Hinusgahan at Sinisi ng Dalaga ang Ex-Convict na Ama, Ikagugulat Pala Niya Kung Bakit Ito Nakulong
“Laya ka na, Dela Cruz!” sabi ng pulis kay Jeremiah.
“Salamat sir!”
“Huwag ka nang babalik dito, ha?”
“Oo naman, sir. Hinding-hindi na!”
Ilang taong nakulong si Jeremiah at ngayong malaya na siya ay mababalikan na niya ang kanyang pamilya.
Sa paglabas ng kulungan ay hindi maiiwasang pag-usapan siya ng mga kapitbahay. Nang makita siya ng mga ito ay muling nakalkal ang nangyari sa nakaraan.
“Si Jeremiah, nakalaya na pala?” tanong ni Mang Wilfredo.
“Oo, ang tagal na nakulong ng lalaking iyan,” sabi ni Aling Juana
“Naku, ano kaya ang sasabihin ng mga kamag-anak niya sa paglaya niya?” tanong naman ni Mang Uro.
Nang mapadaan siya sa umpukan ng mga matatandang kapitbahay ay tinanguan niya ang mga ito na tanda ng paggalang.
Imbes na pansinin ay umiwas ng tingin ang mga ito.
Napansin niya ang pag-iwas ng mga kapitbahay sa kanya. Sa isip niya ay bakas pa rin sa utak ng mga ito ang ginawa niya.
Nang marating ang kanilang bahay ay agad siyang nakita ng asawang si Daria.
“Jeremiah? Nakalabas ka na?” gulat na sabi nito.
Sa sobrang saya ay tumakbo ito palapit sa kanya at niyakap siya ng mahigpit.
“Kay tagal kong pinanabikan ang iyong pagbabalik.”
“Narito na ako, mahal! Teka, nasaan ang mga anak natin?”
“Nasa loob, halika at alam kong pagod ka. Buti at nakapagluto na ako ng pananghalian!” yaya ng asawa.
Pagpasok sa loob ng bahay ay nakita niya ang bunsong anak na si Ron-Ron na naglalaro ng kompyuter sa sala. Nilapitan niya ang anak at niyakap.
“Anak, namiss kita!” naluluha niyang sabi.
“P-papa? Papa!” nakilala naman siya nito at gumanti rin ng yakap sa kanya.
“Kumusta ka na, anak?” tanong niya rito.
“Ito papa, palagi akong may honor sa school!” pagyayabang ng anak.
“Ang galing talaga ng bunso ko, manang-mana sa akin!”
“Hindi ka na aalis, pa, hindi ka na babalik sa kulungan?”
“Hindi na, anak, hindi na ako kailanman babalik doon.”
Mayamaya ay lumabas ng kuwarto si Keana at nakita ang ama.
“Keana, ikaw na ba iyan? Ang laki mo na!” aniya saka niyakap ng mahigpit ang dalaga.
Imbes na matuwa ay tila nayamot pa ang dalaga nang makita ang presensya ng ama.
Naunawaan naman ni Jeremiah kung bakit ganoon ang inis sa kanya ng panganay niyang anak.
Hanggang ngayon kasi ay nakatanim pa rin sa isip ni Keana ang ginawang pagpaslang ng ama sa kanyang Lolo Telmo. Ang nasabing matanda ang pinakapaboritong lolo ng dalaga. Ito kasi ang palagi niyang kasa-kasama nung bata pa siya kaya nang pumanaw ang matanda ay labis niya iyong ikinalungkot at labis na sisisi ang ama sa pagkawala nito.
“Hanggang ngayon ba ay galit pa rin sa akin si Keana?” tanong niya sa asawa.
“Mahal na mahal niya kasi si itay kaya mahirap sa kanyang kalimutan ang mga nangyari. Hayaan mo, mawawala rin ang galit niya sa iyo,” sabi ni Daria.
Nang minsang pinapunta sa pinapasukang kolehiyo ang mga magulang ni Keana para dumalo sa PTA meeting ay biglang nayamot ang dalaga dahil kasama ang ama.
“Ma, bakit po siya kasama?” aniya.
“Anak, ama mo siya at may karapatan siyang pumunta rito,” paliwanag ni Daria sa anak.
“Tignan mo, inay, pinagtitinginan nila tayo dahil kasama natin siya?”
“Ano ka ba, siyempre pagtitinginan ang papa mo dahil ngayon lang siya nagpunta dito. Taon-taon kasing ako lang ang kasama mo, ngayon kasama na siya.”
Buong maghapong nakasimangot si Keana. Ayaw talaga niyang nakakasama ang ama kaya kapag nasa bahay ay palagi lang siyang nagkukulong sa kuwarto para makaiwas rito.
Isang gabi, dumalaw sa kanya ang kasintahang si Arnaldo.
“Keana, kailan mo ba ako pagbibigyan?” paglalambing ng binata habang hinihimas-himas ang kanyang braso.
“Ano ka ba, baka makita tayo ni mama at narito rin ang ex-convict kong tatay!” saway niya sa nobyo.
“Wala naman dito ang mama mo, e. Pagdating ko kanina ay nakasalubong ko sila ng kapatid mo. Nagmamadali sila na para bang may pupuntahan kaya solong-salo natin dito,” wika nito sabay halik sa kanyang leeg.
Di sinasadya na nakita sila ni Jeremiah sa aktong iyon.
“Anong ibig sabihin nito, anak? Sino ang lalaking iyan?” galit nitong tanong habang isinuntok sa mesa ang isang kamao.
“P-pa, si Arnaldo, boyfriend ko,” sabi ng dalaga.
“Boyfriend mo? Pero hindi ka magawang igalang sa sarili nating pamamahay?” sabi nito sa malakas na boses.
“Bakit pa, anong gagawin mo? Papaslangin mo rin ang boyfriend ko gaya ng pagpaslang mo kay lolo na walang kalaban-laban, ha?!” sigaw niya sa ama.
“Tumigil ka, Keana! Tigilan mo na ang pag-usig sa iyong ama, napagbayaran na niya ang ginawa niya!” saway ni Aling Dolor nang maabutan nito ang pagsigaw ng anak sa ama.
“Ma naman, sarili mong ama ang pinaslang niya. Bakit ipinagtatanggol mo pa rin siya!”
“Dahil ginawa iyon ng ama mo para iligtas ka!”
Nagulat si Keana sa sinabi ng ina. Bigla siyang naguluhan.
“A-anong ibig mong sabihin, ma?”
“Tinangka kang pagsamantalahan ng iyong Lolo Telmo noong bata ka pa. Nang makita ng papa mo na gagalawin ka na ng lolo mo ay hindi niya napigilan ang galit niya at sinaksak ng makailang ulit ang lolo mo hanggang sa mapaslang niya ito. Hindi sinasadya ng papa mo ang ginawa niya. Iniligtas ka lang niya sa kapahamakan, anak!” bunyag ng ina.
Hindi makapaniwala ang dalaga na ang amang kinamuhian at hinusgahan niya ay siya palang nagligtas sa kanya sa tangkang panghahalay ng kanyang lolo na inakala niyang hindi siya gagawan ng masama.
Walang pagsidlan ang luha ni Keana nang lapitan ang ama at humingi ng tawad.
“Papa, sorry kung sinisi kita sa nagawa mo. Hindi ko alam, pa… Patawarin niyo po ako!” aniya.
Niyakap ni Jeremiah ng mahigpit ang anak.
“Ginawa ko iyon kasi mahal kita, anak. Mahal na mahal kita!”
Hinusgahan man ng iba si Jeremiah sa ginawa nito sa nakaraan ay saludo naman si Keana sa ama dahil napagtanto niya kung gaano sila kamahal nito, na kaya nitong dungisan ang mga kamay mapanatili lang silang ligtas.