Napagpasyahan ng Lalaking Nag-aadik na Magbagong Buhay Matapos Malaman Kung Sino ang Idol ng Anak
Pitong taon na sa abroad ang misis ni Jay. Umuuwi lang ito sa Pilipinas tuwing may okasyon. Kapag Pasko, o kaya naman ‘pag birthday ng isa sa tatlo nilang anak. Labag man sa loob ng babae ay kailangan nitong kumayod dahil masyadong mahina ang loob ni Jay para mag-apply. Kapag hindi ito natanggap sa isang trabaho ay dadamdamin na nito iyon at matatagalan pa bago muling sumubok.
Hindi naman maaari iyon dahil may mga anak silang magugutom, kaya ang babae na lang ang nakikipagsapalaran sa abroad. Tinitiis na mangamuhan, nag-aalaga ng anak ng iba, napapaiyak minsan kasi ay hindi niya magawang maalagaan ang sarili niyang mga anak.
Ang kanilang panganay na si Joeryl ay 12 taong gulang, 9 naman si Jacob at bunso si John Mark na 6 taong gulang. Ang mga bata ay naaalagaan ni Jay sa tulong ng kanyang byenan. Masasabing ayos naman ang buhay ng mag asawa pero may lihim ang lalaki, lulong siya sa droga. Inalok lang siya ng isa sa mga kumpare noon, nung una ay ayaw nya pero kalaunan ay nahikayat na rin siya nito.
“Mahirap namang mamatay nang hindi mo sinusubukan ang lahat, diba pare?” natatandaan niyang pangungumbinsi ng kanyang kaibigan. Nangako si Jay na hindi siya malululong at titikman niya lang talaga. Ang pagtikim na iyon ay nauwi sa paminsan-minsan, kung anu anong dahilan; pag masama ang loob niya sa misis, pag nadidismaya siya sa buhay. Hanggang di niya namamalayan na ang paminsan-minsan ay humantong na sa di niya mapigilan.
Ito kasi ang kinakapitan niya sa mga oras na nawawalan na siya ng pag-asa sa buhay. Kapag pakiramdam niya ay inutil siya sa kanyang pamilya. Isang singhot lang ay nalilimutan niya ang lahat, kadalasan ay sa loob pa ng bahay niya ginagawa ang kasalanan, kapag himbing sa tulog ang mga anak.
Isang hapon, naabutan ni Jay na gumagawa ng assignment ang bunsong si John Mark, tila ba nagda-drawing ito. Seryosong-seryoso ang bata habang nakatitig ang mga mata sa iginuguhit nitong larawan.
“Nak, ano yan?” tanong niya rito.
“Papa, i-drawing daw po kung ano ang gusto kong maging, paglaki ko.” sabi ng bata. Pilit tinitigan ni Jay ang iginuhit ng bata, kung gusto ba nitong maging doktor, sundalo, o teacher, tulad ng tipikal na pangarap ng mga bata sa edad nito. Pero sadyang di niya maintindihan dahil ang larawan ay isang mahabang bagay, ilang piraso noon; mayroon ding kandila at tila ba posporo ang isa pa.
“Anak ano ba yan? Gusto mo bang maging pari, kaya may kandila?” sabi niya sa bata.
“Hindi Papa. Iyan po ang kandila mo, at itong mahaba yan po yung palagi mong hawak na makintab na bagay kapag naaalimpungatan ako sa gabi at gising ka po sa salas. Ikaw yan papa, idol po kita kaya gusto kong maging katulad mo paglaki ko.” inosenteng sabi ng bata.
“A-anak, h-hindi. Hindi ka pwedeng maging katulad ko. Wag m-mo akong gayahin anak.” nangangatal na sabi ni Jay, para siyang pinagsakluban ng langit at lupa.
“Bakit papa? Ikaw po ang nag-a-asikaso sa amin nina Kuya, mahal mo kami. Binubuhat mo po ako kapag tulog na ako, pinagtatanggol kami palagi. Pinagluluto at inaalagaan. Ikaw ang super papa. Pag wala ka po, wala rin kami. Kaya nga idol kita, gusto ko maging katulad mo paglaki ko.”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Jay, tila ba nabigo siya bilang isang ama. Masyado siyang nagpadala sa kabiguan sa buhay, nalimot niyang may mga mata palang tumitingala sa kanya.
Ang mga salitang iyon ay humaplos sa puso niya at tila nagbigay ng panibagong pag asa, na hindi walang kwenta ang buhay niya at hindi totoong hindi na siya makakaahon.Siya ang tinitingala ng kanyang mga anak kaya gusto niyang maging karapat-dapat para sa mga ito. Pinauwi niya ang misis mula sa abroad at ipinagtapat dito ang katotohanan. Napaiyak ang babae pero nangako itong tutulungan siya, ipinasok siya nito sa rehab.
Makalipas ang dalawang taon.
Sinindihan ni Jay ang kandila, dahan-dahan siyang naglakad. Kailangan di siya makita ng kanyang mga anak, kung hindi ay sira ang lahat ng plano nya. Pero bigo siya, dahil papalapit palang siya ay napalingon na ito at sinugod siya, nanlaki ang mga mata. Muntik pa tuloy mataob ang cake na hawak niya.
‘O! Teka muna, kakanta muna ng happy birthday bago mo i-blow ang candle anak!” natatawang sabi niya. Mula nang makalabas siya sa rehab ay nagbago na ang lahat, ang naipon nila ay ipinangpatayo ng maliit na negosyo na siyang pinamamahalaan ng kanyang misis.
Siya naman ay nag apply na sa trabaho, ilang beses na hindi natanggap dahil sa kanyang nakaraan pero di sumuko si Jay alang alang sa mga anak. Habangbuhay niyang paninindigan, sa siya ang Super Papa ng mga ito.