Ibinalik ng Batang Kondoktor ang Kulang na Sukli ng Matanda, Ito Pala ang Magiging Daan Upang Mabago ang Buhay Niya

Pinunasan ng siyam na taong gulang na batang si Royce ang butil ng pawis na nagsisimula nang tumulo mula sa kanyang noo, hindi talaga mapagtanto ang panahon. Kahapon ay halos basang sisiw siyang umuwi dahil biglang bumuhos ang napakalakas na ulan, samantalang ngayon ay ubod na naman ng init. Pero hindi katulad ng ibang bata ang dahilan niya kaya siya nasa lansangan, hindi siya nagpunta roon para maglaro, sa halip ay para maghanap buhay.

“Tanza Tanza! Maluwag pa po yan! Sakay na, dadaan ng SM Rosario, sakay na po!” sigaw niya sabay hampas sa gilid ng pampasaherong bus, mag iisang taon na siyang kondoktor. Siyempre ilegal pa na magtrabaho siya, pero ano naman ang magagawa niya? Ang nanay niya ay halos hindi na makagalaw dahil sa sakit nitong goiter, ang tatay naman niya? Hindi niya alam kung nasaan. May mga maliliit siyang kapatid na magugutom kaya sa murang edad ay napilitan syang akuin ang responsibilidad ng isang magulang.

“Royce, ilan pa?” tanong ni Tonio, ang driver ng bus. Kapitbahay nila ito na napakiusapan niya lang na isama siya sa pamamasada, kolorum pa ang bus ng lalaki.

“Tatlo pa kuya, ibabayad daw yung bata sa likod kaya hindi kinandong.” sabi ni Royce, tumango lang naman sa kanya ang driver.

May sumakay na magkasintahan, at maya maya pa ay dumating na rin ang huling pasahero. Isa itong matandang lalaki na maraming bitbit, dahil mabuti ang kalooban ng bata ay tinulungan niya ang matanda hanggang sa makaupo ito.

Umandar na ang bus at nagsimula na ring maningil ng pamasahe si Royce, nilapitan na niya ang matandang lalaki, inabutan siya nito ng 200 pesos. Medyo namutla si Royce, alam niya naman kung paano kwentahin ang sukli nito kaya lamang ay tiyak na matatagalan siya dahil di naman siya nakapag aral talaga, sanay lang siyang suklian ang bente at singkwenta pesos tutal ay dose pesos lang naman ang pinakamahal na pamasahe nila.

Dahil siguro sa pagkataranta ay mali ang naisukli ni Royce sa matanda, kulang iyon ng singkwenta pesos. Di na naman iyon inintindi ng matanda pero si Royce ay di matahimik kaya habang nakasabit siya sa bus ay muli niyang kinuwenta sa isip ang tamang sukli, maya maya pa ay binalikan niya ang matanda.

“Tay, kulang po pala ng singkwenta iyan. P-pasensya na kayo, hindi ho naman kasi ako nakapasok sa eskwela kaya nanibago ako, hindi ko po intensyon na bawasan ang sukli.” sabi niya rito na medyo hininaan pa ang huling parte dahil nahihiya siya sa ibang pasahero.

Advertisement

Tila namangha naman ang matanda sa katapatan niya, akala nito ay katulad siya ng iba pero bumalik pa talaga siya para ibalik ang sobra.

Nang pumara ang matanda ay nagulat si Royce na sa tapat iyon ng isang mamahaling subdivision, nag aabang dito ang isang lalaking nasa 36 anyos siguro at isang batang babaeng kasing edad niya.

“Kumusta ka Daisy? Ang maganda kong apo?” sabi ng matanda sa batang babae.

“Pa naman! tinakasan mo na naman daw ang driver! Bakit ba gustong gusto mong nagko-commute kung may kotse naman tayo?” ang lalaki ang nagsalita.

“Ano ka ba, bakit hindi e galing din naman ako sa hirap,at saka, hindi ako mapapano dahil marami pa ring mabubuti sa mundo. ” simpleng sagot ng matanda at sinulyapan nito ang batang kondoktor na nakikinig lang dahil traffic at di pa umaandar ang bus.

“Honey, I’m home!” sabi ni Royce sa asawa, masaya naman siyang sinalubong ni Daisy, bitbit nito ang anim na buwang gulang na sanggol, ang kanilang panganay.

“Halika, nagluto ako ng kaldereta, bibisita daw si lolo mamaya.” sabi ng babae at iginiya siya sa kusina. Sino ang mag aakala na sa simpleng pagbalik niya ng sukli 16 taon na ang nakakalipas ay magbabago ang kanyang buhay? Hinanap siya ng matanda at inalok na pag aaralin siya nito kung pagbubutihin niya, sobrang saya niyang tinanggap iyon at talaga namang pinagbuti niya.

Hanggang kolehiyo ay ito ang nagpaaral sa kanya, isa na siyang Engineer ngayon at napakalaki ng utang na loob niya rito. May bonus pa, minahal siya ng apo nitong si Daisy, nangako siyang aalagaang mabuti ang babae. Tama, nasusuklian nga ang kabutihan.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!