Inday TrendingInday Trending
Masama ang Ugali at Napakaganid ng Matanda sa Pera; Wala Siyang Nagawa nang Bumalik sa Kanya ang Lahat ng Kasamaan Niya

Masama ang Ugali at Napakaganid ng Matanda sa Pera; Wala Siyang Nagawa nang Bumalik sa Kanya ang Lahat ng Kasamaan Niya

Mayaman si Aling Belita at tanyag ang kanyang pangalan sa mga tao. Kilala siya na nagpapatubuan at nagpapautang sa mga taong may pangangailangan, subalit kahit na ganoon ay nagtataglay siya ng napakasamang pag-uugali.

Labis-labis kung magpatubo ang babae sa mga nangungutang. 20% kaagad ang patong sa tuwing may kumukuha sa kanya ng pera. Ang malala pa rito ay sa tuwing hindi nakakabayad ang mga mangungutang, kinukuha niya ang mga mamahalin at may halagang mga bagay sa looban ng bahay ng mga ito.

“Aling Belita, baka pwede naman ho na bigyan ninyo pa kami ng kaunting panahon. Sadyang kapos lang po kami ngayon buwan sa pera, pero pangako magbabayad po kami,” pakiusap ng isang babae.

“Tigilan ninyo ako! Ang lakas ng loob ninyong mangutang, tapos wala naman pala kayong pambayad? Huhugot na lamang ako ng mga appliances sa looban ninyo.

Sa bawat buwan na wala kayong maibibigay ay huhugot ako ng mga kagamitan sa looban ninyo, hanggang sa mapilitan kayong magbayad. Nakuha ba ninyo?” galit na tugon naman ng babae.

“Parang awa na ninyo po Aling Belita. Huwag naman po ang mga electric fan at telebisyon namin, magbabayad na lamang po kami sa susunod na buwan. Pangako po iyan!” pagmamakaawa pa ng babae.

“Tigilan ninyo ako sa mga drama ninyo! Aalis akong dala ang mga gamit ninyo. Mga hampaslupa kayo!” sigaw pa ng masamang ugaling babae.

At tuluyan ngang kinuha ng babae ang mga kagamitan sa bahay ng pobreng mangungutang. Wala silang magagawa dahil pinili nilang humiram ng pera na may 20% tubo, kaya’t pikit-mata na lamang nilang tatanggapin ang masamang ginagawa sa kanila ng babae.

Patuloy ang pagyaman ni Belita sa laki ng kinikita niya sa patubuan. Halos araw-araw ay malaki ang perang kanyang nakukuha sa dami ng may utang sa kanya. Halos mapuno naman na ang kanyang bahay ng mga nabatak na kagamitan.

Isang araw habang nasa palengke ay napagdesisyunan ni Belita na maningil ng mga mangungutang doon. Napadaan siya sa isang matanda na nagbebenta ng mga itlog. Namukhaan niya ito na ama ng isa sa humiram sa kanya.

“Kayo si Mang Noreng, hindi po ba? Ama kayo ni Gundina, tama?” mataray na tanong ng babae.

“Ako nga po. Paano po ninyo nakilala ang aking anak?” tanong ng matanda.

“Nakautang kasi sa akin ng dalawampung libong piso ang anak ninyo. Sa kasamaang palad ay hindi pa siya nakakabayad sa akin. Dalawang buwan na rin silang hindi nagtutubo manong,” sagot naman ng babae.

“Ganoon po ba? Aking kakausapin na lamang po ang anak ko upang mabayaran kayo kaagad,” tugon naman ng matanda.

“Ay hindi na. Ito na lamang mga paninda ninyo ang kukunin ko. Ama naman niya kayo, hindi ba? Eh ‘di ang anak ninyo na lang ang singilin ninyo!” saad ni Belita.

“P-pero kailangan ko pong kumita para sa asawa ko na may sakit. Maawa naman na po kayo sa amin. Ito na lang po ang pinagkakakitaan namin. Ang pagbebenta ng itlog lamang po ang kabuhayan namin,” depensa ni Mang Noreng.

“Magkano ba ang isa sa mga itlog na ito?”

“Anim na piso lamang po ang isa. Magaganda at sariwa po ang mga iyan,” sagot ng matanda.

“Ang mahal naman. Kukuha ako ng tatlong dosena, pero ibibigay mo sa akin ng tres pesos ang bawat isa. Kung hindi naman ay idedemanda ko na lamang ang anak ninyo,” pananakot ng mayabang na babae.

Pinagmasdan ng matanda ang babaeng kaharap. Kumikinang ito sa dami ng alahas na suot. Mukhang wala naman itong problema sa pananalapi, ngunit napakagamahan nito sa pera at napakasama ng ugali.

“Mababa na po ang aming presyo para sa ganitong kalalaking mga itlog. Piso na lamang po ang aming tinutubo dito, kaya kung maaari po aty bilhin niyo na lang sa nararapat na presyo,” pahayag ni Mang Noreng.

“Eh ang kapal din pala ng mukha ninyo eh! Sige, bayaran mo ang utang ng anak mo! Baka kulang pa lahat ng inyong paninda para mabayaran lamang iyon. Kung hindi mo ito ibibigay, magtutungo ako sa baranggay ngayon din!” pag i-iskandalo na ng babae.

“Sige po. Kunin na ninyo ang inyong nais. Huwag niyo na lamang pong idemanda ang aking anak,” malungkot na tugon ng matanda.

“Madali ka naman palang kausap. Sige, tatlong dosena ang kukunin ko, pero bigyan mo ako ng isang dosenang libre pa,” hirit pa ni Belita.

Tumango na lamang ang matanda. Nakangiti namang kinuha ni Belita ang mga itlog na halos libre na niyang nakuha. Hindi na niya inisip ang sitwasyon ng ibang tao, dahil tanging kapakanan na lamang niya ang kanyang iniisip.

Bago umalis ay pinagsabihan siya ng matanda, “ang kayamanan sa lupa ay mananatili sa lupa. Hindi ito madadala sa hukay maging sa kalangitan. Sana ay hindi ninyo ginagamit ang mga ito upang mang-agrabyado ng mas nakakababa sa inyo.

Hindi tayo habang buhay na mananatili sa mundong ibabaw. Kaya’t piliim nating maging matuwid at mapagkumbaba,” mahinang sabi ng matanda.

“Alam mo tanda, bakit hindi mo sabihin sa mga hampaslupa na magsumikap sila nang hindi sila naghihirap. Magbenta ka na lamang diyan nang may ipampagamot ka sa naghihingalong asawa mo!” masakit na saad ni Belita.

Nakangiting umalis ang babaeng magaspang ang ugali. Iniisip niya na nakatipid siya ng malaki mula sa mga nakuhang itlog. Sa ‘di kalayuan ay nakita na niyang nakaparada ang magarbo niyang sasakyan, dala-dala ang pinamili ay agad siyang sumakay at dumeretso sa isang mamahaling restaurant.

Kinatagpo niya doon ang isang mayamang babae na kanyang kaibigan. Umorder sila ng napakaraming mamahaling pagkain na halos triple ang presyo sa mga regular na nabibili lamang.

“Ako na ang magbabayad. Barya lamang naman ang limang libong piso sa akin,” pagmamayabang ni Belita.

“Nako, Belita. Maghati na lamang tayo,” nahihiyang tugon naman ng kaibigan.

“Hindi ayos lamang. Sa dami ng pera ko ay walang-wala lamang ito,” tugon ng babaeng de alahas.

Matapos bayaran ang pagkaing nagkakahalaga ng limang libong piso ay nag-iwan pa siya ng limang daang piso na tip para sa restorant. Para sa may-ari ng kainan ay normal lamang ang makantanggap ng malalaking tip mula sa kanilang mga kostumer.

Pero kung ating iisipin ay sadyang kalunos-lunos ang pangyayaring ito para sa dukhang tindero ng itlog sa palengke. Silang nangangailangan ay napagdamutan ng sobra-sobra, subalit para sa luho ay sobra naman kung gumastos ang babae.

Kinabukasan ay nagpagawa ng isang katutak na leche flan ang babae mula sa mga itlog na kanyang nakulimbat sa palengke. Ilang liyanerang leche flan din ang nagawa kaya’t inilagay niya ito sa looban ng kanyang ref.

Tanging siya lamang ang may karapatan kumain noon sa looban ng kanilang pamamahay. Kahit mga kasambahay ay bawal tumikim ng masasarap na pagkaing iyon.

Buong maghapon niyang nilantakan ang isang katutak na matamisin. Habang nagsisigarilyo ay kinain niya ang huling liyanera ng leche flan, ngunit nang maubos ito ay nakaramdam siya ng matinding paninikip ng dibdib.

Nabitawan niya ang sigarilyong hawak at nahulog malapit sa kurtina. Pasikip naman ng pasikip ang dibdib ng babae na tila ba ay kinakapos na sa hininga. Bago pa niya magawang lumabas ng kwarto ay tumirik ang mata niya at saka siya bumagsak sa sahig.

Lumikha naman ng malaking sunog ang sigarilyong kanyang nabitawan. Nakatakbo ang mga kasambahay, ngunit naiwan si Belita na nasusunog kasama ang kanyang mga ari-arian. Nilamon ng apoy ang bahay ng babae at tanging abo na lamang ang iniwan nito.

Kagaya ng sinabi ng matanda, sa panahong pumanaw siya ay hindi niya madadala sa sa hukay ang mga kayamanan niya. Bukod sa wala na siya, ay naging abo pa lahat ng yaman na pinapahalgahan niya. Kasama niyang nasunog lahat ng mayroon siya. Wala rin ni isang tao ang nagluksa nang malaman ang malagim na trahedyang nangyari sa matanda.

Tunay ngang iba ang balik ng karma sa mga taong mapanamantala. Kung tayo man ay nakaluluwag sa buhay, ay huwag sana tayong maging gahaman. Ugaliin natin ang pagiging mapagkumbaba dahil hiram lamang ang buhay at hindi natin alam kung kailan ito babawiin sa atin.

Sa pag-ikot ng gulong ng palad ay ganoon na lamang din iikot ang ating kapalaran. Ang mga kayamanang tinatamasa ay mawawala sa iglap kung ito’y hindi maibabahagi ng tama. Ang taong mapang-abuso ay trahedya ang kauuwian, subalit ang taong mapagkumbaba ay pagpapalain.

Advertisement