Kaibigan Ba Akong Maituturing?

Si Rob ay isang motivational speaker, ito ang nagsilbing propesyon niya mula noong makatapos siya ng pag-aaral. Dahil malapit sa Diyos, ito ang naging gabay ni Rob sa tuwing nagsasalita siya sa harap ng maraming tao.

At bilang isang motivational speaker, hindi maiwasan ni Rob na maging takbuhan din siya ng mga kaibigan at kamag-anak upang humingi ng payo. Bukal naman sa kalooban ni Rob na magsilbi sa ganitong paraan sa kanyang mga kakilala at kaibigan.

Bagong lipat noon si Rob sa kaniyang inuupahan na bahay. Bumukod na kasi siya sa kanyang mga magulang. Dahil mabait at masayahin si Rob, agad itong nakakilala ng mga kaibigan sa kanilang lugar. Likas na marunong magpayo si Rob, kaya hanggang sa kaniyang bagong lugar na tinutuluyan ay dito siya nakilala.

Isa sa nakilala niya at naging matalik na kaibigan agad sa kanilang lugar ay si Carlo. Si Carlo ay isa sa mga masayahin at masiglang kapitbahay ni Rob. Tuwing umaga ay masayang bumabati ang dalawa sa isa’t isa, at minsan pa nga ay sabay silang umaalis para bumiyahe papunta sa kani-kanilang trabaho.

“Bilib talaga ko sa iyo, pare. Talagang nakapaganda ng mga payo mo sa mga tao, kaya gustong-gusto talaga nilang lumalapit sa iyo,” nakangiting sabi ni Carlo sa kanya.

“Nakakataba nga ng puso, Carlo. ‘Yon siguro ang mahalagang bagay na nakukuha ko sa aking trabaho, ang makatulong at makapagbigay ng pag-asa sa mga tao. Hindi ko ‘yon magagawa ng mag-isa, kung ‘di ako ginabayan ng Panginoong Maykapal” wika ni Rob.

Ngunit tila susubukin naman ng isang trahedya ang pagkakaibigan nilang dalawa at ang paggiging matatag at positibong tao ni Rob.

Isang araw habang tahimik na nagpapahinga na si Rob sa kaniyang bahay, ay nakatanggap ito ng tawag.

Advertisement

“Hello?” wika ni Rob.

“Rob, si Carlo ito. Tulungan mo ako, si Lydia wala nang malay ng datnan ko sa bahay,” umiiyak na sabi ni Carlo sa kabilang linya.

Dali-daling lumabas si Rob sa kaniyang bahay at nagtungo sa bahay ni Carlo. Hindi man nito alam ang gagawin doon, ay tumuloy pa rin ito. Nang makarating sa bahay, ay nakita niyang may ambulansiya na kumukuha sa katawan ng asawa ni Carlo.

Nang makita si Carlo, ay agad niyang tinapik ang balikat nito. Nagsenyasan lang ang dalawa, habang si Carlo ay patuloy na tinatanong ng mga nars tungkol sa nangyari. Base sa kwento at obserbasyon ng mga nars sa lugar, inatake sa puso si Lydia habang siya ay mag-isa lamang sa bahay.

Hindi alam ni Rob ang kung ano ang maaari niyang gawin upang matulungan ang kaibigan, maging siya rin ay nagulat sa biglang pagkawala ni Lydia. Ngunit tahimik na sinamahan lang ni Rob si Carlo sa man ito magpunta. Mula sa pag-aasikaso nito sa ospital, hanggang sa pagsundo ni Carlo sa kaniyang mga anak, at pagsabi niya sa mga ito tungkol sa nangyari sa kanilang ina. Nanatili lang sa kanyang tabi si Rob, parehas na walang imik sa isa’t isa.

Nang matapos ang gabi ay hindi alam ni Rob kung ano ang gagawin. Pakiramdam niya ay wala naman siyang naitulong sa kaibigan dahil wala itong ibang ginawa kundi ang samahan siya hanggang sa magkinabukasan. Hindi niya kasi alam paano bibigyan ng payo ang kaibigan, dahil asawa, minamahal at ina ng kanyang mga anak ang nawala sa kanya. At sa pagkakataon na ‘yon, alam ni Rob na walang kahit anong salita ang makakapagpagaan ng loob ni Carlo.

Sa labis ng makakaya ni Rob, pinili niyang samahan ang kaibigan sa panahon ng pagdadalamhati nito. Hindi siya nawala sa tabi ng kaibigan hanggang sa maihatid ang asawa nito sa huling hantungan. Nang matapos ang libing ay doon lang nakauwi ng matagal si Rob sa kanilang bahay. At nang mga oras na ‘yon, kanyang kinausap ang sarili.

“Rob, wala ka man lang nasabi sa kaibigan mo para pagaanin ang loob nito. Akala ko ba magaling ka sa bagay na ‘yan? Bakit parang wala ka man lang ginawa,” malungkot na wika nito sa kaniyang sarili.

Advertisement

Dahil alam na nagkulang bilang isang kaibigan, ipinagdasal nito sa Diyos Ama ang kaibigan na gabayan ito sa hirap atnpagsubok na pinagdadaanan.

Mula noon, patuloy na inalalayan ni Rob ang kaibigan. Hanggang sa unti-unti itong nakabangon at nakapagsimulang muli. At nang minsan ay nagkaroon sila ng malalim na pag-uusap, hindi sukat akalain ni Rob na maririnig ang mga salitang ito mula sa kaibigan.

“Rob, salamat pare ha? Kung hindi dahil sayo, baka hindi ko kinaya ang araw na iyon,” wika ng kaibigan na si Carlo.

Alam na agad ni Rob ang tinutukoy na araw ni Carlo. Yung ang araw na pakiramdam ni Rob ay walang siyang kwentang kaibigan dahil hindi man lang nito nagawang pakalmahin at pagaanin ang loob ng kabaigan, ay ang araw pala na labis na pinasasalamatan ni Carlo dahil nandoon lagi si Rob para siya ay samahan. At kung hindi dahil sa kay Rob, baka hindi kinaya ni Carlo na mag-isa.

Doon ay mas naintindihan at naunawaan ni Rob ang lahat, bilang tao ay hindi talaga natin alam ang dapat gawin sa panahon na sinusubok tayo ng problema at trahedya. Hindi tayo laging handa sa harap nito, ngunit bilang tao rin ay nasa sa atin din ang kakayahanan at lakas upang harapin ito at lagpasan. Na bilang tao at kaibigan, hindi importante ang malalaking bagay na maari natin magawa para sa iba, minsan maging maliit na bagay tulad ng simpleng pagsama at pag-alalay sa nahihirapan at sinusubok na kaibigan ay malaking bagay na ito para sa ating mga kaibigan.