Isinumpa ng Dalagang Itong Hindi Siya Magnonobyo Dahil Manloloko Daw ang Lahat ng Lalaki, Susugal Kaya Siya Kapag si Kupido na ang Pumana ng Puso Niya?
Tanghaling tapat at kakauwi lamang ni Annabel mula sa kaniyang night shift na trabaho sa call center at naabutan niyang nag-aaway ang kaniyang mga magulang.
“Huwag mo kaming iwan ng mga anak mo, Danny!” sigaw ni Aling Melody.
“Danny, parang awa mo na! Huwag mong gawin sa akin ito, tatanggapin ko na lang na may kabit ka basta’t huwag mo lang kaming iwan!” saad pang muli ng ale habang yakap yakap niya ang asawa at nagmamaka-awang pinipigilan ang lalaki. Ngunit hindi nagsalita ang mister niya at binitbit ang mga gamit nito saka umalis.
Naiwang luhaan ang kaniyang ina at doon nagsimula ang pagkawala niya ng tiwala sa lahat ng lalaki.
“Gets na nga namin girl, ang amin lang naman ay wag mong lahatin yung lalaki kasi meron at meron pa rin namang matino sa mundo kahit papano,” saad ni Candy. Katrabaho at matalik na kaibigan ng dalaga.
“Basta, hindi ako magjojowa kasi magpapakatandang dalaga na lang ako. At least wala akong aalalahaning sakit sa ulo,” sagot ni Annabel sabay pose at nagpacute pa sa kaibigan.
“So kahit inlababo ka kay Abel ay ipagsasawalang bahala mo na lang? Kahit na alam mong type at ipaglalaban ka rin ng tao? Give chance girl, sumugal ka!” wika ni Candy.
“Lolokohin lang ako ni Abel. Tignan mo naman, Mr. Kupido yun dito sa opisina at sino ba ako para mapatino siya? Paglalaruan lang ako nun at idadagdag sa listahan niya ng babae kaya hindi na lang,” baling namang muli ni Annabel sa kaibigan.
Matagal nang nanliligaw ang binatang si Abel sa kaniya at sa loob ng dalawang taong panunuyo nito ay nakita naman niya ang totoong intensyon at malinis na puso ng lalaki. Kaya nga lang hindi pa rin niya maibigay ang pinaka-iniingatan niyang puso ay takot pa rin siyang sumugal sa pag-ibig at sa mga lalaki.
Aminado si Annabel sa kaniyang sarili na gusto niya si Abel, gustong-gusto at nakikita na rin niya ang sarili na kasama ito hanggang sa tumanda sila.
Halos dalawang taon na rin siyang walang balita sa kaniyang amang nangibang bahay.
“Ma, mukhang napapadalas ang labas niyo a?” tanong ni Annabel sa kaniyang ina.
“Naku ate, mukhang huli ka na naman sa balita. Nagkikita na naman sila ng tatay,” wika naman ni Emerson ang sumunod na kapatid ng dalaga.
“Hindi pa ba kayo nauuntog ha ma? Kelan ba kayo magigising sa katotohanang lolokohin lang kayong ulit ng lalaking iyon? Tatay namin siya oo, pero nawala na ang tiwala namin sa kaniya dahil sa paulit-ulit niyang panloloko sa inyo ma!” galit na wika ni Annabel.
“Kayong mga bata kayo, tigilan niyo nga ako. Trabaho ang pinagkakaabalahan ko at hindi ang tatay ninyo,” baling naman ni Aling Melody.
“Naku mama, pag ako lang talaga ang nakakita sa inyo ng tatay namin dati ako mismo ang hihila sa inyo pauwi,” wikang muli ni Annabel saka umalis ng bahay para pumasok sa trabaho.
Nagulat naman siyang naabutan niya si Abel sa labas ng opisina at may dala itong bulaklak.
“Huwag ngayon, parang awa mo na. Wala ako sa mood,” mabilis na saad ni Annabel sa lalaki at lumihis muna sa kabilang kanto para manigarilyo.
“Annabel, hanggang kailan mo ba ako gaganituhin? Hanggang kailan ko papatunayan sa’yong hindi kita paglalaruan? Hanggang kailan ako maghihintay na sumugal ka naman sa akin kahit minsan lang?” pahayag ni Abel sa dalaga habang sinusundan ito sa paglalakad.
“Ano ba ang gusto mo sa akin? Makuha ang pagkababae ko? Maipagyabang na nakukuha mo ang lahat ng babaeng gusto mo? Tapos ano? Pag sawa ka na, pag may nakita kang iba, pagsasabayin mo kami at kapag pakiramdam mo mas sasaya ka sa kaniya, iiwan mo na lang akong luhaan?” galit na galit na tanong ng dalaga sa lalaki.
“Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang galit mo, noong nakaraan lang ay okay tayo. Akala ko kahit papaano ay handa ka nang sumugal sa akin pero ito ka na naman ngayon, sobrang tigas na naman ng puso mo at sobrang negatibo ng pag-iisip mo. Hindi pa ba sapat ang lahat ng pinakita ko sa’yo na hindi lahat ng lalaki ay katulad ng tatay mo, subukan natin, subukan nating lumaban na magkasama sa taksil na mundong ito,” pahayag naman ni Abel saka ibinigay sa kaniya ang bulaklak at umalis ang lalaki.
Doon napagtanto ni Annabel na kaarawan ng lalaki at pumayag siyang lumabas kasama ito para sana kumain ngunit pati pala buhay ng ibang tao ay nasisira na niya ng dahil lang sa galit sa ama.
Lumipas ang isang linggo at hindi siya kinausap ng lalaki, labis mang nasasaktan ang kaniyang puso pero mas mahalaga ang pride at paninindigan niya.
“Ma, bakit binabalikan mo pa rin si papa kahit na paulit-ulit ka niyang niloloko? Hindi ka ba nasasaktan?” tanong ni Annabel sa kaniyang ina.
“Nasasaktan, pero alam mo anak, hindi mo maiintindihan ang pag-ibig kasi magulo talaga siya. Kahit nga akong matanda na ay hindi pa rin matuto-tuto. Yung pag-ibig namin ng tatay mo ay tinatawag kong MATIYAGANG PAGHIHINTAY. Pasasaan ba’t sa akin rin babalik iyong tatay mo at kami ang magsasama hanggang sa tumanda kami,” nakangising sagot ni Aling Melody.
“Syempre anak hindi okay ang lokohin ka, pero para sa akin kahit ganoon ang tatay mo ay hindi ko siya susukuan. Kasi ang tunay na kaligayan ng tao ay nakadepende kung hanggang saan mo kayang sumugal, kaya mga broken family kasi talagang hanggang doon lang ang kaya nila at meron namang mga katulad kong ganito, keep on fighting and praying. Hindi ko sinusukan ang pag-ibig kasi dun ako masaya, marami man akong masasakit na salitang naririnig pero aanhin ko naman ang opinyon nila kung alam ko naman sa sarili ko na hindi ko sila naaabala.”
“Isa pa, sa relasyon walang perpektong tao. Lahat nagkakamali kaya dapat bigyan mo rin ang sarili mo ng kaunting kwarto kung saan handa kang tanggapin kung ano man ang mga pagdadaanan niyong pagsubok at higit sa lahat ay matutunan mong lumimot at magpatawad,” dagdag pa ng ale.
“So inaamin mo ngang nakikipagkita ka ulit sa tatay namin!?” galit na baling ng dalaga sa ina at nginitian lamang siya ng ale.
Doon niya napagtanto na kahit ang pag-ibig ay hindi perpekto at permanente kaya naman agad niyang pinuntahan si Abel sa bahay nito.
“Nandito ka na naman ba para maglabas ng sama ng loob o nandito ka na naman para bastedin ako?” malungkot na saad ng binata nang makita ito sa labas ng kanilang gate.
Agad na binuksan ni Annabel ang gate at tumakbo sa lalaki sabay yakap dito.
“Itataya na kita Abel, susugal ako sayo. Sana ingatan mo ako,” bulong ng dalaga at labis na saya ang naramdaman ng lalaki at binuhat ito at nagsisisigaw.
Alam ng dalaga na sa desisyon niyang iyon ay maraming pwedeng luha ang masayang at tiwala na paulit-ulit na masusubukan pero magkasama naman nila itong lalagpasan. Ngayon bilang magkasintahan at baka sa susunod na mga taon ay mag-asawa na rin ng tuluyan.
Lumipas pa ang ilang taon at bumalik ang kanilang tatay sa kanilang nanay. Doon niya nakita na buong puso itong pinatawad ng kaniyang ina at kitang-kita niya ang kakaibang saya at ngiti sa ale, iba nga daw talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Habang sila naman ni Abel ay getting stronger ang peg at ngayon ay nagplaplano nang magpakasal.