Humiling ang Misis na Buhatin siya ng Mister sa Loob ng 30 days bago sila Maghiwalay, Matapos ang isang Buwan Nagulat ang Mister sa Nangyari
Umuwi ako isang gabi at nakahanda na ang hapunan, siguro ito na ang tamang panahon para sabihin ko sa misis ko ang totoo kong nararamdaman, matagal tagal na rin akong nagtitiis sa relasyon naming dalawa. Pakiramdam ko sinasayang lang namin ang buhay naming dalawa.
Hinawakan ko ang kanyang kamay at sinabi ko sa kanya, “gusto ko nang makipaghiwalay.”
Hinihintay kong magalit siya at sumbatan ako pero, nakatingin lang siya sa akin at parang hindi pa nga apektado.
Tinanong niya ako, sa napakakalmadong tono, “bakit?”
Hindi ko siya sinagot at don nagsimulang mag apoy ang mga mata niya.
Binato niya ang kutsara’t tinidor na hawak at sumigaw sa akin, “Para kang hindi tunay na lalaki Dane!”
Hindi na kami nag usap nang gabing iyon, pero naririnig ko siyang pigil na umiiyak. Alam kong gusto niyang malaman kung ano na ang nangyari sa aming dalawa, pero hindi ko naman kayang sagutin iyon. Hindi ko kayang sabihin na si Janine na ang mahal ko ngayon at hindi na siya, naaawa na lang ako sa kanya.
Kahit kinakain ako ng kunsensya, sinimulan kong magsulat ng divorce agreement- sa kanya ang bahay, ang kotse, at 30% ang parte niya sa kumpanya. Nang inabot ko na ito sa kanya, minasdan niya lang sandali at pinunit na ito. Ang babaeng sinayang ang sampung taon ng buhay niya para lang sa akin, ay isa nang estranghera ngayon. Naaawa ako sa mga nasayang sa kanya , pero hindi ko na naman pwedeng bawiin ang mga desisyon ko. Sa oras na ito ay hindi na niya naiwasang mapahagulgol sa harapan ko, na siya namang inasahan ko simula pa nung una, ngayon ay mas ramdam ko na ang paghihiwalay namin.
Nang sumunod na araw ay ginabi ako ng uwi, inabutan ko siyang nagsusulat. Hindi na ako kumain ng hapunan dahil sa pagod at dumiretso na ng kwarto para matulog.Ano naman kaya ang isinusulat ng misis ko?
Paggising ko kinaumagahan ay ipinabasa niya sa akin ang mga kondisyon bago siya pumayag na maghiwalay kami. Ayaw niya ng kahit na anong pera at kayamanan ko, ang gusto niya lang, mabuhay kami ng normal at parang walang problema sa loob ng isang buwan. Simple lang ang dahilan niya: May exam ang anak namin sa buwang ito at ayaw niyang mahati ang atensyon ng bata dahil sa paghihiwalay namin.
Pinakiusapan rin ako ng misis ko na buhatin ko siya katulad ng pagbuhat ko sa kanya noong bagong kasal kami, na gawin ko yon tuwing lalabas kami ng kwarto bawat umaga,sa loob ng isang buwan. Nababaliw na ata ang babaeng ito, pero para wala nang mahabang usapan, pumayag na lang ako.
Nagkakailangan pa kami pareho lalo na nang unang beses ko siyang binuhat muli, pagkatapos ng matagal na panahon.
Nang makita kami ng anak namin ay pumalakpak pa ito at biniro kami,”Uyyyyy…buhat ni papa si mama!”.
Nasaktan ako noon para sa anak ko, wala kasi siyang kaalam alam. Binuhat ko ang misis ko mula sa kwarto, sala, at hanggang sa pinto.
Pumikit siya at bumulong sa akin, “Please naman wag mo’ng sabihin sa anak natin na maghihiwalay na tayo…”
Tumango lang ako at ibinaba ko na siya sa pintuan.
Hindi na kami masyadong nagkakailangan nang pangalawang araw. Nakasandal siya sa dibdib ko at amoy na amoy ko ang pabango niya. Bigla kong naisip, matagal ko na pala siyang hindi natititigan. Hindi na siya bata tulad ng dati, may mga kulubot na ang kanyang mukha at may mga puting buhok na rin. Halatang hindi siya naging maligaya sa pagsasama namin, naitanong ko tuloy sa sarili ko kung ano ba ang nagawa ko sa kanya.
Sa ikaapat na araw na pagbuhat ko sa kanya, ewan kung bakit, pero parang naging malapit ako ulit kay misis. Ito ang babaeng nag alay ng sampung taon ng buhay niya, sa akin. Sa ikalima at ikaanim na araw, mas lalo akong napamahal ulit sa kanya, naging madali na para sa akin ang buhatin siya at parang ang bilis lang ng isang buwan. Nangayayat din pala ang misis ko.
Isang umaga nagising na lang ako sa katotohanang, sobrang nasaktan ko pala siya. Sobrang daming pait, hinanakit at pambabalewala ang naibigay ko sa kanya. Hindi ko naiwasang himasin ang ulo ng misis ko.. ang babaeng pinakasalan ko…
Nasa ganoong pag iisip ako nang pumasok sa kwarto ang anak namin, “Pa, buhatin mo na uli si Mama! “
Nakasanayan na ng anak namin ang makitang binubuhat ko ang mama niya tuwing umaga, sinenyasan ni misis ang bata na lumapit sa kanya at niyakap ito. Ibinaling ko sa iba ang tingin ko, dahil alam ko, natatakot ako, na baka biglang magbago pa ang isip ko. Binuhat ko na siya at pumulupot ang braso niya sa leeg ko, ang higpit ng hawakan naming dalawa, katulad noong araw ng kasal namin.
Huling araw na ng pagbuhat ko sa kanya at hirap na hirap akong humakbang. Ayoko na siyang pakawalan. Alam ko na kung ano ang gagawin ko, pinuntahan ko si Janine sa bahay niya para makipag usap.
“Sorry Janine, pero ayoko na’ng makipaghiwalay kay Dianne.” sabi ko sa kanya habang nakatungo.
“Siraulo ka!” pagkasabi non ay sinampal niya ako at sinaraduhan ng pintuan.
Ngayon malinaw na sa akin ang lahat, kung binuhat ko siya pauwi noong araw ng kasal namin, dapat ay panindigan ko rin ang sumpaan naming, ’til death do us part’. Bumili ako ng mga bulaklak para iuwi sa misis ko, at nang tanungin ako ng sales lady kung ano ang isusulat sa card?
“Bubuhatin kita tuwing umaga mahal ko, til death do us part.” sabi ko na may maaliwalas na ngiti.
Pag uwi ko, agad akong dumiretso sa kwarto, alam kong nandoon na siya sa bahay dahil bukas ang ilaw.
At tama naman ako, nakahiga siya sa kama at natutulog.
“Mahal…” masuyo kong tawag sa kanya.
“Huy, andito na ako.. mag usap tayo Dianne please?” walang sagot. Kinabahan na ako.. niyugyog ko siya, palakas nang palakas.
“Dianne?”
Parang pinagbagsakan ako ng langit at lupa nang kapain ko ang pulso niya at wala nang tibok ito.
Dinala ko siya sa ospital, pero wala na. May cancer pala siya, at inilihim niya iyon sa akin. Ilang buwan niya nang nilalabanan ang sakit, pero masyado akong busy kay Janine at hindi ko man lang napansin.
Alam niya, alam ni Dianne na hindi na siya magtatagal at alam kong ayaw niya akong masira sa anak namin. Sa mata ng anak namin, isa pa rin akong mabuting asawa na binubuhat ang mama niya tuwing umaga. Hanggang sa huling sandali ako pa rin ang inisip ng misis ko.
Walang kasing sakit ang nararamdaman ko ngayon, para bang huli na sa akin ang lahat, pinakawalan ko ang babaeng nagmahal sa akin dahil naging makasarili ako.
Ang maliliit na bagay sa buhay namin, na akala ko noon ay boring at walang kwenta, yun pala ang mas mahalaga. Hindi ang malaking bahay, hindi kotse, hindi pera. Oo at mapapasaya tayo nito panandalian, pero yung ligaya sa mismong puso? Wala. Walang makakapagbigay non kundi ang pamilya mo lang.