Galit na Galit ang Ama sa Tuwing Umiiyak ang Anak na Lalaki, Hindi Niya Alam na mas Matapang Pa Ito sa Kanya
Paniniwala ni Mang Ernesto na ang pag-iyak ng isang lalaki ay pagpapakita ng kahinaan. Kaya naman sa tuwing nakikita niya ang binatang anak na lalaking umiiyak, palagi niya itong sinisigawan at pinagagalitan.
“Raymond! Bakit ka na naman umiiyak?” tanong ng amang si Ernesto sa anak. Nakita niyang nakaupo ito sa kanilang labas at panay ang ngawa.
“Papa! Ang aso ko po kasi.. Wala na si Blackie. Nasagasaan po ng kapit bahay natin,” humihikbing sagot ng labing-anim na taong binata.
“Ha? E bakit umiiyak ka? Binabae ka ba?! Tumayo ka d’yan at pupuntahan natin ang sumagasa sa aso mo. Hindi iyong nagmumukmok ka d’yan! Mapatikim ng kamao!”
“Ernesto! Ano ka ba naman? Normal lang naman na maiyak ang tao kapag nawalan ng mahalaga sa buhay, hindi ba?” sabat ng awang-awang inang si Elmira. Palagi na lamang niyang naaabutan na ganito ang sitwasyon ng kanyang mag-ama.
“Ayan! Sige. Kunsintihin mo pagiging iyakin ng anak mo. Kaya nagiging malambot ‘yan e! Bahala kayo d’yan at mag-iyakan na lang kayo,” galit na galit na sagot ni Ernesto.
Agad niyakap ni Elmira ang anak.
“Pagpasensiyahan mo na ang papa mo. Ganyan kasi siya napalaki ng lolo mo e. Ang kwento pa nga niya sa akin noon, sa tuwing nakikita siyang umiiyak ng lolo mo ay agad siyang paluluhurin sa pinagsamang monggo at asin. Halos dumugo na nga raw ang tuhod niya. Kaya naman lumaki raw siyang tigasin at matapang,” malumanay na paliwanag ni Elmira sa anak.
Pigil na pigil na ang pag-iyak ng binata. Halos apat na taon na niyang alaga si Blackie. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit galit na galit ang ama noong naiyak siya sa pagkawala nito.
Isang gabi, nagyaya ng inuman si Ernesto sa kanyang mga barkada. Malalaki ang katawan, matitipuno, at mukhang matatapang ang mga ito. Hindi naiwasan ni Ernesto na gawing katatawanan ang pagiging iyakin ng kaniyang binatilyong anak sa harap ng mga kainuman.
“Raymond! Raymond! Halika dito,” agad namang lumapit ang binata sa kanyang ama.
“Paano ba patitigasin itong batang ito? E lahat ng bagay, iniiyakan e! Binabae ata ito e!”, ‘ika ni Ernesto. Sabay-sabay namang naghagalpakan sa tawa ang mga kainuman niyang maton.
“Nako! Mahirap ‘yan! Paano mo ipagtatanggol ang mga kababaihan sa buhay mo tulad ng iyong ina kung iyak ang inuuna mo?” nang-aasar na tanong ng isa sa mga barkada ng kanyang ama.
Pahiyang-pahiya si Raymond. Aalis na sana siya upang bumalik sa kanyang silid, nang biglang magtayuan ang limang maton kasama ang kanyang ama.
“Tol! Pucha, ipis! Ipis! May ipis!”
Pinigilan ni Raymond ang pagtawa niya. Nakakaaliw tingnan ang matatapang at malalaking katawan na mga lalaking ito na hindi mapakali nang may makitang dalawang ipis na gumagapang. Lalo na noong nagsimula nang lumipad ang mga ipis, halos maihi sa takot ang mga ito.
Hindi na nagsalita si Raymond at kumuha ng tsinelas upang hampasin ang dalawang maliit na ipis. Para na rin matigil ang pagkukumpulan ng ama at kanyang mga kainuman.
“Hahahaha! Nakakatawa kayo! Ang laki niyong mga bulas pero takot kayo sa ipis! Pinagtatawanan ninyo palagi ang anak ko, e siya pa ang matapang na humarap sa maliliit ninyong kaaway,” naluluha na sa katatawa ang misis ni Ernesto.
Lumipas ang mga araw at ganoon pa rin ang pakikitungo ni Ernesto sa anak. Ngunit lahat ay nagbago nang dahil sa isang pangyayari.
Sumakay sa isang van ang mag-asawang si Ernesto at Elmira kasama ang anak na si Raymond. Pauwi na sila sa kanilang bahay galing sa kaarawan ng matalik na kaibigan ni Elmira. Tahimik lamang sa loob ng FX nang biglang may sumigaw ng napakalakas.
“Holdap ito! Walang kikilos! Ibigay ninyo lahat ng gamit niyo sa akin. Kung hindi, makakatikim kayo,” pagbabanta ng isang lalaki. May hawak itong baril sa kanyang kaliwang kamay.
Nang hinihingi na ang bag ni Elmira, imbis na ibigay ay nanlaban pa ang ginang. Biglang pinukpok ng baril sa ulo ng holdaper ang kaawa-awang ina. Agad naman itong nawalan ng malay at napahiga sa kanyang asawa.
“Elmira? Elmira?? Asawa ko!” tulo nang tulo ang luha ni Ernesto nang makitang dumudugo ang sintido ng asawa. Hindi na rin ito sumasagot kahit ilang beses niyang subukang gisingin. Halata namang kayang-kaya niyang patumbahin ang patpating holdaper, kaya’t hindi maintindihan ng anak nilang si Raymond kung bakit hindi magawang lumaban ng kanyang ama. “Papa! Papa! Si Mama!” sigaw nang sigaw si Raymond sa kanyang ama ngunit iyak lamang ito nang iyak.
Naisip ni Raymond na kung hindi siya gagawa ng paraan ay maaaring hindi na umabot ang kanyang ina sa ospital upang mabigyan ng agarang lunas. Kaya naman napagdesisyunan niyang siya na ang aaksyon.
Habang umiiyak, agad sinubukan ni Raymond na dambahin ang nakatalikod na holdaper. Pinukpok niya ito ng kanyang cellphone sa ulo. Kahit alam niyang delikado, agad niyang pinilit agawin ang baril na hawak nito.
Natauhan ang amang si Ernesto nang makita ang anak na nakikipag-agawan na ng baril sa lalaki. Agad niya itong tinulungan at madaling naagaw ang hawak nitong baril.
Dali-daling tumawag ng pulis ang iba pang pasahero ng FX. Agad inaresto ang patpating binata, at dinala naman sa pinakamalapit na ospital ang kawawang si Elmira.
Umiiyak na naman ng lubos si Raymond habang naghihintay na matapos ang doktor sa pag-gamot sa kanyang ina. Ngunit natigil siya nang makita ang ama na nakatingin sa kanya.
“Sorry po, papa. Titigil na po ako sa pag-iy…” hindi pa natatapos ni Raymond ang sasabihin nang nagulat siya sa biglang pagyakap sa kanya ng kanyang ama. Napakalakas ng hagulgol nito.
“Pasensiya ka na, anak. Maraming salamat sa katapangang ipinakita mo kanina. Nalunod ako ng aking emosyon. Pasensiya ka na, anak. Pasensiya na sa lahat ng nagawa kong pamamahiya sa iyo kapag umiiyak ka. Ang tatay ko kasi noon…”
“Papa, naikwento na po sa akin ‘yon ni mama. Naiintindihan ko po.”
“Pero nagkamali ako, anak. Patawarin mo ako. Hindi sukatan ng pagkalalaki ang pagpapakita ng emosyon. Pangako, hinding-hindi na kita kukutyain nang dahil sa pagiging mababaw ng iyong luha.”
Nagyakapan ang mag-ama. Sakto namang dumating ang doktor na may dalang magandang balita. Hindi naman pala napuruhan ang ina ni Raymond, at agad itong nagkaroon ng malay nang madala sa ospital. Sabay pang tumulo ang luha nag mag-ama sa labis na kaligayahan.
Simula noon ay hindi na niya ginawang sukatan ng pagkalalaki ang pag-iyak at pagpapakita ng emosyon ng isang lalaki.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!