Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ay, Mali! - Inday Trending

Ay, Mali!

Bata pa lamang ang magkakambal na si Rowena at Rosalina ay madalas na silang makapanlito dahil tila carbon copy ng isa ang isa. Gayunpaman, kahit magkamukhang-magkamukha ay magkaibang-magkaiba naman ang kanilang pag-uugali.

Mabuting bata at napaka-masunurin ng batang si Rowena, habang si Rosalino naman ay kilalang suwail at matigas ang ulo. Hindi nga malaman ng kanilang mga magulang kung bakit tila magkabaliktaran ang kanilang pag-uugali, e pantay naman ang pagmamahal at kalingang ibinigay nila sa dalawa.

Nang magdalaga na ang dalawa, sa kabila ng pagkakaiba ng ugali nila ay palagi pa rin silang magkasama. Ibang klase nga naman kasi ang koneksyon ng magkapatid, lalo na ng magkakambal.

Lumaking maganda ang dalawang babae, kaya naman kaliwa’t kanan ang dating ng kanilang mga manliligaw. Ngunit matapos magkakilanlan, karamihan ng mga binata’y kay Rowena na lamang nahuhumaling. Mayumi, malambing, at talagang napakabait kasi ni Rowena. Habang si Rosalina nama’y may pagkamaldita, bastos pa ang bunganga, at madalas mang maliit pa ng kapwa.

Ilang taon ang lumipas at nakatapos na sila ng kolehiyo. Hudyat na rin iyon na maaari na silang magkaroon ng boyfriend.

Isang binatang masugid na nanligaw kay Rowena ang nakapagpatibok ng puso niya. Iyon ay si Felix. Hindi rin nagtagal at nauwi sa kasalan ang kanilang pagmamahalan.

Naiwan namang mag-isa itong si Rosalina. Bente nuwebe anyos na siya ngunit ni isa ay wala pang lalaki ang sumeseryoso sa panliligaw sa kanya. Kaya naman hanggang ngayon ay sa puder siya ng kanyang ama’t ina nakatira.

Isang araw, napagdesisyunan ni Rosalina na makitulog sa bahay ng kanyang kakambal. Sa Maynila na kasi ito nakatira kasama ng kanyang asawa.

“Rowena! Patulog ako mamaya sa inyo ha? May pupuntahan kasi akong concert bukas sa Manila. E baka ma-traffic ako pag dito ako sa Bulacan nanggaling. Ayos lang ba?” tanong ni Rosalina sa kapatid nang tawagan niya ito sa cellphone.

“Ganon ba? Siyempre naman, welcome ka naman sa’min kahit kailan. Ang kaso, si Felix lang ang nandoon mamaya. Hindi kasi ako makakauwi dahil may outing kami ng mga ka-opisina ko,” sagot ni Rowena.

“Sige, punta ako ha? May susi pa naman dito ng bahay niyo, na kay mama. Kukunin ko na lang. Nako, baka mapagkamalan pa ako ni Felix bilang ikaw!” natatawang biro pa ni Rosalina sa kapatid.

“Baliw ka talaga! O siya, sige na. Pumunta ka na lang doon. May mga pagkain sa ref, sakto ang dating mo dahil kaka-grocery ko pa lang. Sige, bye!” ani Rowena.

Maagang bumiyahe si Rosalina papunta sa bahay ng kanyang kapatid. Pagdating ng Maynila, tila ba napagod ang babae kaya’t naisipan niyang umidlip muna. Wala pa rin kasing tao doon dahil nasa trabaho pa ang asawa ng kapatid niya.

“Ang init naman! Dito nga muna ako sa kwarto nila para may aircon,” sambit nito sa sarili habang kumukuha ng damit pambahay ni Rowena dahil nga basa ng pawis ang suot niya.

Ilang oras ang lumipas, at nagising na lamang si Rosalina sa mga halik at yakap ng asawa ng kapatid niya! Nagulat siya at aalma na sana, ngunit tila biglang nanumbalik ang lahat ng sikretong pagtingin niya para kay Felix noong nanliligaw pa lamang ito sa kapatid niya.

“Babe, akala ko ba hindi ka uuwi? Hindi mo kayang matulog ng hindi ako katabi, ‘no?” malambing na sabi ni Felix kay Rosalina, na buong akala niya ay ang asawang si Rowena.

Sa takot na mabosesan siya ni Felix ay hindi na sumagot si Rosalina. Bagkus ay sinimulan na niyang hubaran ang mister ng kapatid, at doon na nga nagsimula ang lahat.

Makalipas ang isang oras, magkatabi at magkayakap ang dalawa matapos ang kanilang pagniniig. Nagpapanggap na tulog na itong si Rosalina habang si Felix naman ay nanonood ng TV upang magpaantok. Nang bigla na lamang tumunog ang cellphone ni Felix.

Laking pagtataka niya dahil numero ni Rowena ang tumatawag sa kanya.

“Hello?” sabi ni Felix.

“Babe! Nasa bahay ka na ba? Sorry, nakalimutan kong sabihin sa’yo. Pupunta nga pala si Rosalina diyan sa bahay, makikitulog daw dahil may pupuntahan bukas,” pahayag ni Rowena sa kabilang linya.

Nanigas naman si Felix at halos mahimatay sa kanyang narinig. Bigla niyang tinitigan ang katabi, at saka niya napansin na wala ngang nunal sa leeg ang babae. Iyon lamang kasi ang napakaliit na pagkakaiba ng magkakambal.

“ROSALINA! ROSALINA, BUMANGON KA! HOY!” galit na galit na sigaw ni Felix.

Hindi niya pa naibababa ang tawag kaya’t rinig na rinig ni Rowena ang lahat.

“HOY! BAKIT HINDI MO AKO PINIGILAN?! AKALA KO IKAW SI ROWENA! SUOT MO PA ANG DAMIT NIYA! BAKIT?!” patuloy na pagsigaw ni Felix habang niyuyugyog si Rosalina.

“Eh, bakit?! Bakit ba hindi na lang ako, Felix? Magkamukha naman kami ah! Parati na lang si Rowena! Siya na ang magaling! Siya na ang mabait, siya na lahat!” biglang bwelta ni Rosalina.

“Kapag sinabi mo ito kay Rowena, sasabihin ko ay pinagsamantalahan mo ako! Sige ka, hihiwalayan ka nun!” pagbabanta pa ni Rosalina kay Felix.

“Baboy ka! Ang sama mo, ang sama-sama mo! Kadiri ka, Rosalina. Kaya walang nagkakagusto sa’yo, dahil ibang-iba ang ugali mo sa kapatid mo!” bwelta ni Felix.

Hindi naman makapaniwala si Felix sa nangyayari sa kanya. Pakiramdam niya’y mababaliw na siya, dahil hindi niya kayang mawala si Rowena. Siya kasi ang babaeng tanging minahal niya sa buong buhay niya.

Nang mapansin ni Felix na bukas pa ang cellphone niya. Agad niyang kinuha ito, at nakitang nakikinig pa si Rowena sa kabilang linya.

“Pauwi na ako. Huwag mong sasabihin ka Rosalina, at lalong huwag mong hayaang makaalis siya ng bahay natin,” matigas na sabi ni Rowena sabay baba ng telepono.

Makalipas ang isang oras ay nakarating na ng bahay si Rowena. Bago pa makapagsalita si Rosalina ay bigla na lamang niya itong sinalubong ng sunod-sunod na sampal.

“Hayop ka! Kapatid kita, kakambal kita, magkadugtong ang pusod natin! Paano mo nagawa sa akin ‘to?! Narinig ko ang lahat, narinig ko! Kaya’t huwag na huwag kang magsisinungaling sa akin,” hagulgol ni Rowena matapos pagsasampalin si Rosalina.

Nang makita kung gaano kamiserable ang lagay ni Rowena, tila tinamaan ng matinding pagka-konsensya itong si Rosalina.

“Rowena… Pa- patawarin mo ako! Patawad!” pagsusumamo niya, ngunit ayaw nang makinig ng kapatid sa kanya.

Sa labis na pag-iyak ni Rosalina, hindi niya na napansin na unti-unti na pala siyang nawalan ng malay.

Maya-maya pa, nagising si Rosalina sa kwarto ng kapatid niya at ng asawa nito. Nang lumingon siya sa kaliwa’t kanan ay walang tao. Tiningnan niya ang orasan at nakitang alas kwarto pa lamang ng hapon. Diyos mio! Mabuti’y panaginip lang ang lahat!

Dala ng labis na pagkabahala nang dahil sa napanaginipan, hindi na niya na napansin na dumating na pala si Felix.

“Babe? Akala ko ba hindi ka uuwi, may outing kayo ‘di ba?” bulong ni Felix sa kanya sabay pupog ng halik sa kanyang braso at leeg. Parehong-pareho ng eksena mula sa panaginip niya!

“KUYA FELIX! Ako ‘to! Si Rosalina ako, hindi si Rowena! Suot ko lang ang pambahay niya dahil makikitulog ako!” sigaw ni Rosalina sabay balikwas at pilit na umiiwas kay Felix.

“Ay! Diyos ko, sorry! Hindi ko kasi alam,” nahiya ngunit natatawang sabi ni Felix.

Mabuti na lamang at napanaginipan iyon ni Rosalina, dahil kung hindi ay baka nga ginawa niya ang bagay na iyon dahil tunay na may sikreto siyang pagtingin kay Felix dati.

Ngunit sa takot na mawarak ang puso ng kanyang kapatid, ay pinilit na ni Rosalina na ibaon sa limot ang nararamdaman para sa asawa ng kanyang kakambal. Ipinangako na rin niya sa kanyang sarili na susubukan na niyang magbago ng pag-uugali upang hindi na siya layuan ng mga lalaki.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.