Naging Pabaya ang Ina sa Kaniyang Anak at Nagbuhay Dalaga; Laking Pagsisisi Niya nang Malagay sa Panganib ang Anak Habang Siya ay Nasa Gimikan

Maagang nabuntis si Jodi sa kaniyang anak na si Justin. Dahil sa hindi pa handa sa pagpapamilya ay naging madalas ang kanilang pag-aaway ng ama ng bata noong sila ay nagsasama pa.

“Sabi ko sa’yo umuwi ka kaagad ‘di ba? Anong oras na, amoy alak ka pa, puro ka barkada, samantalang ako ito, nakakulong sa bahay!” bulyaw niya sa asawa.

“Bakit? Ako naman nagpapakain sa inyong dalawa ah? Nagtatrabaho naman ako, gusto ko lang magsaya minsan.”

Hindi na nga lumilipas ang isang linggo na hindi sila nagtatalo. Kahit maliliit na bagay ay hindi na nila napagkakasunduan. Hanggang sa umabot na ito sa hiwalayan.

“Ayoko na, uuwi na ko sa amin, isasama ko ang anak natin,” wika ni Jodi.

“Wala akong magagawa kung ‘yan ang gusto mo pero magsusustento pa rin ako para kay Justin.”

Umalis ang mag-ina at nanirahan sila sa bahay ng mga magulang ni Jodi.

“Ma, pa, naghiwalay na kami. Hindi na talaga kami magkasundo. Puwede ba kami dito ni Justin?”

Advertisement

Sa halip na umiyak at malungkot sa nangyari ay tila napakasaya pa ni Jodi.

“Oo naman anak, bakante naman ang kuwarto mo. Doon na kayo matulog,” sagot ng kaniyang ina.

Ngunit kalaunan ay tila bumabalik si Jodi sa kaniyang pagkadalaga at napapabayaan na ang kaniyang anak.

“Ma, may dadaluhan lang akong salo-salo, puwede ko po bang iwan si Justin?”

“Sige, ako nang bahala sa apo ko, mag-ingat ka.”

Napapadalas ang kaniyang paglabas-labas kasama ang mga kaibigan at halos madaling araw na siya kung umuwi. Hindi na nga niya naaabutang gising pa ang kaniyang anak.

“Anak, napapansin kasi namin ng mama mo na madalas kang ginagabi. Minsan ay inuumaga ka na, aba ay baka nakakalimutan mong may anak ka na?” wika ng kanyang ama.

“Ginagawa ko lang naman ang mga hindi ko nagawa noon dahil maaga akong nabuntis kay Justin pa, hindi ko naman po papabayaan ang anak ko.”

Advertisement

Ngunit kahit anong pangangaral ng magulang ay hindi pinakinggan ni Jodi. At dahil alam naman niyang hindi pababayaan ng kaniyang mga magulang ang nag-iisa nilang apo ay sumige pa rin siya sa pagbubuhay dalaga.

“Jodi, ‘di ba may anak ka na? Buti nakakasipot ka pa sa mga ganitong gimikan?” tanong ng kaniyang kaibigan.

“Oo naman, nandoon naman sina mama at papa.”

Sa kalagitnaan ng kaniyang paggimik ay hindi napansin ni Jodi ang sangkatutak na missed calls ng kaniyang mga magulang, isang malungkot na balita ang tumambad sa kaniya kinaumagahan. Ginising siya ng malakas na sampal mula sa kaniyang ama.

“Napakairesponsable mo, Jodi! Inaapoy ng lagnat ang anak mo kagabi pero nasaan ka? Nakikipag-inuman!” sigaw nito.

“Pa hindi ko po alam, sobrang nalasing ako kagabi. Nasaan na po si Justin?”

“Nasa ospital, kagabi pa kami naroon ng mama mo dahil hindi ka sumasagot sa mga tawag, naroon na din ang daddy niya, kung hindi ka magtitino maaring mawala sa ‘yo si Justin, naiintindihan mo ba?”

Dali-daling bumangon si Jodi upang maligo at magbihis. Pumunta agad siya sa kinaroroonan ng kaniyang anak at sinalubong naman siya ng galit nitong ama.

Advertisement

“Akala mo hindi ko alam, ha? Na wala kang ibang ginawa kundi ang gumimik? Kung hindi mo kayang alagaan si Justin, akin na siya, iuuwi ko siya!”

“Huwag please maawa ka, hindi ko kayang malayo sa anak ko, nagkamali ako inaamin ko pero ‘wag mo siyang ilalayo sa ‘kin,” pakiusap niya.

Lumabas ang lalaki dahil ayaw na nitong makipagtalo pa sa kaniya sa harap ng bata. Nilapitan naman ni Jodi ang anak na nanghihina.

“Mommy?”

“Oo Justin anak, andito na si mommy, sorry ha, sorry talaga,” umiiyak niyang sagot.

Nakita rin niyang puyat na puyat na ang kaniyang ina kaya’t pinauwi niya na muna ito upang makapagpahinga.

“Ma, ako na pong bahala dito, matulog na muna kayo sa bahay.”

“Sige, wag mong iiwan ang apo ko ha?” bilin nito.

Advertisement

Tatlong araw na nanatili ang bata sa ospital at ni minsan ay hindi umalis si Jodi sa kaniyang tabi. Gabi-gabi ring naroon ang ama ng bata at sa huling gabi ng kanilang pagbabantay ay nagkamabutihan sila habang natutulog si Justin.

“Pasensya ka na Jodi kung nasigawan kita, sobrang nag-alala lang talaga ako para sa anak natin.”

“Ako dapat ang humingi ng pasensya sa ‘yo, kina papa, lalo na kay Justin, naging pabaya ako, puro sarili ko lang ang iniisip ko.”

“Pwede pa ba nating subukan ulit? Mahal na mahal pa din naman kita eh, kayong dalawa ni Justin, para mabuo ang pamilya natin.”

“Sigurado ka ba? Wala rin akong ibang hangad kundi magkaron ng buong pamilya ang anak natin.”

Nagkayap ang mag-asawa at di nila namamalayang masayang nakatingin sa kanila ang anak na nagising. Pagkalabas nila sa ospital ay muling umuwi si Jodi at Justin sa dati nilang tahanan. Sa pangalawang pagkakataon ay nabuo ang kanilang pamilya. Ngayon ay mas matibay at mas maayos na ang kanilang pagsasama dahil sa mga leksiyon na natutunan sa nagdaang mga karanasan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.