Inday TrendingInday Trending
Excited na Sinundo ng Bata ang Kanyang OFW na Ama sa Airport, Ngunit Isang Kahon Lamang ang Tumambad sa Kanilang Mag-ina

Excited na Sinundo ng Bata ang Kanyang OFW na Ama sa Airport, Ngunit Isang Kahon Lamang ang Tumambad sa Kanilang Mag-ina

Excited na si Ren dahil ito na ang araw ng pag uwi ng kanyang Papa. Matagal itong nanatili sa Saudi at sigurado siyang marami itong uwing laruan para sa kanya, kapalit ng pangako niyang magiging mabait at mag-aaral mabuti. Kay aga nila nagpunta sa airport, tila mas maaga yata ang uwi ng Papa niya. Ang huling pangako nito sa kanya ay October ito uuwi, pinanghawakan niya iyon.

Minamarkahan niya ang kalendaryo bawat araw bago siya pumasok sa eskwela.Pero August pa lang ngayon, hindinna ba nakatiis ang papa niya at namiss na sila?

Byahe na sila papuntang airport pero walang imik ang mama at mga kuya niya. Siguro ay nabigla rin ang mga ito. Ang papa nila talaga, mahilig sa surprise!

Pagdating nila roon ay may mga naka-unipormeng lalaki ang nagturo sa kanila kung saan maghihintay. Aba naman! Na-promote yata ang papa niya at may mga bodyguard pa sila.

Proud na proud talaga si Ren sa papa niya, matyaga ito at napagtapos ang mga kuya niya. Siya naman ngayon ay grade 3 na sa eskwela, gagalingan niya talaga para ito naman ang maging proud sa kanya.

Mugtung-mugto ang mata ng mama niya at kandong lang siya nito. Tila kay tagal naman. May niraradyong kung ano ang bodyguard. Naunang dumating ang isang malaking kahon at napatayo ang buong pamilya nila.

Malaking, malaking kahon! Siguro ay ref, na may kasamang TV, o baka sofa,o aircon- pangako ng papa niya ang aircon para raw hindi na mainit sa kanila. Natatandaan niya pa nang nag uwi ito ng Speakers at malalaking stereo para maganda ang music nila sa bahay, ingat na ingat sila at hanggang ngayon ay tinatakpan ng plastic cover para hindi maalikabukan.

Binuksan iyon ng bodyguard at ang mama naman niya ay hindi rin magkandaugagang tanggalin ang takip. Teka muna! Hintayin dapat nila ang papa niya at hindi pwedeng buksan ang package magkakalat ang laman niyon doon.

Unti-unting kinain ng kaba ang puso niya, hindi niya alam kung bakit. Pagbukas ng kahon ay tumambad sa kanya ang package na hindi niya inaasahan. Ang ngiti niya ay napalitan ng gimbal. Ang excitement ay napalitan ng sakit. Nasa harap niya ngayon ang package na hinding-hindi niya malilimutan..

Ang papa niya.

Ang kwentong ito ay sumasalamin sa kondisyon ngayon ng bansa natin. Ilang pamilya na kaya ang hindi makapaghintay na makabalik sa bansa ang pinakamamahal nila? Ilang bata kaya katulad ni Ren ang nawawasak ang kabataan dahil hindi na nila naabutan na buhay ang kanilang mga magulang? Sana’y patuloy na pagtuonan ng gobyerno ang isyung ito.

Advertisement