Iniwan ang Babaeng Ito ng Kaniyang Mister Para Balikan ang Una Nitong Pag-ibig, Ngunit Matatangap Kaya Niya Kung Ito’y Magbabalik

Magkatrabaho sila Jasmine at Howard, matagal na rin silang magkakilala dahil magkaklase ang dalawa noong kolehiyo at matagal ng may pagtingin ang babae sa kaniyang kaibigan.

“Bakit ganon, Jasmine? Hindi ba ako sapat para ipaglaban? Bakit kailangan niya akong bitiwan? Bakit kailangan mawala yung relasyon? Di ko naman siya hahadlangan sa pangarap niya e pero bakit kailangan niya pumili?BAKIT?!” umiiyak na tanong ni Howard sa kaibigan.

Kahihiwalay lang kasi nito sa kaniyang nobyang si Rosemarie, ang kaniyang unang pag-ibig. Mahal na mahal niya ang dalaga at pinangako niya sa kaniyang sarili na ito na ang babaeng ihaharap niya sa altar at ang magiging ina ng kanyang mga anak, ang makakasama niya habang lumalabo ang kaniyang mata at ang makatabi ito hanggang sa huli niyang hininga. Ngunit mas pinili ng babae na mag-aral sa ibang bansa at iwan ang lalaki at ang relasyon nilang halos mag-lilimang taon na.

“Sige ilabas mo lang Howard, kailangan mo mailabas yan para makamove-on ka,” saad ni Jasmine sa lalaki habang umiiyak din siya.

Nakatulog na si Howard sa mesa ng kanilang salas sa sobrang kalasingan nito, halos magda-dalawang buwan nang ganoon ang lalaki ngunit hindi maiwan ito ni Jasmine.

“Tanga mo rin Jasmine, ‘di ka magugustuhan ni Howard pero ito ka pa rin at sinasalo siya sa ganitong pagkakataon kahit na trabaho mo na ang naapektuhan, napakatanga mong puso ka!” bulong ng dalaga sa kaniyang sarili sabay takip niya sa kaniyang mukha.

At lumipas ang isang taon na halos basag na basag si Howard, pisikal, emosyonal, espirituwal na pagkatao at hindi makapaniwala si Jasmine sa kinalabasan ng kanyang pagtitiyaga sa kaibigan.

“Jasmine, hindi na tayo bata at kilala na natin ang isa’t-isa sa mabahang panahon. Hindi mo ako iniwan kahit noon pa man, lagi ka lang nasa tabi ko at sobrang bobo ko para hindi iyon mapansin,” saad ng lalaki habang sila ay kumakain sa isang restawran.

Advertisement

“Sinamahan mo ako sa pinakamadilim na sandali ng ikaw buhay, binigyan mo ng init ang nanlalamig kong puso, diniligan mo ang nauuhaw kong damdamin, ikaw ang nagsilbing ilaw, asukal, kapatid, nanay at isang kaibigan sa buhay ko,” dadgdag pa nito.

At biglang may tumugtog na violin sa likuran ng babae, inabutan siya ng rosas ng isang lalaki. Hindi makapagsalita si Jasmine sa nangyayari, naluluha ito dahil hindi niya alam kung pasasalamat ba iyon ng kaibigan bilang isang kaibigan pa rin o ito na ang pinangarap ng babae, ang maging espesyal siya sa buhay ni Howard.

“Yang rosas, kulang pa yan para sa lahat ng tinik na binunot mo sa aking puso, iyang gitara at musika naman ay kulang parin para sa lahat ng magagandang himig na pinarinig mo sa akin. Sa loob ng mahabang panahon, ngayon ko lang napagtanto na ang pag-ibig na hinabol-habol ko sa ibang tao, nag-uumapaw mo palang ibinibigay sa akin,” pahayag ng lalaki.

“Kaya Jasmine Hilab, pwede bang ako naman ang bumawi sa’yo? Ako naman ang magpunas ng luha mo, ang magbigay ng kasiyahan dyan sa puso mo at higit sa lahat ang maging mister ng isang Jasmime Hilab?” dagdag muli ng lalaki sabay labas ng singsing at lumuhod sa dalaga.

Halos tumigil ng mundo ni Jasmine, wala siyang naririnig kundi ang hiyawan sa kaniyang paligid, hindi malaman ni Jasmine kung nasaan ang dila niya at bakit walang lumalabas na salita sa kaniyang bibig bagkus tuloy-tuloy lamang ang agos ng kaniyang luha at tumango-tango siya sa lalaki ng paulit-ulit at saka inabot ang kaniyang kamay.

Napakabilis ng pangyayari dahil nakikita na lamang niya ang kaniyang sarili na umiikot sa ere habang yakap ng lalaking pinangarap niyang mapangasawa, ang lalaking lihim niyang inibig sa loob ng pitong tao, ang lalaking handa siyang ibigay ang kanyang buong pagkatao at ito na nga natupad na, dininig na ng Diyos ang dasal ng babae.

Dumaan ang isang taong paghahanda para sa kasal at naganap narin ang pinakamaligayang araw ni Jasmine.

“Ako na yata ang tatalo sa mga fairy tales dahil naging asawa mo ako,” pahayag ni Jasmine habang sila ay magkahawak ng kamay at nakaupong nakaharap sa palubog na sikat ng araw, ito ang kanilang honeymoon.

Advertisement

“Mas maswerte ako dahil hindi mo ako iniwan, hindi mo ako pinabayaan. Ano bang dapat na tawagan natin? Daddy at mommy? Or superhero ng buhay ko?” baling ni Howard sa kanyang asawa sabay halik dito. At naganap na ang kanilang pag-iisang dibdib sa kama.

Lumipas ang limang taon na maayos ang pagsasama ng dalawa, ngunit itong mga nakaraang araw napapansin ni Jasmine na aligaga ang kaniyang asawa.

“Dad, mukhang lagi kayong overtime sa trabaho ah? Madami bang ginagawa ngayon?” tanong niya dito.

“Oo mom, busy lang ako,” sagot ng kaniyang mister.

Ayaw man aminin ni Jasmine sa sarili ngunit nagsimula ang pagiging lutang ng kaniyang asawa noon umuwi ng bansa si Rosemarie, kalat kasi ang balita sa kanilang batch. Tiningnan din nya ang Facebook ng asawa, doon nakita niyang huling tinignan ni Howard ay ang babae.

Ayaw isipin ni Jasmine na naapektuhan ang kanilang pagsasama dahil iniisip ng babae e kasal sila at malakas ang kapit niya doon. Hangang sa isang araw naabutan niyang umiiyak si Howard sa kanilang kwarto.

“Bakit ka umiiyak dad? Anong problema?” tanong ni Jasmine sa mister.

“Wala akong kwentang lalaki, Jasmine! Napakawala kong kwentang lalaki!” saad ng mister. Sa tono palamang ng lalaki ay agad na siyang kinabahan dahil hindi nito siya kailanman tinawag sa kaniyang pangalan, tinibayan ni Jasmine ang sarili sa maririnig mula sa kaniyang asawa.

Advertisement

“Hindi ko na kaya Jasmine, simula noong bumalik si Rosemarie ay nagbago ang mundo ko, nakipagkita ako sa kanya at doon para akong bumalik sa dati. Bumalik ang lahat sa dati, pati ang puso ko na akala kong naturuan ko ng tumibok para sa’yo. Pero hindi, hindi Jamsine, patawarin mo ako! Mahal ko pa rin si Rosemarie at siya parin talaga hangang ngayon!” bulalas sa kaniya ng mister.

Hindi umiyak si Jasmine kahit pa nga pakiramdam niya ay naliligo siya sa asido sa sobrang sakit ng narinig niya.

“Ngayon lang yan dahil kakakita niyo lang. ‘Wag na ‘wag kang magkakamaling gumawa ng kahit anong ikakasira natin dahil hindi ako magdadalawang isip na sampahan kayo ng kaso at ipakulong ka!” sagot ni Jasmine sa asawa. Hindi niya malaman kung bakit ganoon ang nasabi niya imbes na siya ay maglambing dito.

Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ay naging malamig ang kanilang pagsasama, pero pinanghawakan ni Jasmine ang kaniyang legal na karapatan sa asawa. Ngunit isang araw ay nagising na lamang siya na wala na sa ito sa kanyang tabi. Isang liham ang nakalagay sa mesa ng kanilang bahay.

“Jasmine, alam kong mali ito sa batas na iwan kita at ngunit mas gugustuhin kong lumayo kaysa ang umuwi ako sa’yo at lokohin ka sa araw-araw. Mahal kita pero mas mahal ko siya, patawad. – Howard”

Halos gumuho ang mundo ni Jasmine sa nabasa at ginawa sa kaniya ni Howard, ngunit ano nga bang magagawa ng pusong nagpupumiglas kumawala sa kaniyang pag-ibig? Wala, kundi ang palayain ito.

Nabuhay si Jasmine nang mag-isa at hindi pa rin nawawala sa kaniyang puso ang pag-asang babalikan siya ni Howard, hanggang sa lumipas ang isang buwan.

Mahimbing na natutulog si Jasmine, nang magising siya sa tunog ng mga plato at kaldero sa kusina. Pagsilip niya, laking gulat niya nang masilayan si Howard na nagluluto ng agahan. Hindi makapaniwala ang babae at sinubukan pang kurutin ang sarili sa pag-aakalang panaginip lamang ito. Nang biglang lumapit sa kanya ang lumuluhang asawa at sinabing,

Advertisement

“Salamat dahil pinakawalan mo ako panandalian. Sa sandaling iyon, napatunayan kong ikaw lang ang mahal ko. Kahit pa magkasama kami ni Rosemarie, hindi kita maalis sa isip ko. Napakalaki ng pasasalamat ko sa lahat ng ginawa mo noon para sa akin, at kailanma’y hindi ko iyon maipagpapalit sa kahit anuman. At napagtanto kong hindi kita kayang ipagpalit kanino man, dahil para sa akin ay wala nang papantay pa sa’yo. Kaya kung tatanggapin mo ako, ipinapangako kong gagawin ko ang lahat upang mapatunayan lahat iyon sa iyo.”

Kahit mahirap, malugod pa ring tinanggap ni Jasmine si Howard. Hindi naman siya nagkamali sa kanyang desisyon dahil mula noon ay mas tumindi ang pagmamahal at pag-aalagang ibinigay sa kanya ng kanyang asawa. Nakita rin niya ang labis nitong pagsisisi sa ginawa nitong pag-iwan sa kanya noon.

Sa ngayon ay masaya silang nagsasama at nagdidiwang ng kanilang ika-tatlumpu’t isang taon bilang mag-asawa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!