Kasalukuyan Mo’y Iniingatan Ko

“Aaron, ito na baon mo!” sigaw ni Therese sa kanyang nag-iisang anak bago ito pumasok sa eskwelahan.

“Opo ma, nakalimutan ko lang kumuha ng panyo,” agad sinabi ni Aaron sa kanyang ina.

Simple lamang ang pamumuhay ni Therese at Aaron. Mag-isang naitaguyod ni Therese ang buhay nilang dalawa. Noong umabot na sa ika-apat na taong gulang si Aaron ay iniwan na silang tuluyan ng kanyang ama. Simula noon, doble-doble ang trabahong kinukuha ni Therese. Isa siyang accountant ng isang maliit na kumpanya sa Baclaran sa umaga at hapon, at isa namang online tutor sa gabi.

“Nakahanda na ba mga assignment mo, Aaron?” malambing na tanong ng ina.

“Opo ma, nagawa ko na po ‘yung sa math ko.”

“Good. Nandito na sundo mo, sumakay ka na sa pedicab Ron!”

Hindi kaya ni Therese na ihatid-sundo ang kanyang anak marahil sa dami ng kanyang gawain. Maghahanda pa siya para sa opisina tuwing umaga, at magtuturo naman sa gabi. Kakaunti lang din ang nabibigay na baon kay Aaron, 100 Pesos lamang, kasama na ang pamasahe. Kaya dahil diyan, madalas na napipintasan siya ng mga kaklase niya.

“Ah pulubi Aaron, wala man lang dilaw na pera sa loob ng wallet!” pang-asar ng isa niyang kaklase.

Advertisement

“Paki-alam mo ba? Ano namang gagawin ko sa perang marami?” galit na tugon ni Aaron.

“Ano nga ba magagawa mo, isang tanong na hindi mo masasagot kasi pulubi!” at nagtawanan ang iba sa mapanakit na salita ng kaklase.

Hindi na kinaya ni Aaron at nauwi sa pisikalan na away ang dalawang bata. Maya’t maya, nagsumbong ang mga estudyante sa kanilang guro. Parehas na pinapunta sa disciplinary officer si Aaron at ang naka-away niya. Doon nilinaw ang naging sanhi ng kanilang pag-aaway, at parehas silang napatawan ng parusang suspensyon ng isang araw.

Nalaman ni Therese ang balita dahil tinawagan siya ng punong-guro sa opisina. Agad namang sinundo ni Therese si Aaron. Halata ang mga pasa at band-aid sa mukha ng anak kaya saglit silang pumunta sa malapit na botika.

“Hindi naman tayo pulubi, ‘diba ma?” naiinis na tanong ni Aaron sa kanyang ina.

“Pulubi? Aba bakit mo naman naiisip na pulubi tayo?”

“Kasi, ang lalaki ng mga baon nila, ang daming pagkain ang nabibili nila. Samantalang ako, kakaunti lang,” ika ng batang paiyak na sa kanyang sinabi.

“Hayaan mo na Aaron, balang-araw maiintindihan mo rin ang mga desisyon ng mommy mo.”

Advertisement

Nagtagal ang panahon at nakatungtong na sa mataas na paaralan si Aaron. Nakabili na rin sila ni Therese ng gamit, uniporme, at mga libro. Sa isip-isip niya, paano nabibili ng mommy niya ang lahat ng ito na para bang sagana ito sa pera? Kahit matrikula ni Aaron ay buong nababayaran at hindi buwan-buwan na kaltas. Hindi maintindihan ni Aaron kung magkano nga ba ang pera ng mommy niya.

“Aaron, ito na baon mo!” sigaw ni Therese habang nagbibihis papasok ng eskwela.

“120?” bulong ni Aaron sa sarili.

“Ha? May sinabi ka ba anak?”

“Wala! Papasok na ako!” pagalit niyang sagot sa magulang.

“Anak! Aaron! Bakit ka sumigaw?”

Ngunit,naglakad ito nang mabilis upang maka-iwas sa kanyang ina. Bumagabag ang tagpong iyom sa isipan ni Therese. Pero wala na rin siyang oras na mai-aaksaya at naghanda na rin siya sa papasok. Naglakad na lang si Aaron papasok sa klase marahil malaki na raw siya at hindi na kailangan ng hatid-sundo.

Habang nasa klase ay pinaggrupo sila Aaron ng kanilang guro. Gagawa sila ng group project sa biology. Kinailangan nila ng mga scalpel at iba pang mga kagamitan. Nagpasya ang grupo na bumili na lamang ng isang set at paghahatian ng mga miyembro nito ang gastusin.

Advertisement

“So guys, kailangan natin mag-ambag ng fifty pesos. Alam na ni Gwen kung saan siya makakabili ng set,” ika ng group leader ni Aaron.

“Ryan, pwede bang sa susunod na lang ambag ko?” tanong ni Aaron sa group leader.

“Bakit? Kailangan na ngayon ang ambag kasi next week na tayo magsisimula, Ron!” sagot ni Ryan.

“Kulang na kasi baon ko para sa pamasahe at pagkain,” nalulungkot na sagot ni Aaron.

“Hindi ba pwedeng sa bahay ka na lang kumain? Mahirap din kami at nasasagad na rin ang dala naming baon. Dali na, kahit ngayon lang Aaron!”

Wala na siyang nagawa kung hindi ang ibigay ang natitira niyang baon. Nainis na ang bintilyo kung bakit kakaunti lang lagi ang kanyang baon kumpara sa iba. May kaya naman sila ng kanyang pamilya, pero kakarampot lang ang baon niya lagi.

Ilang taon pa ang lumipas at nagtapos na si Aaron sa mataas na paaralan. Naka-enrol na rin siya sa isang magandang unibersidad at hindi mababa ang kanyang matrikula. Puno na ng katanungan si Aaron sa kanyang isipan na gaano ba talaga kalaki ang perang mayroon sila?

“Aaron! Baon mo nasa lamesa na!” sigaw ng kanyang ina.

Advertisement

“150, galing!” bulong ni Aaron sa sarili, na tila nasanay na siya sa maliit na baon.

“Ingat ka pagpasok anak, at mamaya pag-uwi mo ay may sasabihin ako sa’yong mahalaga kaya umuwi ka nang maaga.”

“Opo ma, uuwi po ako ng maaga.”

Nagsimula na ang kanyang unang araw sa kolehiyo. Kumukuha ng kursong Dentistry si Aaron. Marami siyang bagong natuklasan sa mundo noong una siyang pumasok sa kolehiyo. My mga naghahanapbuhay siyang kaklase, may mga kaklase siyang kasing tanda na ng mommy niya. May kakayahan din ang mga estudyante na pumili ng kanilang mga aralin na kukunin sa bawat semestre. Tila nabigla si Aaron sa bagong kapaligiran niya na hindi na niya naisip pa ang maliit niyang baon.

Pagka-uwi ni Aaron ay tuwang tuwa siya at marami siyang naikwento sa mommy niya. Tuwang-tuwa naman si Therese sa mga natuklasan at naranasan ng anak. Nawala ang pagod ng ina marahil natutuwa itong matagumpay ang araw ng anak.

“Mabuti naman anak. At ito, sasabihin ko na kung ano ‘yung pinangako ko kaninang umaga.” sinabi ni Therese sa anak.

“Ano po iyon?”

“Anak, simula noong nasa loob ka pa ng tiyan ko, nagsimula na akong maghulog sa bangko ng malalaking pera. One hundred thousand sa isang bangko, ‘yung iba ay umabot na ng two hundred thousand noon, Lahat ng mga account ko ay mga savings account.”

Advertisement

Nagulat ang binata dahil noon pa lamang ay kaya na maglabas ng kanyang ina ng malalaking pera. Dati pa lang ay pwede na pala siya nitong bigyan ng malaking baon.

“Bakit mo nasasabi ito sa akin ma?” nalilitong tanong ng binata.

“Aaron, isang dekada mahigit na ang nakalipas simula noon. Ang dami kong pera na inilaan sa bangko. Natatakot kasi noon sa tatay mo. Madalas umuuwing lasing at bali-balitang may kasama siyang ibang babae. Patago na lang ako na gumawa ng savings accounts sa iba’t ibang bangko. Ngayon, mahigit kumulang, limang milyong piso na ang nasa bangko.”

Laking gulat ni Aaron sa kanyang narinig. Matapos ang lahat ng taon, matapos lahat ng nasa isip niya, ganito pala ang plano ng kanyang ina para sa kanila. Hindi niya inasahang may saysay pala ang ginawa at ginawaga ni Therese.

“Kaya anak, pasensya na kung hindi natin nabibili mga gusto mo agad. Nag-iipon si mommy, para na rin kung may mangyari sa akin, may maiiwan akong tulong sa’yo,” nakangiting sabi ng ina.

“Okay lang ma…okay lang po. Naiintindihan ko na po ‘yung mga sakripisyo niyo. Patawad po kung nasaktan ko ang damdamin mo mom…”

“Hindi naman, ‘no. Hindi mo ako nasaktan anak. Para sa iyo lahat ng ito. Kaya ko nasabi ngayon pa lang ay dahil malaki ka na, at isasama ko na ang pangalan mo sa mga account ko sa bangko. Sa iyo na lahat ng pera doon, pero gamitin mo lang kapag kailangan na kailangan mo na,” hayag ng ina sa anak.

“Opo ma…opo ma,” halata sa mukha ng binata ang tuwa at lungkot sa ginawang sakripisyo ng kanyang ina para sa kanya. Walang-wala ang kahihiyan at panlalait na kanyang natanggap noon sa pagmamahal na binibigay nito sa kanya.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!