Sa Inyo na ‘Yang Anak Ko!

“Paano kapag nalaman ni mama ito? Anong gagawin ko? Anong sasabihin ko?” tanong ni Ana sa kaniyang nobyo habang wala siyang tigil sa paglalakad.

“Pwede bang huwag kang ganiyan. Hindi ako makapag-isip! Basta ganun pa rin ang plano natin. Kahit anong mangyari ay hindi mo sasabihin sa mama mo iyan. Mas lalong hindi mo sasabihin na sa akin iyan!” sagot naman ni Nikko, ang nobyo ng babae.

“Gag* ka pala, e. Sa tingin mo ba maitatago ko ito? E, tumaba na nga ako at nagkalaman na ‘yung tiyan ko tapos ganiyan ang sasabihin mo sa akin. Wow! nagjowa na nga ako ng walang trabaho, nagjowa pa ko ng t*nga,” baling muli ni Ana sa kaniya.

“Bukas na uwi ni mama. Kapag sinundo ko iyon sa airport at nakitang ganito ang tiyan ko ay baka nasa NAIA pa lang ako ay gumagalaw ng mag-isa ang mga gamit ko rito sa amin palabas ng bahay. Palalayasin ako nun, Nikko. Kailangan natin magplano. Anak mo ito!” dagdag pa niya.

“Isa lang ang sigurado ako, hindi ka ibibigay ng nanay mo. Hindi ka palalayasin nun lalo na kapag nalaman na ako ang tatay niyan,” sagot sa kaniya ng lalaki.

“Bahala na bukas. Maghanda ka na lang para sigurado tayo,” pahayag naman ni Ana rito.

Mahigit isang taon nang magkasintahan ang dalawa at lingid sa kaalaman ng nanay ni Ana ay matagal nang nagsasama ang magnobyo sa bahay ng babae. Paano’y nag-iisang anak lamang ito at walang kasama sa bahay. Dumadalaw ang tiyahin nito paminsan-minsan para kamustahin si Ana ngunit suma total ay ang babae lamang talaga ang naninirahan doon.

OFW kasi ang nanay ni Ana. Bata pa lang siya ay iyon na ang trabaho ng kaniyang ina upang itaguyod siya at ang kaniyang pag-aaral. Nangibang bahay kasi ang tatay niya kaya wala siyang kinalakihang buong pamilya.

Advertisement

16 anyos na ang dalaga at papasok na ito sa kolehiyo kaya rin uuwi ang kaniyang nanay ay upang ipagdiwang ang pagtatapos niya ng hayskul.

Hapon na nang magkita ang mag-ina. Kaagad na niyakap ni Ana ang kaniyang nanay.

“Ma, namiss kita,” bati kaagad ng dalaga.

Hindi sumagot ang ale at tinitigan lamang ang kaniyang anak. Umupo ito sa tabi at tsaka napayuko.

“Ma, bakit?” tanong niya sa kaniyang nanay.

“Totoo nga ang balitang nakarating sa akin. Buntis ka nga, Ana. Bakit hindi mo sinabi sa akin ito? Bakit kailangan sa ganitong paraan ko malaman? Alam mo ba na simula nung umalis ako sa amo ko hanggang sa pagsakay ko sa eroplano ay wala akong ibang dasal kung ‘di sana tsismis lang ang kumakalat patungkol sa’yo. Pero mali ako. Ilang buwan na iyan?” pahayag ni Aling Jemma, ang nanay ng dalaga.

“Maglilimang buwan po, mama,” mahinang sagot ng babae tsaka pumatak ang luha sa kaniyang mga mata.

“Sinong tatay niyan?” tanong ng ale. “Si Nikko po,” sagot muli ng dalaga.

Advertisement

Hindi nagsalita ang kaniyang nanay at mabilis silang bumyahe pauwi. Agad din nagpunta si Aling Jemma sa bahay ni Nikko.

“Ilabas mo ang nanay mo at mag-uusap kami,” matapang na pahayag ni Aling Jemma sa bahay ng lalaki.

“O, nakauwi ka na pala ng bansa, Jemma. Kamusta?” bati naman ni Aling Vivian, ang mortal na kaaway ng ale. Kaibigan kasi nito ang babae ng kaniyang mister at naniniwala si Aling Jemma na ito ang siyang may kagagawan kung bakit nasira ang kaniyang pamilya.

“Buntis ‘yung anak ko. Binuntis ng anak mo,” diretsong sabi ni Aling Jemma.

“E, ano ngayon? Bakit? Ibibigay mo ba ‘yung anak mo sa anak ko? Hindi naman, ‘di ba? Susuportahan na lang namin ‘yung bata,” sagot naman ni Aling Vivian.

“Susuportahan? Hindi ba dapat pananagutan? Anong akala mo sa anak ko? Kaladkarin? Nagpabuntis? Gag* ka pala, e!” baling ni Aling Jemma at naramdaman agad ni Nikko na magsasabong ang dalawa. Mabilis na pumagitna sina Nikko at Ana rito.

“Ops, teka lang. Walang mapupuntahan ang pag-aaway niyo. Nandiyan na ‘yung bata kaya itigil niyo na iyan,” saad ni Nikko.

“Menor de edad ang anak ko. Kahit saan natin tignan ay minanipula iyan ng anak mo. 25 anyos ka na, Nikko! Anong alam ng isang 16 anyos? Anong akala niyo sa pamilya ko? Pwede niyong paglaruan? Pwede niyong babuyin? Hindi!” sagot ni Aling Jemma.

Advertisement

“Sa inyo na iyang anak ko! Panagutan niyo iyan o ipapakulong ko kayo,” dagdag pa nito na labis namang ikinagulat ng lahat.

“Ma, seryoso ka? Ibibigay mo ako sa kanila? Nag-iisang anak mo lang ako. Dapat hindi ka papayag,” wika naman ni Ana.

“Anak kita, oo, pero hindi ako nagkulang bilang nanay. Wala man ako sa tabi mo pero alam ng Diyos na hindi kita pinabayaan, Ana. Lahat ay binigay ko sa’yo kahit na mahirap, kahit na hindi ko kaya. Tapos ito lang ang igaganti mo sa akin?” napaluhang tanong ng kaniyang nanay.

“Sa kanila ka na. Kailangan kang panagutan niyang si Nikko. Kaya’t kung sa tingin niyo ay makakatakbo kayo sa mga responsibilidad niyo sa anak ko ay nagkakamali kayo,” dagdag pa ni Aling Jemma tsaka siya umalis.

Ilang beses nakiusap si Ana na huwag siyang palayasin sa kanilang bahay.

“Anong klase kang nanay? Palalayasin mo ‘yung sarili mong anak? Buntis pa naman ako tapos ginaganito mo ako?” baling ni Ana sa kaniyang nanay.

“Lumayas ka! Doon ka kay Nikko. Wala kang karapatang sabihin sa akin iyan dahil hindi mo man lang naisip ang lahat ng isinakripisyo ko mabuhay ka lang! Sana naisip mo iyon bago mo ibinuka iyang mga binti mo sa lalaking iyon, Ana. Anong klase kang anak?” At bumagsak nang muli ang mga luha ni Aling Jemma.

Tuluyang umalis si Ana sa poder ng kaniyang nanay at nanirahan kay Nikko. Ngayon siya namulat sa hirap at katotohanan na hindi nakakain ang pag-ibig at hindi natatapos ang pagpapamilya sa paghiga sa kama at pagsasabi ng ‘mahal kita.’

Advertisement

Halos mangaliskis na ang dalaga dahil palaging sardinas o ‘di kaya naman tuyo ang ulam nila ni Nikko. Paano’y pagpapataya lamang sa jueteng ang pinagkakakitaan ng pamilya ng lalaki at wala ring trabaho si Nikko.

“Nikko, ganitong klaseng buhay ba ang balak mong ibigay sa akin?” tanong Ana sa lalaki habang malayo ang tingin nito sa bintana.

“Huwag mo akong dramahan, Ana. Kung sawa ka na sa hirap ay umalis ka. Hindi kita susuyuin. Isa pa, t*nga ka kasi! Bakit ka nagpabuntis, e, s*x lang naman ‘yung ginagawa natin,” pahayag ni Nikko sa kaniya.

Walang pagdadalawang isip na sinampal ng malakas ni Ana ang lalaki at tsaka siya umalis. Bumalik siya sa kaniyang nanay at humingi ng tawad.

“Alam ko na po kung gaano kahirap ang buhay. Alam kong malaki ang pagkakasala ko sa’yo, mama, pero sana patawarin mo ako. Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon,” nagsusumamong sabi ni Ana.

“Ngayon alam mo na kung gaano kahirap ang mag-asawa? Mas magiging mahirap pa ang lahat ng iyan kapag naging nanay ka na. Patawarin mo rin ako kung itinakwil kita pero iyon lang ang naging paraan ko para bigyan ka ng leksyon.

“Sorry, mama,” bulong muli ng babae tsaka nagyakap ang mag-ina.

Ngayon ay nagpakalayo-layo ang dalawa at mas lalo pang minahal ni Ana ang kaniyang nanay. Napakaswerte niya sa buhay dahil kahit na nagkamali siya ay hindi pa rin siya pinabayaan ng kaniyang butihing ina.