Sa Una Lamang Mahirap

Namimilipit sa sakit ng binti ang dalagang ina na si Ara. Palibhasa’y buong araw siyang nakatayo habang bukas-sara ng pintuan sa pinapasukang bagong restawran sa isang sikat na mall sa Taguig. Mabuti na lamang at natapos na ang kaniyang duty at dalawang araw siyang makakapag-day off.

Hinihilot niya na lamang ang sarili habang tinatanaw ang mga mayayamang naglalakad sa may pasilyo. Inggit na inggit pa siya sa mga magkasintahang naglalakad habang sweet na sweet sa isa’t-isa at magkahawak ng kamay.

Magarang bag, mamahaling sapatos, posturang halatang sa pang-mayamang parlor at sa mga Ingleserang beki pinaayos, mga damit na pinagmamasdan niya lamang sa tuwina’y daraan sa mga mamahaling boutique.

“Tanga ka kasi, girl. Kung hindi ka nagpabuntis ng maaga e ‘di sana’y flight stewardess ka na ngayon at kayang-kaya mong makipagsabayan sa mga sosyalerang iyan,” gulat na gulat si Ara at tila nagising ang naglalakbay na diwa nang marinig ang boses ng kaniyang manager na si Ma’am Honey.

Bigla na namang nagbalik sa alaala niya ang panlokoko ng dating kasintahan na si Johnny. Nagpanggap itong single ngunit nagkabistuhan na lamang nang biglang may babaeng sumugod sa bahay ng mga magulang ni Ara at ipinagkalandakang kabit daw ang dalaga.

Kahit na siya’y dalawang buwan nang nagdadalang tao’y agad siyang nakipaghiwalay kay Johnny.

Kalaunan naman ay humingi ng tawad kay Ara ang asawa ni Johnny na si Lorna. Katunayan ay ito pa ang naghahatid sa kanilang bahay ng sustento para sa anak nila ni Johnny na si Miko. ‘Di naman maipagkakailang si Johnny ang ama ng bata sapagkat tila carbon copy o pinagbiyak na bunga ang dalawa.

“Kanina pa ako dakdak nang dakdak dito. Ano na? Nakapagdesisyon ka na?” wika ni Honey.

Advertisement

Alam ng lahat sa pinapasukang nilang restawran na si Honey ay isang “escort girl”. Ang may-ari pa nga mismo ng restawran na pinapasukan niya kuno ay ang kaniyang DOM o isponsor. Nakatapos ng pag-aaral si Honey sa tulong ng matanda at kalaunan ay agad siyang pinagpangasiwa ng bago niyang restawran upang ‘di rin makahalata ang kaniyang asawa tuwing makikipagkita sa magandang dilag.

“Naku, Ma’am Honey. Hindi ko po kayang manira ng pamilya. Isa pa, ‘di ko kayang iyan ang pagkakitaan ko. Hindi ako maipagmamalaki ng anak ko. Sorry po,” agarang pagtanggi ni Ara sa kaniyang boss. Sinadya niya nang medyo anghangan ang pananalita dahil naiirita na rin siya sa pangungulit nito.

“Sa umpisa lang naman iyan. Si Jose nga kaya lang natutong mambabae ay dahil nauna naman ang misis niya. Akalain mo ‘yon, 61 anyos na si Madam Zeny pero ang jowa! Pak na pak na 23 years old! Model nga yata iyon. Isa pa, hindi naman lahat ng puwedeng magisponsor sa iyo ay matandang maraming datung! Marami din diyang mga binatang sawi o mga nadala na sa pag-ibig!” pangungumbinse ni Honey.

“Ma’am, hinihintay na ako ng anak ko. Nangako kasi ako na bibilhan ko siya ng robot. Uwi na ako,” nagmamadaling pag-iwas ni Ara.

Napairap na lang sa inis si Honey sa inasta ng kausap.

Habang nagalalakad pauwi ay naglalakbay ang diwa ni Ara. Puno ng “what if” ang kaniyang isip.

“Paano nga kaya kung hindi ako nabuntis? Malamang sa edad kong 21 ay nasa isang airline company na ako gaya ng mga kabarkada ko noong hayskul.”

Tila kinurot naman ang kaniyang puso nang isiping kung hindi siya maagang nabuntis ay mawawala sa mundo ang pinakamamahal niyang anak na si Miko.

Advertisement

BEEP! BEEP!

Halos mapalundag sa gulat si Ara. ‘Di niya namalayang hindi pala siya sa pedestrian lane tumawid. Biglang sumabit ang suot niyang sapatos na may takong sa isang malaking bato at saka siya tuluyang tumumba.

“Miss! Okay ka lang ba? Dadalhin na kita sa ospital!” nag-aalalang saad ng lalaking muntik nang makasagasa kay Ara.

Napatitig si Ara sa mukha ng lalaki. Napakagara ng mga mata niya, ternohan mo pa ng mahahabang pilikmata. Ang ilong naman ay perpekto ang hugis, saktong-sakto ang tangos. At ang mga labi ng lalaki’y pagkapula-pula.

Natauhan na lamang siya nang biglang may lumapit sa kanila na isang may edad na babae.

“Aba, Tristan! Mukhang nalasing na sa kaguwapuhan mo iyang babaeng muntik mo nang masagasaan! Halika na at may importanteng lakad pa tayo, pronto!”

Napakamot na lamang sa ulo ang lalaki at tuluyan namang natapos ang paglalakbay ng diwa ni Ara.

“Okay lang ako. Sige na. Umalis ka na. Hindi ako nasaktan,” wika niya at saka mabilis na tumayo.

Advertisement

Nang mahimasmasan ay napagtanto ni Ara kung sino ang babaeng kasama ng guwapong lalaking muntik nang makasagasa sa kaniya. Siya ang asawa ni Sir Jose, ang may-ari ng pinapasukan niyang restawran.

“Iyon na siguro ang kinukuwento ni Ma’am Honey na batang boypren ni madam. Mabuti na lang at di ako namukhaan ni madam kahit isa o dalawang beses na yata kaming nagkikita sa restawran,” saad ni Ara sa sarili.

Pag-uwi ng bahay ay sandamakmak na problema na naman ang sumalubong sa kanya.

“Nak, baka sa susunod na buwan ay wala na tayong matitirhang bahay. Sinangla pala ng tatay mo itong bahay sa bangko. Nanghihingi sila ng 3 million pesos para hindi maremata ang bahay. Isa pa ‘nak, pinatingnan ko na ang bukol sa kanan kong dibdib, kailangan daw ipabiopsy kaagad para malaman kung anong klaseng bukol ito. Hindi ko na alam ang gagawin ko, Ara… Parang gusto ko na lamang kitilin ang buhay ko…”

Wala nang nagawa si Ara kundi yakapin ang ina. Labis na rin ang sakripisyo ng kaniyang mga magulang para sa kaniya.

Tila alam na niya kung bakit humantong sa pagsasangla ng kanilang bahay ang kanyang ama. Bukod kasi sa sakitin ang tatlong taong anak niyang si Miko, ipinanganak din ito ng wala pa sa hustong buwan kaya’t inabot ng halos kalahating milyong piso ang kanilang hospital bill.

Ilang taon din siyang sinuportahan ng ama sa pag-aaral sapagkat ang nais lamang nito ay makapagtapos siya upang kahit papaano’y may maipagmalaki siya kay Miko at kahit na maaga siyang nagka-anak ay masasabi pa ring tapos siya ng pag-aaral.

Nang gabing iyon ay nagpasya si Ara na kagatin na ang offer ni Honey. Agad siyang nakipagkita sa manager matapos ipasyal ang anak sa mall.

Advertisement

Laking gulat niya nang datnan si Honey na kasama ang kabit ni Madam Zeny. Nagtatawanan pa ang dalawa.

Bigla namang sumeryoso ang mukha ng binata nang makita si Ara na papalapit sa kanila.

“Uhm. Miss… Ayos ka lang ba? Ako pala yong muntik nang makasagasa sa iyo kanina. Pasensya ka na at nagmamadali ang mommy ko. May lakad kasi siya.”

“MOMMY???” bulong ni Ara sa kaniyang isip ngunit nanatili siyang seryoso ang mukha na tila walang narinig.

“Huy, kinakausap ka ni Sir Adam! Para kang sira. Sumagot ka naman! At nagkita na pala kayo kanina ah…” pangangantiyaw ni Honey.

“Ah.. Eh… Pasensya na ho sir, madami lang akong iniisip talaga kaya halos wala ako sa sarili kanina,” walang enerhiyang eksplanasyon ni Ara.

“Honey, kansel na lang natin yung plans. Mukhang nahanap ko na ang babaeng pakakasalan at seseryosohin ko e,” matamis ang ngiting wika ni Adam.

Bigla namang nanlaki ang ulo ni Ara sa narinig. Ramdam niyang kanina pa malagkit ang tingin sa kaniya ng binata at unang pagkikita pa lamang nila ay tila nahulog na rin ang loob niya dito.

Advertisement

“Ito na yata ang sinasabi nilang love at first sight,” bulong niya sa kaniyang sarili.

Tila nuknukan naman ng lakas ang radar ni Honey at gumawa ito ng paraan upang makapag-usap ang dalawa.

“Naku, jebs na jebs na ako. Babalik muna ako sa condo ko. Babalikan ko na lang kayong dalawa diyan mamaya. Mag-date este mag-usap muna kayo. Alam niyo naman pareho kung bakit tayo narito, hindi ba?” nangangantiyaw na saad ni Honey.

Parehong gulong-gulo ang isip ng dalawa kaya naman nagpresinta nang magpaliwanag si Ara.

Napahagalpak siya ng tawa nang maalala niyang napagkamalan niyang callboy ang lalaking kaharap ngunit nanay pala nito si Madam Zeny.

“Bakit tawa ka nang tawa? May dumi ba ako sa mukha? Huwag ka namang tumawa ng ganyan, lalo akong naiinlove sa ganda ng mga ngiti mo,” nangniningning ang mga matang saad ni Adam.

Tila namula naman sa hiya ang dalaga.

“Pasensya ka na. Akala ko kasi ikaw ‘yong ano ni Madam Zeny… Yung boyfriend nya…” biglang napatakip ng bibig si Ara.

Advertisement

“Gaga ka talaga, Ara! Nanay niya ang pinag-uusapan natin dito!” giit niya sa sarili.

“Huwag kang mailang. Hindi naman ako tanga para hindi malaman ang katotohanan tungkol sa mga magulang ko. Matagal na rin naman kasi silang hiwalay, sa totoo lang. Nagkasundo lang silang maging legal pa rin sa papel para hindi na maging magulo pa ang paghahati sa mga ari-arian nila. Hindi naman kasi kaaway ang turing nila sa isa’t-isa. Magkaibigan pa rin sila. 40 years silang kasal, sigurado akong di mawawala ang malasakit nila sa isa’t-isa pero sa ngayon, mahal ni daddy si Honey at mahal din ni mommy ang boyfriend niya. Kung anuman ang pakay ng dalawa sa mga magulang ko, hindi ko na saklaw iyon,” malumanay na wika ni Adam.

“Ah.. Eh.. Sir… Sorry talaga… Hindi niyo naman kailangang ipaliwanag sa akin iyan… Sino ba naman ako para…” saad ni Ara ngunit agad siyang pinutol ni Adam.

“Please, nagmamakaawa ako sa iyo, Ara. Give me a chance to know you more and kilalanin mo rin ako. The reason why nagpahanap ako ng babae kay Honey is para lang magkaroon ng companion. Hindi para sa kung anuman. I’ve been hurt many times dahil ipinagpalit ako sa iba ng mga babaeng minahal ko. Dahil lang sa wala akong oras masyado sa kanila because of my business… Please let’s be friends…” namumungay ang mga mata ni Adam habang nakikiusap sa dalaga. Agad din nitong iniabot ang kamay sa kaniya upang makipag-kamay.

Nang magtama ang mga balat nila’y tila kinuryente si Ara. Ngayon niya lamang ito naramdaman at sigurado siyang may pagtingin din siya sa binata.

Simula noon ay araw-araw nang nagkikita ang dalawa. Ultimo si Miko ay araw-araw na ding hinahanap si Adam mula nang ipakilala ni Ara ang binata sa kaniyang anak at mga magulang.

Ni minsan din ay di hinusgahan ng mga magulang ni Adam si Ara sa kabila ng pagkakaroon nito ng anak sa pagkadalaga. Ang totoo’y walang ibang ginawa si Madam Zeny upang mangulit ng kasal sa dalawa kahit mariin pa nga nilang sinasabing ni hindi pa sinasagot ni Ara si Adam.

Labis naman ang pagpapakita ng respeto at pagmamahal ng binata kay Ara. Ni halik sa pisngi tuwing sila ay maghihiwalay na ay hindi nito ginagawa sa dalaga.

Advertisement

Nang minsang nakatulog sa sasakyan si Adam kakahintay matapos ang duty ni Ara sa restawran ay ginising ng mapupusok na halik ni Ara ang binata.

Nanlaki ang mga mata ni Adam sa ginawa ni Ara.

“Sinasagot na kita. Tayo na, Adam. Mahal na mahal kita. I love you!”

Halos magtatalon naman sa tuwa ang binata. Mag-iisang taon na rin ang nakalipas mula nang una silang magkita at magkakilala.

Lumipas ang dalawang taon at na-promote na bilang manager si Ara sa restawran nila Sir Jose. Ito ay dahil sa angkin niyang sipag at dedikasyon sa trabaho at hindi dahil sa nobyo niya ang anak nitong si Adam.

Sa ngayon ay pinagpaplanuhan na rin ni Adam ang pagpropropose kay Ara sa tulong ni Miko at ng mga magulang ng dalaga.