Kinamuhian ng Dalaga ang Nanay Niyang Japayuki, Nang Malaman Niya ang Hirap Nito ay Nagsisi Siya

Lumaki si Veronica na masama ang loob sa kanyang ina, iniwan kasi siya nito para pumunta sa Japan noong maliit pa lamang siya, nagpapadala na lamang ito para sa naiwang pamilya sa Pilipinas. Ang kanyang ama ang tanging nagbabantay sa kanya pero pagsapit niya ng sampung taon ay pumanaw naman ang lalaki dahil sa atake sa puso. Lalo siyang nagtanim ng galit sa nanay niya, paiyak-iyak pa ito sa ataul ng tatay niya at payakap yakap pa sa kanya.

Isang singer sa Japan ang ina ni Veronica, si Neri. Magaling siyang kumanta pero kahit na kailan ay hindi naging malaswa ang trabaho niya roon, ang tanging layunin niya ay kumita ng pera para sa kanyang anak na naiwan sa Pinas, hindi maghanap ng asawa. Sa katunayan, tuwing magpe-perform nga siya noon ay balut na balot ang kanyang suot, ilang beses rin siyang nakatanggap ng mga maruming offer mula sa mga customer na willing doblehin ang tip sa kanya basta pumayag lamang siya na i-take home ng mga ito. At lahat iyon ay tinanggihan niya.

Sa tulong ng kaunting naipon ay nakapagpatayo siya ng negosyong bigasan sa Pilipinas noong edad 19 na si Veronica, ang saya-saya nga ni Neri dahil sa wakas ay makakasama niya na rin ang anak. Hindi na siya kailangang mag-Japan pa, sinubukan niyang kunin ang loob ng dalaga dahil hindi naman lingid sa kanya na may tampo ito. Pinangako niya sa sarili na kahit na anong mangyari at kahit na anong kagaspangan ng kanyang anak ay iintindihin niya ito, babawi siya.

“Buntis ako,” sabi ni Veronica isang hapon. Natapon ang takalan ng bigas na hawak ni Neri dahil tila nabingi siya sa sinabi ng anak.

“A-ano ulit anak?” halos di siya makapagsalita.

“Sabi ko, buntis ako.” parang balewala lamang na sabi nito.

“Anak, Diyos ko po.. ano ba itong pinasok mo?” naluluhang sabi ni Neri, nais niyang magalit pero mas nanaig ang awa niya sa dalaga. Sinisisi niya rin ang sarili, malaki ang naging pagkukulang niya, hindi niya nagabayan ito.

Hindi sumagot ang dalaga, wala itong pakialam na nakatingin pa rin sa cellphone nito. Kaya muling nagtanong si Neri, “N-nasaan ang ama ng bata?” tanong niya.

Advertisement

“Wala, di ko kilala. Lasing ako nun eh, kung gusto mo palaglag nalang natin.” sagot nito at ni hindi man lamang tumitingin sa kanya. Napatakip si Neri sa kanyang bibig, hindi niya akalaing maririnig iyon sa bibig ng dalaga.

“Anak, hindi ko alam kung ano ang nagtutulak sa iyong sabihin yan. Pero ang sanggol na yan ay dugo at laman mo, anak mo yan! Apo ko yan!” halos mapasigaw si Neri.

“O bakit? Ganyan ka mag-react dyan, linis mo? Kunwari ka pa, baka marami kana ring pinalaglag kasi kung sinu-sino na gumamit sayo, sana nga pinalaglag mo nalang din ako eh.”

Hindi napigilan ni Neri ang kanyang sarili at nasampal niya ang dalaga. Pagkatapos ang lahat ng sakripisyo niya, pagkatapos ng lahat ng taon na tiniis niya na malayo sa piling nito, pagkatapos niyang ialay rito ang buhay niya, ito pa ang maririnig niya. Parang kasalanan niya pa.

Simula noon ay di na nag-uusap ang mag ina, bagamat inaasikaso ni Neri si Veronica. Ipinaghahanda niya ito ng masusustansyang pagkain para maging healthy ang kanyang apo, ipinapa-check up niya rin ito. Sa kabila naman ng lahat ay magaspang pa rin ang pakita ng dalaga sa kanyang ina, iniisip niyang nakukunsensya lang ito kaya ginagawa ang mga bagay na iyon.

Mabilis lumipas ang mga buwan at nagising na lamang si Veronica isang gabi na pagka-sakit sakit ng kanyang puson. “Aray ko po!” sigaw niya.

Maagap naman si Neri, nagulat pa siya nang makitang basang-basa ang kamang hinihigaan ng anak, “Hindi pa pwede, walong buwan palang siya!” nag-aalalang sabi niya. Agad siyang tumawag ng tricycle at isinugod ang dalaga sa ospital. Sobra ang sakit na nararamdaman ni Veronica, ni hindi niya na nga alam kung ano ang mahapdi, ang pagkababae niya, ang balakang niya, ang puson niya- lahat masakit.

Napakahigpit ng hawak niya sa braso ng kanyang ina, dumagdag pa sa tensyon ang kabang nararamdaman niya dahil tama ang nanay niya, masyado pang maaga para lumabas ang baby. Idiniretso siya sa delivery room at doon ay inilabas niya ang sanggol na kulang sa buwan, napakaliit at napakapayat nito.

Advertisement

Sunud-sunod ang tulo ng luha ni Veronica nang masulyapan niya ang baby, ganito pala ang pakiramdam ng isang nanay. Sobrang hina niya pero nang ilapit ito sa kanya ay nagawa niyang iangat ang braso upang haplusin ang munti nitong mga paa, ganoon pala- na kahit akala mo ay wala kanang ibubuga, kakayanin mo pala ang lahat para sa anak mo.

Alam ni Veronica na sa pagkakataong iyon, hindi na siya nabubuhay para sa sarili niya. Ang sanggol na ito na ang magiging lakas niya, at wala siyang hindi gagawin para dito. Kahit pa mamalimos siya, para lang mabuhay ito. Doon niya naalala ang kanyang ina, na lahat ay ginawa para sa kanya, tiniis mamuhay ng mag-isa sa Japan para lamang maibigay ang kaginhawaan sa kanya, tapos pag-uwi ay pag-iisipan niya pa ng masama.

Dahil sa epekto ng gamot ay napapikit na si Veronica, na may luha sa mga mata.

Pagdilat niya ay nabungaran niya ang nag-aalalang ina, tila tinatantya pa nito kung galit siya.

“Ma..”

Kitang-kita ang pinipigil nitong luha dahil pagkalipas ng mahabang panahon, tinawag niya itong ‘ma’.

“Ma, I’m sorry sa lahat..” namamaos pang sabi niya.

Lumuluha namang tumango ang ginang at niyakap na siya. Dahil kulang pa sa buwan ay nanatili muna sa incubator sa ospital ang baby ni Veronica, nang makalabas ito ay magkatuwang nila itong inalagaan ng kanyang ina. Wiling-wili ang babae sa apo dahil kamukhang-kamukha ito ni Veronica noong maliit pa, tila ba binigyan siya ng pagkakataon na muling maalagaan ang maliit na version ng anak niya.

Advertisement

Bumalik naman si Veronica sa eskwela at tinapos ang kanyang kurso sa kolehiyo, ang anak niya at nanay ang naging inspirasyon niya. Nang makatapos siya ay nakakuha siya ng magandang trabaho, hindi na muna nag-asawa si Veronica, ika niya, darating rin iyan. Ang nais niyang lalaki ay iyong tanggap ang kanyang anak.

Bukod doon, sa tingin niya ay panahon na para siya naman ang bumawi sa nanay niya sa mga panahong hindi sila nagkasama.