Pinagbintangan ng Ginang ang Mabait na Kapitbahay na Nagtatapon ng Basura sa Tapat Niya, Napahiya Siya Nang Malaman Kung Sino ang Tunay na Salarin

Si Aling Josie ay matagal nang naninirahan sa Brgy. Batong Dalig Kawit, Cavite. Dito na siya nagdalaga, nagkaasawa, nagkaanak at nagkaapo. Gayunpaman, kahit pa isa siya sa mga naunang residente sa lugar ay wala siyang makasundong kapitbahay. Masyado kasi siyang mahilig magsilip sa kamalian ng iba, inggitera rin siya. Kung ano ang makitang ipinapagawa ng kapitbahay, dapat mayroon rin siya.

Idagdag pang ubod siya ng matapobre, kung makaasta sa kapwa ay tila kaya na niyang bilhin ang pagkatao nito.

“Julie! Sino iyang mga yan?” tanong niya sa manikurista minsang nagpapalinis siya ng kuko sa terrace ng kanyang bahay, napansin niya kasing may mag anak na bumababa ng kotse, nasa likod noon ay ang mas malaking sasakyan na siguro ay pinaglalagyan ng kagamitan ng mga ito.

“Bagong may ari ng bahay nina Tessie, ate.” sagot naman ng babae, abala sa paglalagay ng cutics na kulay pula sa hinlalaki niya sa paa.

“Ayusin mo naman yan! Baka lagpas-lagpas yan, sasabunutan kita.” pagtataray niya rito at medyo isinipa pa ang paa. Hindi naman nakakibo ang manikurista, sanay na sa asal ng customer. Kung tutuusin, singkwenta pesos lang naman ang ibinabayad nito pero feeling senyora talaga.

Ilang araw na ang lumipas at ilang beses na ring nakasalubong ni Aling Josie ang kanyang bagong kapitbahay, nalaman niyang Belen ang pangalan ng babae. Sinusubukan siyang ngitian nito pero palaging nakaismid ang una, taas noo at minsan pa nga ay mula ulo hanggang paa kung makatingin.

“Hmp, nagpapagawa ng bakod. At pinapinturahan pa ang gate nila, aba, may pera! Saan naman kaya kinukuha? Sigurado akong nagyayabang lang iyan, baka nga ang asawa eh, minimum lang ang sinusuweldo!” paghihimutok ni Aling Josie, kausap niya ngayon ang mister na naririndi na rin kasisilip niya sa mga kapitbahay.

“Pabayaan mo na sila’t buhay naman nila yan,” sabi ng lalaki.

Advertisement

“Ay talaga! Wala naman akong pakialam sa buhay nila ano! Ang sa akin lang, wag silang nagyayabang dahil MAS ako sa kanya. Humanda sakin ang babaeng yan. Kaninang umaga ba naman ay may nakita akong sako ng basura sa tapat ng bahay natin. Tiyak kong siya ang naglagay nun!” bintang niya agad kay Belen, kahit na inosente ang babae sa ipinaparatang niya.

“Wala ka naman ebidensya, tigilan mo nga iyang pag-iisip ng masama sa kapwa.”

“Siya yan! Sigurado akong siya yan! Naiinggit iyan sa akin kaya gumagawa ng eksena.” pagpupumilit niya.

Sinusubukan ni Aling Josie na magparinig upang patulan siya ng bagong kapitbahay. Ang ilang residente doon ay napapailing nalang dahil sa ugali ng ginang, tumandang walang pinagkatandaan ‘ika nga. Siya ang isa sa pinaka may edad ay siya pa ang pasimuno ng mga gulo.

Isang hapon, sa sobrang inis dahil di siya pinapatulan ni Belen at panay ngiti lang ito sa kanya ay nagtawag na ng dalawang Brgy. Tanod si Aling Josie. Naglabasan ang mga tao sa kani-kanilang bahay dahil naamuyan nilang may eskandalong mangyayari.

“Belen! Ano! Diba’t ikaw ang nag-iiwan ng basura sa gate ko?! Napaka-inggitera mo, kabagu-bago mo rito eh nakikipag daigan ka! Kapal ng mukha mo!” sigaw niya sa tapat ng bahay ni Belen. Ang dami nang nanonood pero walang pakialam si Aling Josie, mapahiya man siya ay sisiguruhin niyang ganoon din si Belen.

“Ate Jo… hindi ko po alam ang sinasabi nyo.” sinserong sabi ng babae pagkalabas nito ng gate, sa totoo lang ay nagulat nalang ito na nagsisisigaw na si Aling Josie sa tapat ng bahay nya, at may kasama pang mga tanod.

“Ano’ng wala? Tignan mong inggitera ka na eh sinungaling ka pa! Aber, kung hindi ikaw, eh sinong mag iiwan ng basura sa tapat ko? Ang tagal ko na rito’y walang gumagawa niyan sa akin ha!” bulyaw niya.

Advertisement

Napalingon ang lahat nang magsalita ang binatilyong apo ni Aling Josie.

“La.. ako ho ang nagtatapon.”

“Jonjon?” naguguluhang tanong ng babae, noo’y magkahalong pagkagulat at pagkapahiya ang nararamdaman. Lahat ng tao ay napalingon sa binatilyo.

“Naiinis ho kasi ako sa inyo dahil lahat nalang ay inaaway ninyo. Kaya sinasadya ko iyan para alam nyo pong hindi nagugustuhan ng mga tao ang ugali nyo. Ayaw ko pong maging masama kayo.” nakatungong pag-amin nito.

Sa sobrang pagkapahiya ay napatakbo nalang si Aling Josie sa loob ng bahay nila.

Dumiretso siya sa kwarto, ganoon na ba kasama ang ugali niya para maging sariling apo niya ay nakakagawa ng kalokohan para lang magbago siya? Bakit nga ba ang lahat ay ilag sa kanya?

Noon lang siya parang nagising sa katotohanan na hindi nga siya marunong makipagkapwa-tao. Nang gabi ring iyon ay humingi ng tawad si Jonjon sa matanda pero napangiti nalang si Aling Josie, siya kasi dapat ang mag-sorry sa apo. Maging kay Belen, at sa lahat ng kapitbahay na inaway niya.

Noon lang naramdaman ng matanda ang kapayapaan sa kanyang dibdib. Ang sarap pala nang walang kaaway.