Tinutoo ng Manugang ang Pag-aalsabalutan nang Palayasin ng Biyenan, Nanghina ang Lahat nang Malaman ang Buong Katotohanan

Tulad ng inaasahan ni Meding ay nadatnan niya ang dalawa niyang apo na kalaro ang asawa niyang si Juan. “Iniwan na naman ba kayo dito ng iresponsableng nanay niyo?” imbes na sagutin siya ng kaniyang mga apo ay dinedma lang siya ng mga ito.

Padabog na tinungo ni Meding ang kusina para simulan ang pagluluto ng kanilang tanghalian. Hindi matanggal ang inis niya sa batugan niyang manugang na si Rochelle. Wala itong inatupag sa araw-araw kung hindi ang tumambay sa kapitbahay para makipagchismisan.

“Itigil niyo na ang paghaharutan niyo diyan at kakain na tayo,” tawag ni Meding sa kaniyang asawa at mga apo.

Matapos nilang magdasal ay sinimulan na ng kaniyang asawa at mga apo ang pagkain habang tinungo naman ni Meding ang ref para kumuha ng malamig na tubig. Hindi pa nakakalayo si Meding sa lamesa ay bigla na lang iniluwa ng tatlo ang sinubo nilang pagkain.

“Pwede ba huwag mong idamay ang pagkain sa galit mo sa manugang mo? Sa karinderya sa kanto na lang kami kakain. Baka malason pa kami sa niluto mo,” reklamo ni Juan sa asawa bago siya lumabas ng bahay kasama ang kanilang mga apo.

Nagtataka si Meding sa inasal ng tatlo kaya agad niyang tinikman ang kaniyang niluto pero agad din siyang tumakbo sa lababo para isuka ito. Ang lahat ng galit niya sa kaniyang manugang ay inilabas niya sa kaniyang niluto.

Nang sumagi ang kaniyang mata sa lagayan ng mga pampalasa ay napansin niyang ubos na ang maliit na bote ng buro at atsara na binili niya kanina sa palengke. Hindi niya mawari kung paano niya nilagay ang mga ito sa niluto niyang chicken curry. “Kasalanan ito ni Rochelle, eh,” sigaw ni Meding.

Nang sinundo ni Rochelle ang kaniyang mga anak sa bahay ng kaniyang biyenan ay tinadtad na naman siya ni Meding ng mga sermon.

Advertisement

“Ang asawa mo nagpapakakuba sa pagtatrabaho para may kainin kayo araw-araw habang ikaw naman ay nakikipagdakdakan lang sa kapitbahay niyo! Imbes na iyang bibig mo ang pinagtatrabaho mo dapat ang pamilya mo ang asikasuhin mo lalo na ang mga anak mo! Huwag mong ipasa sa amin ang responsibilidad mo! Kung nagtratrabaho ka walang problema, eh. Pero ubod mo ng tamad at batugan!”

Sinubukang mangatwiran si Rochelle at ipagtanggol ang kaniyang sarili pero ayaw siyang pakinggan ni Meding.

“Huwag kang sinungaling! Ilang beses na kong bumibisita sa bahay niyo ng hindi niyo nalalamang mag-asawa! Puro tambak na labahan at maduming bahay ang aking nadadatnan. Madalas ding nakatambak ang mga hugasin sa kusina. At higit sa lahat walang lamang pagkain ang ref niyo! Ako ang naglalaba ng mga maruruming damit at naglilinis ng bahay niyo! Sinusiguro ko rin na palaging may stock ng pagkain! Kung hindi lang ako naaawa sa anak at mga apo ko hindi ko aakuin ang responsibilidad mo! Hindi mo ‘ko katulong! Kung hindi mo kayang gampanan ang responsibilidad mo sa pamilya mo, maghiwalay na kayo ng anak ko!”

Nagulat si Rochelle sa mga isinawalat ng kaniyang biyenang babae. Hindi niya akalaing ito ang umaako ng mga gawaing bahay ng kaniyang pamilya. Nasasaktan siya sa mga binibitiwang salita nito sa kaniya. Inaakusahan siya nitong iresponsableng asawa at ina na taliwas naman sa katotohanan. Ngunit ang kaniyang mga natuklasan ang gumising sa kaniya.

Bagama’t nagtatampo siya sa biyenan niyang si Meding ay ginagalang pa rin niya ito. Isinaalang-alang niya ang payo nito sa kaniya. Sa tingin niya ay ito rin ang makakabuti para sa kaniya at sa kaniyang mga anak.

“Maraming salamat po sa pag-aaruga niyo sa mga anak ko. Huwag po kayong mag-alala. Hindi ko na kayo gagambalain. Susundin ko po ang payo niyo.”

Naguguluhan man si Meding sa sinagot ng manugang niya sa kaniya ay ipinagwalang bahala niya lang ito.

Kumakain ng agahan sina Juan at Meding nang biglang dumating ang anak nilang si Jojo. Naliligo ito sa pawis at hinahabol ang kaniyang hininga. “Nay, anong sinabi niyo kay Rochelle? Nakipaghiwalay na sa akin ang asawa ko. Tinangay niya pati ang mga anak ko. Sabi niya sinusunod niya lang ang payo niyo.”

Advertisement

Nabigla si Meding sa sinabi ng kaniyang anak. Hindi niya inakala na makikipaghiwalay si Rochelle sa asawa niya. Ikinuwento niya kay Jojo ang mga napuna niyang hindi magandang ugali ng asawa niya at ang naging takbo ng huli nilang pag-uusap.

Kung nagbigla siya na nakipaghiwalay ang manugang niya sa kaniyang anak ay nagulat naman siya sa naging rebelesyon ni Jojo sa kaniya.

“Hindi niyo dapat sinabi iyon sa kaniya! Hindi niyo alam ang katotohanan! Wala kayo sa lugar! Ako ang naging iresponsableng asawa at tatay sa pamilya ko! Ako ang batugan at tamad! Imbes na asikasuhin ko ang mga gawaing bahay ay nakikipaginuman ako sa mga katropa ko. Imbes na ipangbili ko ng grocery yung pera namin ay ipinangsusugal ko. Imbes na maghanap ako ng trabaho ay tumatambay lang ako kung saan-saan. Hindi chismosa at batugan si Rochelle. Siya ang bumubuhay sa aming pamilya. Nagtatrabaho siya sa kapitbahay namin na may maliit na negosyo. Nagre-recycle sila ng mga materyales at ginagawa nila itong mga bag, accessories at iba’t-ibang pang dekorasyon sa bahay.”

Mali ang pagkakakilala ni Meding sa kaniyang manugang. Ang dami niyang masasakit na salitang binitawan dito gayong ang anak niyang si Jojo pala ang dapat niyang tadtarin ng mga maaanghang na salita. Kung alam niya lang ang katotohanan ay hindi lang sermon ang aabutin ng kaniyang anak kung hindi iuuntog din niya ang ulo nito sa pader ng sa gayon ay magising na ito sa kaniyang kalokohan.

Pinuntahan ni Meding si Rochelle sa bahay ng mga magulang nito para personal na humingi ng tawad sa kaniya. Kasama niya ang anak niyang si Jojo na humihingi rin ng kapatawaran at nangakong magiging responsable na siyang padre de pamilya.

Bagama’t pinatawad agad ni Rochelle ang manugang niyang si Meding ay natagalan pa bago siya nakipagbalikan sa kaniyang asawa. Siniguro na muna niyang totoong nagbago na ito bago sila umuwi ng kanilang mga anak sa kanilang bahay.