Inday TrendingInday Trending
Hindi Nagustuhan ng Anak ang Ipinamana sa Kanya ng Sumakabilang Buhay na Ina; Ito Pala ang Kukompleto sa Buhay Niya

Hindi Nagustuhan ng Anak ang Ipinamana sa Kanya ng Sumakabilang Buhay na Ina; Ito Pala ang Kukompleto sa Buhay Niya

Tatlong magkakapatid sila Victor, Mina at Inday. Maganda ang turingan nilang magkakapatid sa isa’t isa. Noong mga bata pa’y lagi silang magkakasama at tabi-tabi pa kung matulog. Nagkahiwahiwalay na lamang sila nang magkaroon na ng sari-sariling pamilya si Lino at Mina. Si Inday naman ay nanatiling dalaga.

Siya ang nag-alaga sa kanilang ina mula nang magkasakit ito at kinailangan ng mag-aalaga. Si Victor ay isang seaman. Si Linda naman ay may negosyo sa Maynila. Minsan ay napapagod na rin si Inday dahil walang humahalili sa kaniya sa pag-aalaga sa ina ngunit wala itong magawa. Iniisip na lamang niya na responsibilidad niya ito bilang anak. Lagi niya itong binabasahan ng libro, kinakantahan at minsan ay sinasayawan pa. Ginagawa niya ang lahat para mapasaya ang ina.

Nang pumanaw ang kanilang ina ay labis na nalungkot si Inday. Nag-uwian ang kaniyang mga kapatid at pamilya sa kanilang bahay. Iniayos nila ang burol at libing ng kanilang yumaong ina. Pagkatapos ng libing ay kinausap sila ng abogado ng kanilang pamilya.

Binasa ng abogado ang huling habilin ng ina. Kay Victor mapupunta ang pinakamalaking bahagi ng lupain nila na may taniman ng mga prutas. Ito talaga ang nais ni Victor dahil gusto niya ring magkaroon ng negosyo sa Pinas. Kay Mina naman mapupunta ang lahat ng alahas ng ina kabilang dito ang mamahaling gintong kuwintas na may kasamang diamante na iniregalo dito ng kanilang ama noong ito’y nabubuhay pa. At para naman kay Inday ay may iniabot na susi ang abogado. Kinuha ito ni Inday.

“Teka, alam ko yata kung para saan ang susi na ito ah?” Sabi Inday.

Tumakbo papunta ng kuwarto si Inday at kinuha niya ang isang kahon na nakakandado. Naisip niya na maaring may mga alahas rin siya o pera. Siya ang nagpakahirap sa kaniyang ina kaya alam niya na mabibigyan siya nito ng higit pa sa natanggap ng mga kapatid. Binuksan niya ang kahon at isang libro lamang ang laman.

Ang mabait at matiising si Inday ay biglang nagalit.

“Ano?! Ito lamang ang makukuha ko na kapalit ng lahat lahat? Ano yun? kayo yung wala nung mga panahong nahihirapan siya pero kayo ang binigyan ng magandang mga pamana?!”

Pakiramdam niya ay hindi ito tama. Inisip niya na may kinalaman ang kaniyang mga kapatid kaya ganito lamang ang napunta sa kaniya. Sa galit ay minura niya at nilayasan ang mga ito. Nagulat naman si Victor at Mina sa reaksyon ng bunsong kapatid.

“Mukhang hindi niya talaga nagustuhan ang nangyari, dapat siguro ay sabihin na natin sa kaniya ang totoo.” Wika ni Victor.

“Hindi ko inaakala na magiging ganyan ang reaksyon niya. Nakakagulat talaga. Hindi naman siya ganyan eh.” Wika ni Mina.

“Hayaan niyo muna ang inyong kapatid at malalaman rin niya ang totoo. Kilala niyo siya at alam niyo kung gaano niya kayo kamahal. Mahal na mahal rin niya ang inyong ina kaya imposibleng magalit ito. Saksi ako kung paano niya asikasuhin ang inyong nanay. Babalik rin agad ang batang iyon.” Wika ng abogado.

Nagpunta si Inday malapit sa may dalampasigan kung saan niya laging dinadala ang kaniyang ina. Naalala niya ang mga sandali na nagkukwentuhan sila tungkol sa kakulitan ni Inday nung bata pa siya at kung paano niya kulitin ang mga kapatid. Naalala niya ang init ng kamay ng kaniyang ina at malalambing na ngiti nito na akala mo ay walang sakit na nararamdaman.

Natauhan si Inday sa kaniyang inasal sa mga kapatid. Binuksan niya ang libro at may biglang pumatak na susi mula rito. Hinawakan niya ang susi at alam niyang ito ang susi ng kanilang bahay. Binasa niya ang nakasulat sa libro, ito pala ay liham ng kaniyang ina para sakaniya.

Mahal kong bunso,

Labis akong nagpapasalamat sa pag-aalaga mo sa akin. Mula nung maliit ka pa, alam kong ikaw na ang makakasama ko sa aking pagtanda. Hindi ako nagkamali na tanggapin kita sa aking buhay.

Anak ko, ako ang iyong ina. Hindi man ako ang nagluwal sa iyo pero ikaw naman ay galing sa aking puso.

Pagpasensyahan mo na kung ikaw ang laging nagpapalit ng salawal ko, kung ikaw ang nagpapakain sa akin. Pasensya ka na kung hindi ka na nakabuo ng sarili mong pamilya dahil sa akin.

Ikaw kasi ang bunso ko, gusto ko ikaw ang aking kasama dahil iba ang sayang dulot mo sa akin. Humahanap din ako ng pagkakataong sabihin sa iyo ang totoo pero natakot ako. Takot akong makita sa mga mata mo ang mga tanong. Baka kasi maramdaman ko sa’yo na hindi na totoong ina ang turing mo sa akin. Hindi ko kaya, bunso ko.

Dinaan ko na lang sa ganito. Dito ko na isinulat sa librong paborito mong basahin sa akin. Ilang araw mo na itong hinahanap, pasensya na at itinago ko.

Napagdesisyonan namin ng mga kapatid mo na sa iyo ibigay ang bahay natin. Alam nila na ikaw ang karapat-dapat para dito. Mahal na mahal ka ng iyong mga kapatid. Malaki ang ating bahay, medyo luma na pero alam ko maaalagaan mo ito dahil galing ito sa akin. Aalagaan mo ito dahil mahal mo ang ating mga alaala.

Hanggang dito na lang kasi aakyat ka na maya-maya para palitan ang sapin ko na basa na naman.

Mahal na mahal kita, bunso ko.

Nagmamahal, Inay

Iyak ng iyak ang nagluluksang si Inday. Gusto niyang maramdaman ang yakap ng kaniyang ina. Nais niyang magpasalamat sa maayos na pagpapalaki sa kaniya at sa walang kapantay na pagmamahal. Nagsisisi rin siya sa kaniyang mga nasabi sa kaniyang mga kapatid.

Ilang sandali pa ay narinig niya ang boses ng kaniyang kuya. Nilingon niya ito at nakita ang kaniyang dalawang kapatid. Tumakbo si Inday at yumakap agad sa mga ito. Humingi siya ng tawad sa nagawa. Labis labis rin siyang nagpapasalamat sa magandang buhay na meron siya dahil hindi niya naramdaman sa mga ito na ampon lamang siya.

Advertisement