Buntis na ang Kabit ng Mister Kaya Inatake sa Puso si Misis, Akala ng Lalaki ay Tapos na ang Lahat Pero Magbabalik Pala Ito

Siyam na taon nang nagsasama sina Rey at Angela. Matagal nang nagresign sa trabaho ang babae upang matutukan na lamang ang kanyang mag ama, mayroon kasi silang pitong taong gulang na anak. Habang ang mister naman ay isang Engineer.

Kung titignan ay parang perpektong pamilya na sila, may sariling bahay, kotse, at maganda ang buhay. Pero may malaking lihim si Rey, may ibinabahay siyang kabit at ngayon ay buntis na ito, si Melody.

Hindi niya masabi sa kanyang misis dahil mahina ang puso ni Angela, katunayan noong nanganak nga ito sa anak nilang si Sid ay kinailangang lagyan ng oxygen, at i-ceasarean section dahil hindi kaya ng puso nito ang labis na pag- iri. Katwiran nya pa, kaya nya namang buhayin nang sabay ang dalawang pamilya dahil malaki ang sahod niya.

“Ang baon mo hon? Hintayin mo na si Sid nagsa-sapatos lang,” sabi ni Angela isang umaga, napansin kasi ng babae na hindi kinuha ng mister ang lunchbox na inihanda niya.

“Wala bang school service si Sid? O-okay na ako hon, hindi na ako magba-baon kasi may birthday sa opisina. Magli-libre ng pagkain,” palusot ni Rey, ang totoo kasi ay didiretso siya mamayang uwian kina Melody at magtatampo ang babae kapag nakitang kinakain niya ang ipinabaon ng misis nya.

“Wala eh, hayaan mo na at minsan lang naman maglambing sayo ang batang yan. Idaan mo na, along the way mo naman ang school nya,” sabi ng misis.

“Sige.” napapakamot sa ulong sabi ni Rey. “Sid! Dalian mo ‘nak male-late na ako!” sigaw niya pa.

Pagkababa ng bata ay sumakay na sila sa kotse nya, inihatid niya na ito sa school. Kabababa pa lamang ni Sid sa gate ng eskwelahan, ite-text nya sana si Melody at iu-update ito na papasok na sya nang makapa nyang wala ang cellphone nya sa bulsa. Sinilip nya ang bag pero wala rin doon.

Advertisement

Kinabahan si Rey. Naiwan nya yata sa bahay.

Dali-dali nyang iniliko ang sasakyan at nagdrive pauwi. Sh*t, naroon lahat ng pag uusap nila ni Melody.

Dahan dahan niyang binuksan ang pinto nang makita si Angela na tahimik na nakaupo sa sofa.

“Hon naiwan ko pala ang cellphone ko-“

“Kailan pa?” matigas na sabi nito.

Laglag ang balikat ni Rey, alam na nito ang totoo. Napansin nyang hawak hawak nito ang cellphone nya at naroon ang litrato niya kasama ng buntis na si Melody.

Wala syang choice kundi magsabi na ng totoo.

“Matagal na. Sana naiintindihan mo ako, ang boring na kasi ng pagsasama natin. Si Melody ang nagpuno sa lahat ng kakulangan mo.” paliwanag nya.

Advertisement

“Kakulangan ko? Kailan ako nagkulang? Inalagaan ko kayo ni Sid! Sariling buhay ko nga hindi ko na natutukan, dahil kayo nalang lahat ang inisip ko!” sabi ng babae.

“Ikaw rin kasi, palagi mo akong tinatanggihan. Tsaka di moko binantayan, malapit ako sa tukso.”

“H-hindi binantayan? Hindi k-kita..binantayan dahil may t-tiwala ako sayo!” nagsimula na itong mamutla at sumakit ang dibdib. Hindi alam ni Rey ang isasagot, hindi nya rin alam kung bakit pinabayaan niya lang ito kahit pa halatang nahihirapan nang huminga ang misis.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Angela, “H-hindi ko naman akalaing gagawin mo ito! Kung m-mabuti kang ..asawa kahit na hindi ka bantayan ay h-hindi mo kami lolokohin ng anak mo, h-hindi mo ako lolokohin-” tuluyan na itong tumumba.

Walang maramdaman si Rey, pinabayaan nya lamang na nakahandusay ang misis sa sahig ng ilang minuto, iniisip nyang pag tuluyan itong nawala, malaya na sila ni Melody. Isang oras pa ang lumipas bago nya ito binuhat at isinugod sa ospital, hindi na umabot pa si Angela.

Pinalabas nyang umuwi sya upang kunin ang cellphone at pagbalik niya at nakahandusay na ito.

Sa isang funeral home niya naman ito ibinurol at hindi sa bahay nila, ikatlong araw na ng lamay pero hindi nya pa rin nasasabi kay Sid ang totoo. Ewan niya ba, parang nakukunsensya siya at natatakot sa anak nya, pakiramdam niya ay makikita ng bata sa mga mata niya ang totoo.

Laking taka niya rin naman nang hindi ito nagtatanong. Ikalimang araw na ng lamay ay wala pa ring alam ang bata. Plano ni Rey na sabihin na ito ngayong naghahapunan sila, tutal ay libing na ni Angela bukas.

Advertisement

“Anak kumusta ang school?” bwelo niya. Abala naman ang bata na hinihiwa ang bangus na ulam.

“Okay lang po, nagpa-test po si teacher namin. Natutuwa yung classmate ko sa akin kasi marunong na akong magsulat ng dikit dikit,” masayang sabi nito.

Tumango si Rey,”Ako na ang maghihimay ng bangus at baka matinik ka. T-tungkol pala sa mommy mo..” panimula niya.

“Ay oo nga, may question po pala ako sayo daddy!” sabi nito at tila nangingiti pa.

Nagtaka naman si Rey, “Ano yun anak? Bakit ka natatawa?”

“Kayo po kasi eh, mahilig kayong maglaro. Bakit po nakapasan sa inyo si Mommy palagi? Ilang araw na kayong ganyan na dalawa, di kaba po nabibigatan?”

Hindi alam ni Rey ang isasagot dahil kahit sarado ang bintana ng bahay nila ay nakaramdam siya ng malamig na hangin sa bandang batok niya.

Nagpatuloy sa pagsasalita ang bata, “Kung hindi naman nakapasan, nakasunod sayo si Mommy kahit sa banyo,” humagikgik pa ito pagkatapos. “Uy mommy, ngiti ka naman po! Bakit parang galit ka po kay daddy?” sabi nito at nakatingin sa likod nya.

Advertisement

Binalot ng kilabot ang puso ni Rey, para ring may narinig syang biglang bumulong,

“Diba sabi mo bantayan kita?”

Hindi alam ng lalaki kung paanong dasal ang gagawin, sinimulan niya sa pagsasabi ng totoo sa anak. Kahit ang mga kasalanan niya ay inamin niya rito, umiiyak na tumakbo ang bata sa kwarto.

Nakipagkalas na rin siya kay Melody dahil napag isipan niyang hindi siya titigilan ni Angela, nangako na lamang siya sa kerida na hindi niya pababayaan ang anak rito at susustentuhan niya pa rin.

Habangbuhay siyang nagsisi sa kasalanang nagawa, pinalaki niya nang maayos si Sid para kahit paano ay doon makabawi sa misis niya. Hindi na siya nakapag asawa pang muli dahil alam niya, nakabantay ang misis niya.