Inday TrendingInday Trending
Sa Aking Teritoryo

Sa Aking Teritoryo

“Kay aga-aga kay sikip dito sa loob ng elevator!” reklamo ni Glycel.

Ang pinaka-ayaw kasi ng babae ay ang siksikan sa elevator lalong-lalo na kapag siya ang sasakay. Matapang siyang magreklamo sa mga taong sumasakay sa loob dahil nga naman na mataas ang katungkulan niya sa kumpanya.

“Puwede ba, sa ibang elevator kayo sumakay kapag ako ang narito? Ayoko kasi ng masikip, e. Tapos ay kay ba-baho pa ng mga amoy niyo na amoy pawis!” singhal niya sa mga empleyadong kasabay niya.

Paglabas ng elevator ay nagwisik agad siya ng pabango sa kanyang katawan. Habol naman siya ng tingin ng mga kasabay niya. Ang iba ay nagtaas ng kilay at naangasan sa inasta niya.

Pagpasok sa pribado niyang silid ay agad niyang pinabuksan ang aircon. Init na init si Glycel sa pinanggalingang elevator.

“Sa uulitin ay huwag mo akong papasukin sa ganitong oras, Trish! Alam mo naman na ayokong nakikipagsabayan sa elevator, e!” gigil na sabi ni Glycel sa kanyang sekretarya.

“M-ma’am p-pasensya na po. Ito lang po kasi ang available na oras para sa meeting niyo,” nauutal na wika ni Trish.

“Sa susunod ay gawan mo ng paraan! Ayoko na mauulit ito ha, naiintindihan mo?” singhal pa niya.

“O-opo, ma’am. Masusunod po.”

Dahil sa nangyari ay maghapon na namang masama ang timpla ni Glycel. Matapos ang kanyang meeting ay napagdesisyunan niya na umuwi ng maaga para magpahinga. Masyado siyang na-stress sa pagsakay niya kanina sa elevator. Paglabas niya ng silid ay dumiretso na agad sa elevator para sa pagbaba niya sa ground floor. Nang pindutin niya ang buton ay may mga mga empleyado pang sumakay kasabay niya.

“Haynaku, heto na naman po sila! Pati ba naman sa pag-uwi ko ay madidismaya pa ako? Puny*tang buhay ito, o!” nanggagalaiting bulong ni Glycel sa sarili.

Mayamaya ay may nakisiksik pa na matandang babae. May dala itong malaking plastik bag. Ang nasabing matanda ay ang ale na nagtitinda ng ulam sa gusali. Umaakyat ito sa bawat palapag at nag-aalok ng panindang ulam sa mga empleyado. Di sinasadyang nadikit sa binti ni Glycel ang plastik bag nito.

“Ano ka ba, Manang! Nakakadiri iyang plastik mo na pinaglagyan ng ulam, idinikit mo pa sa akin!” singhal niya sa matanda.

“Naku, sorry po ma’am! Hindi ko po sinasadya!” paumanhin nito sa kanya.

“E, kasi naman sasakay-sakay pa kayo dito sa elevator tapos may dala-dala pa kayong ganyan. Puwede naman na mag-hagdan na lang kayo!”

Hindi kumibo ang matanda habang nagtatatalak pa rin si Glycel sa loob ng elevator. Pinagtitinginan na siya ng mga taong naroon ngunit wala siyang pakialam. Hanggang sa magsilabas na ang mga tao ay panay pa rin ang dakdak ng babae.

Ang hindi niya alam ay lihim siyang pinagtsitsismisan ng mga empleyadong nakarinig ng singhal niya.

“Ayan na naman siya at nagwawala na naman. Grabe, napakasama ng ugali ng babaeng iyan. Akala mo kung sinong may-ari ng elevator,” inis na sabi ng babae.

“Oo nga, e. Wala kasing pumapalag sa kanya kasi boss. Alam niyo ba, mismong iyong sekretarya niya ay umiiyak sa sama ng ugali niya,” wika ng kausap.

“Maka-karma rin ang babaeng iyan at makakakuha rin ng katapat,” sabad pa ng isa pa.

Nang sumunod na araw ay maagang pumasok si Glycel sa opisina dahil may mga aasikasuhin pa siyang mga importanteng dokumento. Napansin niya na wala pang masyadong tao kaya napanatag siya na wala pang makakasiksikan sa elevator. Mapayapa siyang pumasok sa loob nang biglang may pumasok na matandang lalaki. Dahan-dahan itong maglakad dahil halatang may kapansanan ito sa binti sa dala nitong tungkod. Biglang nainis si Glycel sa matanda sa sobrang bagal nitong kumilos.

“Ano ka ba tanda? Kay bagal mo namang kumilos! Kita mo namang nagmamadali ako, e! Kung ganyan ka kabagal ay doon ka sumakay sa kabilang elevator!” singhal niya rito.

Sa una ay hindi siya nito pinapansin at p*tay malisya lang ito sa kanya. Nang biglang nagpasaring ulit ang babae.

“Uugod-ugod na nga, bingi pa! Buwisit na buhay ito, o!” aniya.

Biglang lumingon ang matanda at nagwika.

“Sino ka ba hija at ano ang ginagawa mo dito sa gusaling ito?” tanong nito.

“Hindi niyo ako kilala? Well, ako lang naman ang marketing head sa kumpanyang ito!” buong pagyayabang niyang sabi.

“Okay, ako lang naman ang may-ari ng gusaling ito at ng kumpanyang pinagtratrabahuhan mo. Kay lakas ng loob mo na pagsalitaan ako sa sarili kong pagmamay-ari kong teritoryo. Ayokong makikita ka pa dito. Ang mga kagaya mo ay hindi nababagay sa lugar na ito,” hayag ng matanda.

Nang lumabas ang matandang lalaki sa elevator ay naiwang nakatulala si Glycel. Sa mga oras na iyon ay wala siyang mukhang maihaharap dahil sa kanyang kapangahasan. Hindi niya alam na ang taong binastos niya ay ang mismong may-ari ng gusali at kumpaya na kanyang pinapasukan. Ngayon ay nanganganib pa na mawalan siya ng trabaho dahil sa kasamaan ng kanyang ugali at kasakiman sa paggamit ng elevator.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement