Mangilang Ulit Nagpatingin ang Babae sa Isang Doktor Dahil sa Kaniyang Karamdaman, ‘Di Niya Akalain na Mas Lalala Pala ang Kaniyang Kalagayan

Dumadalas ang pagsakit ng tiyan ni Cheska matapos nitong makakain at dahil masakit na naman ito ngayong araw ay nagpaalam ito sa kaniyang employer upang makauwi ng mas maaga. Siya naman ay pinahintulutan nito kaya dumiretso na siya sa ospital upang magpatingin sa doktor.

“Doc, madalas pong sumasakit iyong tiyan ko dito. Madalas pagkatapos kong makakain,” pahayag ni Cheska habang tinuturo ang kanang parte ng tiyan.

“Ipasuri natin ‘yung ihi mo tapos bumalik ka sa akin,” sabi ni Doktor Gomez. “Hindi po kaya ulcer ito o appendicitis?” pahabol na tanong ni Cheska.

“Antayin na lang muna natin ang magiging resulta ng urinalysis mo,” sagot ng doktor.

Matapos mapasuri ni Cheska ang kaniyang ihi at makuha ang resulta ay bumalik ito kay Doktor Gomez at ang sabi nito ay may UTI siya kaya naman niresetahan siya nito ng gamot na dapat niyang inumin. Sinunod naman ito ni Cheska ngunit patuloy pa rin ang pagsakit ng tiyan niya kaya bumalik siya sa doktor. Sa pagkakataong ito ay walang ibang tinignan o pinagawa sa kaniya bagkus ay muli siyang niresetahan ng panibagong antibiotic.

Muli ay sinunod ito ni Cheska ngunit wala pa ring pagbabago hanggang sa isang gabi ay labis na sumakit ang kaniyang tiyan na sinabayan pa ng pagsusuka. Sobra na siyang nahihirapan kaya naman isinugod na siya sa ospital.

Pag dating sa emergency room ay tinanong lamang siya sa kung ano ang kaniyang nararamdaman.

“Sobrang sakit po ng tiyan ko at nagsusuka ako,” pahayag ni Cheska. Matapos itong marinig ng nurse ay kinontak niya si Doktor Gomez upang malaman ang mga dapat gawin sa pasyente.

Advertisement

Wala ng iba pang pagsusuri ang ginawa kay Cheska bagkus ay tinurukan ito ng pain reliever at gamot sa pangangasim ng tiyan. Ayon sa nurse ay nakaranas ng hyper acidity si Cheska. Nang mawala na ang sakit ng tiyan ni Cheska ay pinauwi na rin ito at niresetahan ng gamot para sa pangangasim ng tiyan.

Kinabukasan ay muling sumakit ang tiyan ni Cheska at muli siyang nagsusuka ngunit sa pagkakataong ito ay manilaw-nilaw na rin ang itsura niya. Bumalik siya sa ospital at nakausap mismo si Doktor Gomez.

“Cheska, ituloy mo lang ang pag-inom mo ng gamot para sa pangangasim ng tiyan. Hindi agad ‘yan gagaling at basta mawawala,” sabi ng doktor. Hindi na siya sinuri nito at nagmamadaling umalis ng ospital.

Dahil talagang namimilipit na sa sakit ng tiyan si Cheska ay napagdesisyunan niyang pumunta na lamang sa ibang ospital. Pagpasok niya sa emergency room ay agad siyang mabusising sinuri ng doktor at mga nurse na naroroon. Pina-ultrasound ang kaniyang tiyan kaya nila natuklasan na hindi UTI o hyperacidity ang dahilan ng kaniyang nararamdaman bagkus ay dahil mayroon siyang bato sa apdo at nasa kritikal na itong kalagayan.

“Ma’am Cheska, kailangan na po agad nating matagal ang apdo niyo para hindi na po ito lumala at makaapekto pa sa ibang parte ng inyong katawan. Kapag hindi po ito maagapan ay mas magiging malaking problema po ito,” paliwanag ng doktor. Nagulat si Cheska nang malaman kung gaano na pala kalala ang kaniyang kalagayan. Dahil malinaw at maayos ang pagpapaliwanag sa kaniya ng doktor ay sumang-ayon siya dito at sinunod ito.

Kinabukasan ay agad siyang inoperahan at naging matagumpay ito. Noong siya ay nakabawi na ng lakas at napahintulutan nang lumabas sa ospital ay pinuntahan niya si Doktor Gomez at nagreklamo dito. Iginiit niya na ilang ulit niya nang inirereklamo ang pananakit ng kaniyang tiyan sa parteng kanan ngunit mga simpleng pagsusuri lamang ang ginawa sa kaniya at hindi naging lubos at malawak ang ginawang pagsusuri sa kaniya kaya hindi nalaman ang tunay niyang sakit.

Humingi ng dispensa si Doktor Gomez kay Cheska ngunit hindi niya ito tinanggap.

“Irereklamo kita sa pagpapabaya mo. Muntik nang malagay sa alanganin ang buhay ko!” pagalit na sinabi ni Cheska.

Advertisement

Inireklamo ni Cheska si Doktor Gomez sa mataas na namamahala ng ospital. Doon ay natuklasan niyang hindi lang pala siya ang nagrereklamo sa pagiging pabaya ni Doktor Gomez.

Marami rin pala itong naging mga pasyente na inirereklamo siya. Mayroong kaso ng isang batang pasyente na ang tingin ng doktor ay simpleng ubo lang ito ngunit ‘yun pala ay may matinding impeksyon na ito sa baga. Mayroon ding kaso ng UTI pero iyon pala ay bato na sa bato.

Mula sa mga nakuhang impormasyon ni Cheska ay nakipag-ugnayan siya sa iba pang mga pasyenteng nagrereklamo kay Doktor Gomez. Matapos noon ay nagtulong-tulong sila upang masampahan ng pormal na reklamo at makasuhan ang doktor sa pagiging pabaya nito. Agad naman nilang nakamit ang hustisya nang tuluyan na siyang tanggalan ng lisensiya sa panggagamot.