Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Barkada Mo O Ako? - Inday Trending

Barkada Mo O Ako?

Masaya ang relasyon nina Irish at Jonas ngunit ang kinakainisan ng babae ay hindi kayang hindian ng nobyo ang mga kabarkada nito na walang ginawa kung ‘di ang mag-inuman sa kanto. Ito din ang madalas na dahilan kaya sila nagkakaroon ng problema at nag-aaway lalo na kapag nalalaman niyang pumupunta ang mga ito sa isang bar na may sumasayaw na mga babaeng tanging heels lang ang suot.

“Ano ba naman, Jonas? Baka pwede mo namang tanggihan minsan ang barkada mo! Naiinis na talaga ako sa mga bad influence mong kaibigan. Hindi ba nila naiisip na may syota ka at kailangan mo ring ilaan sa nobya mo ang oras at panahon mo? Magkasama na nga kayo kanina tapos ngayon tatawag-tawag na naman para ayain ka ulit!” Hindi na napigilan ni Irish na magbunganga dahil ngayon na nga lang niya nakasama ulit ang nobyo pero may tumatawag na naman rito para ayain sa kung saan.

“Mag-aaway na naman ba tayo, Irish? Lagi ka na lang ganyan. ‘Di ba lagi ko naman sinasabi sa’yo na wala naman kaming ginagawang masama ng mga kaibigan ko.”

“Talaga bang wala, Jonas? Kung ganoon ay bakit may mga nababalitaan ako na pumupunta kayo sa mga madidilim na lugar at nambababae?” aniya. “Sila lang ‘yon!” tugon ng lalaki. “Pero kasama ka pa din nila!”

“Sus! Heto na naman tayo, Irish. Nagbubunganga ka na naman. Nakakasawa na!” reklamo ni Jonas na lalong ikinainit ng ulo ng babae.

“Hindi ako magbubunganga, Jonas, kung wala kang ginagawang masama.”

“Bakit may masama ba akong ginagawa?” hamon ng lalaki.

“Papipiliin kita! Ako o iyang mga kabarkada mo?” Punong-puno na si Irish.

Saglit na nanahimik si Jonas at mayamaya ay nagsalita. “Lagi mo nalang akong dinadramahan, Irish. Lagi ka na lang ganiyan. Dapat nga maging masaya ka kasi kahit papaano ay may naibibigay pa akong oras sa’yo. Kapag ang mga kaibigan ko ang kasama ko ay masaya ako. Hindi nila ako dinadramahan at puro saya lang ang naiisip namin. Iyan ang hindi ko nararamdaman sa’yo.”

“Dahil girlfriend mo ako, Jonas, at hindi mo ako kabarkada lang! Sinasabi mo bang mas pipiliin mo ang mga kaibigan mo kaysa sa’kin?” tanong ng babae. “Mas masaya ako kapag kasama ko sila,” maiksing sagot ni Jonas.

“Sige. Maghiwalay na lang tayo tutal mas naibibigay naman nila ang sayang hindi ko maibigay sa’yo.”

Iyon na nga ang huling beses na nag-usap sina Irish at Jonas. Hindi niya akalain na mas mahalaga para sa lalaki ang mga kaibigan. Lumipas ang limang buwan, ang sakit sa puso niya ay nawawala na at hindi na siya umiiyak.

Nakilala niya si Randy ang lalaking nagparamdam sa kaniya na mas mahalaga siya kaysa kanino man. Ang lalaking kayang ipagpalit ang lahat para makasama lang siya. May mga kaibigan rin ito pero mas nais nitong makasama siya. Tatlong buwan na rin ang kanilang relasyon at hindi pa ito nagbabago kaya lagi niyang hiling ay sana hindi magbago ang lalaki. Dahil masayang-masaya siya ngayon sa piling ni Randy.

Nagulat siya nung biglang tumawag si Jonas at hinihiling nito na sana ay magkita sila dahil namiss na siya nito at may kailangan silang pag-usapan. Hindi niya tinanggihan ang hiling ng dating nobyo. Hindi naging maganda ang paghihiwalay nila at marami rin siyang nais sabihin at klaruhin rito.

“Kumusta?” wika ni Irish nung makaharap ang dating nobyo.

“Namiss kita nang sobra, Irish. Kumusta ka na ngayon? Sa tingin ko lalo ka yatang gumaganda, ah,” anito.

“Salamat. Ano ba ang dapat nating pag-usapan?” ayaw ng magpaligoy-ligoy pa ng babae.

“Nagsisisi na ako, Irish. Mahal na mahal pa rin kita. Sorry kung binabalewala kita noon. Narealize kong mali ang mga ginawa ko. Bumalik ka na sa’kin. Pangako tatratuhin na kita ng maayos,” nagsusumamo wika ni Jonas.

“Alam mo, Jonas, gustong-gusto kong magpasalamat sa’yo. Kasi kung hindi mo ako binasura hindi ko matatagpuan ang lalaking magpapahalaga sa’kin ng tama. Nasaktan ako noon kasi lagi mong pinaparamdam sa’kin na hindi ako ang first priority mo. Lagi akong second option. Kapag wala kayong ganap ng barkada mo tsaka mo lang ako naaalala at tsaka ang mas masakit sa lahat ay iniiwan mo ako kapag tinawagan ka nila. Ayoko nang maranasan ulit iyon at ayoko nang bumalik sa’yo. Ito na ang huling pagkikita natin, Jonas. I wish you a happy day. Sana kapag may bago ka ng karelasyon ay hindi mo gawin sa kaniya ang ginawa mo sa’kin,” ani ng babae bago niya inilahad ang kaniyang kamay upang makipagkamay sa dating nobyo. Kitang-kita niya ang labis na pagsisisi sa mga mata ni Jonas. Sabagay lagi namang nasa huli ang pagsisisi.

Hindi kailangang magalit ni Irish kay Jonas sa kabila ng sakit na idinulot sa kaniya nito noon. Dapat pa nga niya itong pasalamatan sa lahat dahil marami siyang natutunan na aral rito na dadalhin niya sa kasalukuyan niyang relasyon. Hindi masamang magkaroon ng barkada pero dapat alam mo ang iyong limitasyon at huwag mong kakalimutan ang iba pang tao na bahagi ng iyong buhay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.