ang lumalabas na pera sa kanya.

“Nay, send naman kayo ng picture ng bahay natin. Bago na ba yung gate? Sapat na ba yung sa bubong or kulang pa, maganda sana kung may kisame na rin,” sabi niya. Day off niya ngayon at nag-aayos siya ng gamit. Lingid sa kaalaman ng magulang niya, sosorpresahin niya ang mga ito at magbabakasyon siya sa Pilipinas sa loob ng isang buwan.

“O-oo nak, naipagawa ko na. Itong kapatid mo lang eh, hindi kasi ako marunong mag-camera sa cellphone. Pagkaano, sasabihin ko litratuhan tapos ipadala sayo,” sabi ng nanay niya.

Ilang sandali pa ay tinapos na nila ang tawag. Makalipas ang ilang araw, ang laki ng ngiti ni Jelbert nang makatapak na sa Pilipinas.

Anim na taon na ang nakalipas, ang dami nang nagbago. Pasakay siya sa eroplano pa-Dubai noon at walang wala siya, ni singko walang laman ang bulsa. Suntok sa buwan ang pagyaman, pero ngayon, tapos na sa pag-aaral ang mga kapatid at naipagawa niya na rin ang bahay nila.

Sumakay na siya sa taxi at nagpahatid sa tahanan nila, ganoon na lamang ang pagtataka niya nang pagtapat sa bahay nila ay wala pa ring nagbago. Ganoong ganoon pa rin.

Binubukbok ang gate na kahoy, bubong na butas, pader na tabla. Diyos ko, ni wala pa ring bakal ang bintana dahil nakita niyang nililipad ang lumang kurtina doon.

“Beng, nasaan ka na ba? Luto na ang ulam-” sabi ng nanay niyang palabas para tawagin ang kapatid niya pero nanlaki ang mata nito nang makita siya.

Advertisement

“Jelbert? Hay susko Jelbert ko!” tuwang tuwang sabi nito at niyakap siya, pero matigas ang ekspresyon ng binata.

“Bakit ganito pa rin ang bahay?” tanong niya agad.

“Kasi-“

“Saan nyo dinadala ang pera ko?! T*ngina, pinaghirapan ko yon! Akala ko hindi kayo tulad ng iba na nanggagapak ng pera, Nay, akin yon! Pinadala ko yon para may mapuntahan, pinaglulustay nyo!” sigaw niya. Pinagtinginan tuloy sila ng mga kapitbahay.

Nakatungo ang nanay niya at nanginginig ang mga balikat, halatang umiiyak.

“Ano’ng iniiyak iyak nyo? Bakit kayo nakatungo, ha? Nahihiya kayo sa mga kapitbahay sa ginawa nyo sa akin? Sariling anak nyo niloko nyo? Anong klase ina ka?” dire-diretso siya sa pagsasalita.

“M-magpapaliwanag ako hindi ko naman anak balak na-“

“Ano’ng hindi balak hindi balak? Balak nyo! Pinagkaperahan nyo lang ako sa abroad habang kayo buhay reyna rito sa Pinas, magkalimutan na tayo Nay.” sabi niya bago tumalikod.

Advertisement

Napaiyak na lamang siya nang nakasakay na sa tricycle, sa hotel na muna siya nagpalipas ng gabi. Ang inakala niyang masayang bakasyon ay mauuwi pala sa pagkakasira ng kanilang pamilya.

Kinabukasan ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang kapatid na bunso. Nasa ospital raw ang nanay nila. Sus, tiyak niyang umaarte lang ito.

“Kuya parang awa mo naman, walang wala kami. Hindi namin kaya kung mawawala ang nanay. Kung sakaling may kaunti ka pang konsensya kuya wag mo naman sana siyang tiisin.”

Gusto niyang sumbatan ang kapatid tungkol sa pagbabanggit nito ng salitang ‘konsensya’ pero tumahimik na siya. Naisin niya mang tiisin rin ang nanay ay tila ba may kumurot sa puso niya kaya pumunta na rin siya sa ospital.

Hindi niya kinikibo ang mga kapatid at ang kanyang ama na may edad na. Narinig niya kaninang namasada raw sa jeep.Pwe, tiyak niyang nagpapaawa lang ito. Hindi na siya mauuto ng mga manloloko niyang kapamilya.

Paalis na siya nang muli siyang tawagin ng kapatid, marahas niya itong nilingon.

Inabot nito ang isang susi, medyo nagtaka siya.

“T-tuloy pa rin sa pagkayod si nanay at tatay para sa pag-aaral namin Kuya. M-maski nga gamot ng nanay sa diabetes hindi na nabibili kaya nagkaganito siya.”

Advertisement

Tahimik lang siyang nakikinig, wala siyang ideya sa tinutumbok ng paliwanag nito.

Nagtuloy ang dalaga sa pagsasalita, “H-hindi naman namin ginagalaw ang perang pinapadala mo. Katwiran ng nanay at tatay, pinaghirapan mo iyan.Ayaw naming maging pabigat. Y-yung..yung pera, inihuhulog namin sa bahay mo. Ikinuha ka nila ng bahay sa magandang subidivision-“

Hindi na napatapos ni Jelbert ang pagsasalita ng kapatid dahil tumakbo na siya sa gilid ng kama ng ina at halos mapaluhod doon, tulo nang tulo ang luha niya habang humihingi ng tawad.

Akala niya ay kinuha nito ang pera niya, pero kahit pala maghirap ito ay siya pa rin ang iniisip. Nais niya mang bawiin ang masasakit na salitang nasabi rito ay tapos na iyon.

Bumawi siya sa kanyang ina, siya ang nagbantay rito sa ospital. Matyagang pinapakain ito at inaalalayan. Awa naman ng Diyos ay dininig ang dasal niya na umigi-igi ang pakiramdam nito.

Matapos ang buwang iyon ay bumalik na sa abroad si Jelbert, nagpapadala pa rin siya ng pera pero siniguro niyang doon na rin kumukuha ang kanyang mga magulang. Pinatayuan niya ito ng bigasan at general merchandise na tindahan para hindi na kakayod pa ang dalawang matanda.

Nagsisi siya sa kanyang mga nasabi, dahil higit sa ibang tao siya dapat ang nakakilala sa kanyang pamilya at nakaalam na hinding hindi siya magagawang lokohin ng mga ito.