Inday TrendingInday Trending
Ginamit ng Babaeng Ito ang Kahirapan Para Makapangburaot sa mga Kaibigan Ngunit Hindi Niya Inaasahang Mahuhuli Siya sa mga Kalokohan at Ito’y Kaniyang Pagsisisihan

Ginamit ng Babaeng Ito ang Kahirapan Para Makapangburaot sa mga Kaibigan Ngunit Hindi Niya Inaasahang Mahuhuli Siya sa mga Kalokohan at Ito’y Kaniyang Pagsisisihan

“Sheena! Sige naman na oh, pautangin mo na ako, babayaran naman kita sa sahod ko, talagang gipit lang ako ngayon,” pahayag ni Jessa sa kaibigan.

“Naku pasensya ka na Jessa, talagang gipit rin ako ngayon e,” baling naman ng babae.

“Hala! Napakasinungaling mo naman, friend! Tignan mo nga itong pitaka mo, may limang libo ka pa. Ito nga’t may dollars ka pa sa wallet. Para 500 lang di mo pa ako mapahiram e alam mo namang wala akong ibang malalapitan, grabe ka sa akin!” saad ni Jessa na tila siya pa ang galit.

Walang nagawa si Sheena kundi bigyan ng 500 si Jessa dahil ayaw na niyang mapahiya pa sa kaibigan at ayaw niyang makapagsalita ng hindi maganda.

“Ate Lanie! Si Jessa nangutang na naman sa akin kanina,” sumbong ni Sheena sa kaibigan.

Pito silang magkakaibigan at si Sheena ang pinakabata at ang pinaka may kaya ang pamilya. Samantalang si Lanie naman ang pinakamatanda, lahat sila ay magkakaklase sa kolehiyo at tanging si Jessa lamang ang nagtratrabaho.

“Pinautang mo naman? E hindi pa nga bayad yun sa’yo dun sa nakaraang utang niyang 1,000 diba?” tanong ni Lanie.

“Anong magagawa ko e kinuha na niya ang pitaka ko at binuklat ang laman. Napagsabihan pa nga akong sinungaling e, kilala mo naman ako ate, ayokong nagsasalita ng masama sa kapwa, kaya binigyan ko na lang,” saad naman ni Sheena.

“Kapag hindi ka nagsalita e aabusuhin ka ng aabusihin nun! Kapag ako hindi nakatiis sa pagiging buraot niya e talagang mapapahiya na siya sa akin!” sambit naman ni Lanie.

Sa magkakaibigan ay parating si Jessa lamang ang nagpapalibre. Parati niya kasing ginagamit ang pagiging mag-isa niya rito sa Maynila kaya parating kapos ang sweldo niya at nahihirapan na ring suportahan ang sarili sa pag-aaral.

“Guys, hihinto na lang ako sa susunod na taon. Talagang hindi ko na kaya e, nahihiya na ako sa kakalibre niyo sa akin,” saad ni Jessa sa mga kaibigan.

“Hala sayang naman! Isang taon na lang e magtatapos na tayo! Sayang ang talino at paghihirap mo!” wika ni Tintin.

“Ayos lang naman na nililibre ka namin sa pagkain, kaya pumasok ka pa rin! Kami na ang bahala sa’yo!” dagdag pa ni Sheena na lubos na naawa sa kaibigan.

“Pero sana naman magbayad ka ng mga utang mo pagkatapos ha, Jessa?!” matigas na tanong ni Lanie. Pasimple naman siyang tinapik ni Sheena para tumigil na.

“Huwag kayong mag-alala, kapag nakapagtrabaho ako ay babayaran ko kayong lahat. Utang na loob ko sa inyo ang magiging diploma ko!” saad naman ni Jessa habang tumutulo ang kaniyang mga luha.

Kaya naman imbes na magalit sa kaibigan ay tinulungan nila ito para sabay-sabay silang makapagtapos. Binibigyan nila ng pamasahe ang dalaga at nililibre sa pagkain. Halos wala nang ginagastos si Jessa sa paaralan dahil kahit mga simpleng ambagan ay sinasagot na rin ng mga kaibigan.

Isang sabado habang nasa mall sina Sheena at Lanie ay natanaw nila si Jessa sa isang mamahaling restawran na kumakain.

“Grabe! Yan ba yung walang pera? E ang mahal mahal ng menu diyan! Puntahan kaya natin at sugurin?! Halos ikaw na ang bumubuhay diyan sa eskwela tapos ganyan siya pag hindi tayo kasama?” naiinis na wika ni Lanie.

“Huwag! Baka naman matagal na siyang nag-ipon at gusto niyang kumain diyan. Lahat naman tayo gustong makalasap ng magandang buhay e, hayaan mo na,” pigil naman ni Sheena sa kaibigang susugod na.

“Teka, teka. Makikita natin kung totoo ‘yan, tawagan natin siya!” wikang muli ni Lanie sabay labas ng telepono at tinawagan nila ang kaibigan, inilagay niya sa loud speaker para marinig rin ni Sheena ang sasabihin.

“Ohh-ohh, Ate Lanie, napatawag po kayo?” tanong ni Jessa na umubo.

“Oh, bakit may ubo ka?” tanong ni Lanie na nagkunwaring nag-aalala.

“Ah, wala pa ho kasi akong kain, sumasakit ang sikmura ko. Ganito kasi ‘pag walang pasok, wala rin po kasing nagpapakain sa akin, di tulad pag nasa eskwela ako’y naroon kayo. Nakakahiya man pero yun ang totoo, noodles lang ang kinakain ko sa bahay. Ngayon nga e magluluto pa lang ako ng noodles ulit,” sagot ni Jessa sa kaibigan.

Gigil na gigil si Sheena sa narinig,

“Jessa, gusto mo bang mag-mall tayo?! Si Sheena ito. Yayain ka sana naming kumain.”

“Ah, ganun ba? Naku wag na nakakahiya naman sa’yo. Masama kasi ang pakiramdam ko e, pero baka naman pwede mong i-smart padala na lang yung pangkain ko? Kahit ngayon lang Sheena, oorder na lang ako, oho-ho,” sambit muli ni Jessa at umubo.

“Sige sige, magpapadala ako ng pera! Wag kang mag-alala, alam mo namang mahal na mahal ka namin! Bye!” sagot ni Sheena sabay baba ng telepono.

Galit na galit si Sheena sa natuklasang baho ng kaniyang kinaaawaang kaibigan. Kaya naman pumasok sila ni Lanie sa loob at tumayo sa likuran ni Jessa.

“Mabuti na lang talaga mahal na mahal nila ako. Para ‘yong pera ko e maipangshoshopping ko pa mamaya! Magpapadala na naman si Sheena sa akin!” sambit pa ni Jessa sa sarili sabay subo sa kinakain.

Umupo bigla ang dalawa sa harapan ng babae at halos maduwal si Jessa nang makita ang mga kaibigan at gulat na gulat ito.

“Sheena, Ate Lanie? Magpapaliwanag ako!” bulalas ni Jessa.

“Hindi na kailangan dahil kilang-kilala ka na namin ngayon,” sagot ni Sheena sabay tayo sa upuan nito at umalis.

Simula noon ay hindi na siya pinansin pa ng mga kaibigan, hindi na rin pinabayaran sa kaniya ang mga utang dahil ayaw na nilang makarinig pa ng kahit anong kasinungalingan mula sa babae.

Nakapagtapos naman silang lahat ngunit napagtanto ni Jessa na masakit palang mawalan ng mga tunay na kaibigan.

Advertisement