Dahil sa Kakulangan sa Pera ay Iniwan ng Misis ang Kanyang Asawa Para sa Ibang Lalaki, Taon ang Lumipas at Naisipan Niyang Makipagbalikan, May Pag-asa Pa Kaya Sila?

Nagkakilala si Myla at Pat noong sila’y nasa kolehiyo pa lamang.

Naging maayos ang kanilang relasyon kahit galing pa sa mahirap na pamilya si Pat – buong puso siyang tinanggap ng kanyang nobya.

Ang kanilang pagmamahalan ay umabot sa kasalan.

Ngunit, dito rin nagsimula ang kanilang mga problema.

Nawalan ng trabaho si Pat noon dahil natapos na ang kanyang kontrata sa dating pinagtatrabahuan.

Nahihirapan siyang maghanap ng bagong trabaho dahil sakto namang nilayasan sila ng yaya ng kanilang nagiisang anak na si Cassie.

Kaya naman, siya na rin ang nagbabantay ng kanyang anak pansamantala habang si Myla ang nagtatrabaho.

Naging isang malaking isyu ito para kay Myla, na imbis na sana siya ang nasa bahay at nagbabantay ng anak ay ang asawa niya pa ang naiwan.

Advertisement

“Bakit kasi hindi ka na maghanap ng trabaho. Para pag nakakita ka na, magreresign na ko sa trabaho ko ngayon tapos ako nalang ang mag-aalaga sa anak natin,” ani Myla.

“’Yon din ang gusto ko. Kaya naman naghahanap talaga ako ng maayos na trabaho ngayon na maayos rin magpasahod para hindi mo na kailangang magtrabaho,” sagot ni Pat.

Napailing na lang si Myla at halatang ayaw nang ituloy ang usapan.

“Konting pasensya na lang po at magiging ayos din ang sitwasyon natin,” dagdag pa ni Pat.

Ngunit imbis na suportahan ang asawa ay mas napalayo pa ang kanyang loob dito.

Mas pinipili na lamang ni Myla na magtagal sa trabaho kaysa umuwi sa asawa niya dahil alam niyang mag-aaway na naman sila sa pera.

Alam ito ni Pat, ngunit wala rin siyang magawa dahil hindi parin siya matanggap-tanggap sa trabaho. Kaya naman madalas siyang humihingi na lamang ng pasensya sa kanyang misis. Nakakatulong naman siya kahit paano sa pasideline-sideline niya sa pagbebenta ng mga pagkain.

Ngunit si Myla ay patuloy na naging mailap sa kanyang asawa.

Advertisement

Nagsimula siyang makipag-usap sa mga lalaki na kanyang kaopisina, dating katrabaho, at dating mga kaklase.

Hinanap niya ang mga katangian sa ibang lalaki, na hindi niya makita sa asawa niya.

Hanggang sa isang araw ay may pinakilala ang kanyang kaopisina na isang foreigner. Noong una ay magkaibigan lamang sila ngunit nang tumagal ay nagkamabutihan rin ang dalawa.

Dumating sa punto na inalok ng foreigner si Myla na sumama sa kanya at doon manirahan sa ibang bansa.

Dahil sa kanyang mahirap na sitwasyon ay hindi na nagdalawang isip si Myla na iwan ang kanyang mag-ama.

Bagamat natanggap ni Pat ang pag-abandona ng kanyang misis ay inintindi pa rin niya kung bakit ito nagawa ni Myla.

Imbis na ibuhos ang oras sa galit at sama ng loob ay nagsikap na lamang ang mister na maghanap ng mapagkakakitaan para maitaguyod mag-isa ang kanyang anak.

Maraming taon ang lumipas at nagdalaga na si Cassie.

Advertisement

Isang araw, may babaeng kumakatok sa kanilang bahay at si Pat ang hinahanap.

“Ma?!” sigaw ni Cassie nang mamukaan kung sino ang nakatayo sa kanilang pintuan.

“Anak?! Ikaw na ba ‘yan? Diyos ko, ang laki laki mo na!” sagot ni Myla sabay tumakbo palapit sa anak at niyakap niya ito ng napakahigpit.

“Wala po si papa ma, pero maya-maya lang ay babalik na rin siya,” ani Cassie.

Sabay na nag-antay si Cassie at Myla na dumating si Pat. Nagkakwentuhan sila tungkol sa mga pangyayari sa buhay ni Cassie na hindi na nalaman ng kanyang ina.

Pinagluto ni Myla ang kanyang anak habang nag-aantay pa kay Pat.

Maya-maya lamang ay dumating na rin ang kanyang mister.

Naabutan ni Pat na nasa kusina at nagluluto ang misis at si Cassie naman ay nakaupo at inaantay ang niluluto ng kanyang ina.

Advertisement

“Oh. Nakauwi ka na pala?” mahinahong tanong ni Pat.

Nabigla si Myla sa lalaking nagsalita. Sa katotohanan ay hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin sa lalaking iniwan niya taon na ang lumipas.

“Ah, eh, Pat, oo, pasensya na, pinagluto ko na rin si Cassie. Pero inaantay talaga kita, para makapag-usap sana tayo,” nauutal na sabi ni Myla.

Nagpunta sila sa sala at doon nag-usap.

“Anong pag-uusapan natin?” tanong ni Pat.

“Sana mapatawad mo ako, Pat. Hindi ko alam kung paano sisimulan pero sana maintindihan mo ako kung bakit ko nagawa yung nagawa ko dati. Pero nandito na ako ngayon, hindi na ako aalis pa,” pagmamakaawa ni Myla.

Hindi nakasagot si Pat kaya patuloy pang nagsalita si Myla. Sinabi niya kung paano siya niloko ng sinamahan niyang foreigner na kung paano siya pinagpalit sa iba at pinalayas.

Sinubukan pang manirahan ni Myla doon sa ibang bansa kasama ang ibang kakilalang pinoy, ngunit dahil naubos na ang kanyang ipon at wala pa rin siyang trabaho ay nagpasya siyang umuwi na ng Pilipinas.

Advertisement

Naisip niyang pagkakataon na rin ito para itama ang kanyang mga kamalian kay Pat at Cassie.

“Huwag kang mag-alala Myla, kung kapatawaran lang ay hindi mo na kailangang hingin yun dahil matagal na kitang pinatawad. Sa totoo niyan, ikaw ang dahilan kung bakit nagpursige at nagsikap pa ako para kay Cassie.

Noong una ay umaasa pa akong uuwi ka ngunit nang tumagal ay binuhos ko nalang ang lahat ng atensyon ko sa anak natin. Huwag kang mag-alala dahil kilala ka parin ni Cassie. Ang sinabi ko sakanya ay hindi na talaga tayo maaayos pa ngunit dapat ay kilalanin ka pa rin niya bilang nanay,” ani Pat.

Dagdag pa niya, “Alam mo ba, ang pag-iwan mo ang naging inspirasyon ko. Kaya naman ngayon, mayroon na akong negosyo. Ito ang dahilan kung bakit nabili ko ang bahay na ito, at ang magandang sasakyan na nakaparada sa labas.”

Itinanong ni Myla kung may pag-asa pa bang maayos silang mag-asawa.

Ngunit, ang sagot ni Pat ay, “Pasensya ka na, ngunit gaya nga ng sabi ko sa’yo, tatanggapin kita bilang nanay ni Cassie, ngunit hindi na bilang asawa ko. Iniwan mo ako sa mga oras na dapat tayong dalawa ang nagtutulungan, at ayaw ko nang maulit ito. Isa pa, masaya na ako na kami lang ni Cassie.”

Walang nagawa si Myla kung hindi tanggapin ang sinabi ni Pat dahil kahit magsisi siya, ay huli na ang lahat para ayusin pa ang kanilang relasyon. Mula noon ay ginampanan niya na lamang ang pagiging ina sa kanyang anak at binawi ang maraming taon ng kanyang pagkakawala.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!