Saan Galing ang Yaman Niya?

Biglang yaman ang dalagang si Sarah kayaʼt ganoon na lamang ang gulat ng kanilang mga kapitbahay nang makita ang mabilis na pagbabago niya. Ang alam kasi nila ay wala siyang trabaho. Laging nakakulong sa bahay at puro gadgets ang inaatupag. Tampulan na nga ng tsismis ang dalaga nang dahil doon.

“Baka nakakilala ng boypren na Kano. Tingnan niyoʼt palaging selpon at laptop ang hawak!”

“Abaʼy kapit patalim ang ganoon.”

“Mas maigi na iyon. Tamoʼt makapagpapatayo na ng bahay doon sa kabilang subdibisyon.”

Ngunit lahat ng aligasyon ng mga itoʼy mali. Dahil hindi naman mahilig makipag-usap si Sarah, sa social media man o sa personal. Isang sikreto upang mai-express niya ang kaniyang sarili ay nagsusulat siya ng mga nobela. Isa kasing manunulat si Sarah.

Noon ay ginagawa niya lamang ito upang maibsan ang kaniyang frustrations, hanggang sa may makadiskubre sa kaniyang talento. Binayaran siya upang magsulat ng ibaʼt-ibang uri ng articles online.

Hindi alam ni Sarah kung suwerte siya o talagang talentado nga, dahil halos lahat ng isinusulat niyaʼy pumapatok sa madla, lalo na ang kaniyang mga romance novels.

Ilang sikat na publishing companies na ang nag-agawang mag-alok sa kaniya ng kontrata, kabilang na ang pinakamalaki at pinakasikat na publishing company sa America. Agad na tinanggap ni Sarah ang offers. Dahil doon ay kumita siya ng malaki.

Advertisement

Inipon iyon nang inipon ng dalaga hanggang sa lumaki nang lumaki ang interes niyon sa bangko. Idagdag pa ang malaking royalties na nakukuha niya sa bawat librong nailalathala ng kaniyang panulat.

Nagsimulang magnegosyo nang palihim ni Sarah. Para sa kaniya ay hindi naman kasi niya kailangang ipagkalat na nagiging successful siya. Pinabayaan niyang mag-isip ng kung ano-ano ang mga tao sa kaniyang paligid dahil wala naman siyang kailangang ipaliwanag sa mga ito.

Ngayon nga ay kitang-kita na ng mga ito ang kaniyang pagbabago. Simula iyon nang malaman ng mga kapitbahay nila na nagpapatayo siya ng bahay sa isang subdivision. Ngunit sala sa init at sala sa lamig ang ugali ng mga inggitera. Kapag mahirap kaʼy tatawagin kang tamad. Kapag naman umaangat kaʼy kung ano-ano ang inaakusa!

Hanggang sa isang araw ay isang TV personality ang sumadya sa kanilang bahay. Gusto nitong interview-hin si Sarah dahil sa kaniyang success. Agad iyong pinaunlakan ni Sarah. Nalulugod siya dahil sa opportunities na katulad nito.

“So, Sarah, ano ang mga struggles na naranasan mo bago mo makamit ang tagumpay sa larangang pinili mo?” tanong ng interviewer sa kaniya. Halos hindi niya maialis ang titig sa kilalang host ng iba‘t iba nang show. Hindi siya makapaniwalang siya naman ang ini-interview nito ngayon.

Sandali lamang nag-isip ang dalaga.

“Panghuhusga,” maya-maya ay sagot niya.

“Isang malaking hadlang para sa tagumpay natin ay ang panghuhusga mula sa iba. Kadalasan kasi, ito ang pinaka nagpapahina ng loob natin. Kaya malaking tulong ang ang suportang nanggagaling sa ating pamilya para mas maging malakas tayo. Pati na rin ang tatag ng loob at paniniwalang hindi tayo pababayaan ng Diyos.”

Advertisement

Napangiti ang interviewer sa sagot ng dalaga at muli itong nagtanong: “Marami ang nagsasabi na naging instant millionare ka raw dahil sa sobrang benta ng mga novels mo abroad, gaano ito katotoo?”

“Naku! Hindi namn po instant dahil unti-unti po akong nakaipon ng pampagawa ng bahay. Nagsikap po ako nang paunti-unti, nang hindi alam ng iba,” sagot niya.

“Nice! So, ano naman ang maipapayo mo sa mga baguhang manunulat na kagaya mo?”

“Uhm, siguro po, always stay at the ground na lang. May nakapagsabi po sa akin noon na ‘skills can bring you on the top, but your attitude will make you stay where you are.’ Saka, pursue n’yo lang po ang passion n‘yo. Mas masarap magtrabaho kung gusto mo iyong ginagawa mo,” ang nakangiting saad ni Sarah.

Samantala, ang ilan sa mga kapitbahay nilang nakapanuod ng interview niya sa TV ay naliwanagan na. Nawala na rin ang lahat ng haka-haka tungkol kay Sarah. Nalaman ng lahat na ang yaman niya’ nagmula sa kaniyang pagiging masinop, masipag at mapagkumbaba, at dapat nila siyang tularan.

Simula noon ay nilubayan na ng tsismosa si Sarah. Una’y dahil nga napahiya na ang mga ito. Pangalawa’y wala naman kasing ipinapakitang hindi maganda ang dalaga. Sa katunayan ay napakabilis nitong lapitan tuwing may mangangailangan ng tulong.

Ang totoo’y hindi lang naman talaga pera ang nagpapayaman sa kaniya, kundi pati na rin ang kaniyang pagkatao. Ang mabuti niyang kalooban at ang pananatili niyang pagtapak sa lupa kahit na ang taas-taas na ng kaniyang narating.