Simple Lang ang Pangarap ng Babaeng Ito, Iyon ay ang Magkaroon ng Isang Litrato Kasama ang Pamilya
Bunso si Vivian sa tatlong magkakapatid. Ang kuya nila ay nagtratrabaho sa Maynila, ang ate naman niya ay maagang nakapangasawa at naninirahan sa Laguna.
“Ma, malapit na akong makapagtapos, baka pwede ka naman umuwi at masabitan mo ako ng medalya,” saad ni Vivian sa inang OFW na si Aling Yoli.
“Proud na proud ako sa’yo anak, hayaan mo gagawan ko ng paraan na makauwi ngayong Abril para sa bunso ko. Nasabihan mo na rin ba ang mga kapatid mo para ipaghanda ka naman nila?” sagot ng ale.
“Opo ma, uuwi daw sila dito sa’tin at kukuha ng ulo ng baboy nang may mailagay raw sa mesa. Nga pala ma, si papa nangungulit gusto pumunta dito at bumabalik na naman sa’tin,” wika ni Vivian sa ina.
“Hay naku sabihin mo sa iyong lola na pagsabihan ‘yang tatay niyo na ‘pag umuwi ako diyan sa atin ay ayaw na ayaw kong makikita ang pagmumukha niya!” galit na sabi ng ale.
Matagal nang hiwalay ang mga magulang ni Vivian, bago pa man siya nabuo. Simula kasi nang nagsama ang dalawa ay napilitang mag-abroad ang ale dahil walang permanenteng trabaho noon ang kaniyang asawa na si Mang Sebastian.
Limang taon noon ang pangay niya at 2 buwang gulang naman ang pangalawang anak, namasukan ito bilang isang kasambahay sa ibang bansa. Lumipas ang tatlong taon at umuwi ang ale dahil nabalitaan niyang may babae ang asawa. Mali pala siya nang nadatnan ito dahil hindi lang babae ang kasama nito sa iisang bubong, nagkaroon pa ng anak sa iba ang asawa niya.
“Yoli, ikaw ay huminto muna sa iyong pag-aabroad at magsama kayo ng iyong asawa. Kaya naman naghanap iyan ng iba dahil ikaw ay wala sa kaniyang piling, gampanan mo muna ang pagiging asawa mo at magtiis sa mahirap na buhay,” saad ni Aleng Dolores, ang ina ni Aling Yoli.
“Bakit inay? Umalis ba ako para magpakasarap sa ibang bansa? Diba’t hindi dahil nagpupunas ako ng suka ng ibang tao roon at nagkukuskos ng inidiro para may maipakain lamang sa mga anak ko?! Tapos pagdating ko e mababalitaan ko na lamang na nagkaroon siya ng ibang pamilya dahil lamang sa hindi niya matiis ang nagpupumiglas na alaga niya? Anong klaseng buhay ito?!” baling ni Yoli sa kaniyang ina habang lumuluha.
“Dahil tayo ang babae Yoli, tayo ang magdadala ng isang pamilya. Subukan mo lang munang huminto at magsama kayo,” saad ni Aling Dolores sa anak.
Nagsama nga ang dalawa at nabuo si Vivian ngunit hindi sapat na may maayos siyang pamilya. Nang kumakalam na ang kanilang mga sikmura ay muling nag abroad noon si Yoli sa pangalawang pagkakataon.
Nabuhay ang magkakapatid sa pangangalaga ng kanilang lola dahil agad silang iniwan ng ama at nakisama sa ibang babae. Kaya simula noon ay hindi na nagawang mapatawad pa ito ni Yoli. Kaya sa tuwing uuwi siya ng Pilipinas ay hindi maaring magpunta doon si Mang Sebastian.
“Itay, hindi po kayo pwedeng pumunta sa graduation ko, ayaw ni mama,” text ng dalaga sa kaniyang ama.
“Aba, tatay niyo pa rin ako at may karapatan akong magpaka-ama sa inyo,” reply ng kaniyang ama.
“Huwag na lang ho kayong pumunta para wala nang gulo, alam niyo naman hong minsang lang umuwi si mama dito, wag niyo na lang pong sirain ang aming kapayapaan,” text muli ni Vivian sa ama.
Lumaki silang magkakapatid na halos kuya niya ang nagpapa-aral at tumayong tatay sa kanilang pamilya habang ang kanilang ina ay nagtratrabaho sa ibang bansa para mabuhay silang lahat. Bilang babae ay dama ni Vivian ang galit na nararamdaman ng kaniyang ina dahil wala nang mas sasakit pa sa ipagpalit ka sa ibang pamilya.
Nakauwi na si Aling Yoli at nasabitan na rin ang anak niyang si Vivian ng medalya. Nagtagal lamang ito ng dalawang buwan sa bansa at bumalik na rin ulit sa pagtratrabaho.
Sa ngayon ay nagtratrabaho na rin si Vivian at kahit papano ay nakakatulong na rin sa kanilang mga pangangailangan.
“Anak, baka naman pwede mong padalhan ang tatay ng pera, bibili lamang ako ng gamot,” text ni Mang Sebastian sa anak.
“Kuya, nagtext na naman ang tatay sa akin at nanghihingi ng pera,” saad ni Vivian sa kapatid habang sila ay kumakain ng hapunan.
“Replyan mo at sabihin mo na noong bata ba tayo at malakas siya e nagbigay siya ng pera? Bwisit siya!” saad ng isa niyang kapatid.
Galit ang mga kapatid ni Vivian sa ama dahil sa ginawa nito, samantalang si Vivian naman ay napatawad na ang ama, para sa kaniya ay ito pa rin ang dahilan kung bakit siya nabuo. Kaya naman pinapadalhan ito lagi ng dalaga kahit pa nga nagagalit ang kaniyang ina.
“Ang kapal ng mukha ng tatay niyo e noh? Noong malakas pa, nasa ibang pamilya, ngayong mahina na at sakitin nagpapakupkop sa inyo! Bakit ba hindi pa mamaalam yan sa mundong ibabaw?” saad ni Aling Yoli sa anak.
“Ma, hayaan niyo na. Lahat naman tayo’y nagkakasala, sana naman bago mawala ang tatay e mapatawad niyo naman siya at magkaroon tayo ng isang family picture,” baling ng anak.
Bumalik kasi sa kanilang bahay ang tatay niya at sinabing may sakit ito at wala nang lunas, hindi mapalayas ni Vivian ang ama kahit pa nga pinagtatabuyan ito ng ibang mga kapatid, bagkus inalagaan niya ito hanggang sa ito ay manghina ng lubos.
“Anak, bakit ang bait mo sa akin?” tanong ni Mang Sebastian sa anak.
“Dahil ba mamamayapa na ako kaya ka ganyan sa akin?” dagdag pa nito.
“Hay naku itay, kung masama lang ho akong anak baka pinabayaan ko na lang kayong bawian ng buhay. Gusto ko lang hong maalagaan kayo. Hindi ko man naranasan ang pag-aalaga niyo, hayaan niyong maranasan ko naman ang mag-alaga ng sariling tatay ko,” saad ni Vivian sa matanda at saka ito binigyan ng gamot.
“Nga po pala, uuwi na si mama sa susunod na araw, alam niyo naman pong galit iyon sa inyo diba, tiisin niyo nalang para sa akin,” dagdag pa ng dalaga.
At nakauwi na nga si Aling Yoli sa Pilipinas dahil na rin sa hiling ni Vivian.
“Ma, sige na, kausapin niyo na si tatay, hindi nyo naman ho kailangan makipagbalikan, yung bang magkapatawaran man lang kayo e ayos na,” saad ng dalaga sa ina.
Napapayag niya ang inang umupo sa tabi ng kaniyang ama na kalbo at nanghihina na. Kahit anong gamot kasi ay hindi na pinakikinggan ng katawan nito, sumuko na ang mga organs nito sa katawan at ilang araw na lamang ang itatagal.
“Yoli, alam kong galit ka. Hindi ko na hinihinging mapatawad mo pa ako, ang gusto ko na lang ay mapaluwag ko ang bigat sa puso mo. Maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo sa pamilya natin. Isa kang dakilang ina dahil nabuhay mo silang lahat ng may takot sa Diyos at responsable. Kung tatangapin man ako ni Bathala sa langit, hihilingin kong bigyan ka nya ng lalaking magmamahal sa’yo at mag-aalaga hanggang sa iyong huling hininga. Minahal kita Yoli at wala akong pinagsisisihan doon. Sa totoo lang, hanggang ngayon ikaw pa rin ang mahal ko,” saad ni Mang Sebastian sa asawa.
“Oha, masyadong madrama, picture po muna tayo,” singit ni Vivian sa pamilya. Pinasandal niya ang ama at tinawag ang dalawang kapatid. Pinagtabi niya ang kaniyang mga magulang at nasa likod naman silang magkapatid at sa unang pagkakataon ay nagkaroon sila ng litrato bilang isang buong pamilya.
“Mga anak, patawarin niyo ako,” saad ni Mang Sebastian at tuluyan itong nawalan ng malay.
Ipina-frame ni Vivian ang kanilang litrato at sinabit ito sa kanilang dingding, hindi man sila naging masaya sa kanilang paglaki, naging maayos at payapa naman sila sa huli.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.