Inday TrendingInday Trending
Walang Itinitira ang OFW sa Sarili Niya Para Lamang Makapagpadala sa Pamilya, Kakayanin Pa Ba Ito ng Katawan Niya?

Walang Itinitira ang OFW sa Sarili Niya Para Lamang Makapagpadala sa Pamilya, Kakayanin Pa Ba Ito ng Katawan Niya?

Sa tatlong anak ng mag-asawang Bob at Layla, ang panganay pa lamang nila ang nakapagtapos ng pag-aaral. Kahit kapos sa buhay ay naigapang nilang maipagtapos ng kursong Nursing ang dalaga. Upang makatulong na mapag-aral naman ang mga nakababatang kapatid, napag-desisyunan ni Diane na lumipad patungong Canada upang matustusan ang dalawang kapatid na malapit nang mag-kolehiyo.

“Mama, kumusta po kayo d’yan? Natanggap niyo na po ba ‘yong pinadala kong pera?” tanong ng anak sa ina habang ka-video chat ito sa Facebook.

“Ibinabalik ko lang naman po ang lahat ng naitulong niyo sa akin. Nasaan po pala si papa?” tanong ni Diane habang naghahanda na sa kanyang pagpasok.

“Ayon, nasa kwarto at natutulog. Galing kasi ng trabaho, sabi niya sa akin ay ayaw niyang ikaw lang ang nagbabanat ng buto para sa atin. Siya raw kasi ang padre de pamilya at responsibilidad pa rin niya tayo.”

“Ganoon po ba? Baka bumalik na naman ang sakit ni papa, ha? Pakisabi naman po kapag nagising na siya na hindi naman niya po kailangan mag-trabaho. Sisikapin ko pong dagdagan ang pinadadala ko,” wika ng nag-aalalang dalaga. Noong nag-aaral pa kasi siya ay ilang beses nang isinugod ang kaniyang ama sa ospital dahil sa atake sa puso.

“Sige, ma. Papasok na po ako sa trabaho. Mag-iingat po kayo dyan ha. Paki-kumusta na lang po ako kay Papa at sa mga kapatid ko.”

“Ang mga bitamina mo, inumin mo ha. O, sige. Mag-iingat ka rin dyan. Huwag mong titipirin ang sarili mo para lang makapagpadala ng labis para sa amin.”

Dahil ayaw ni Diane na mag-alala ang pamilya, hindi niya pinaalam sa kanila na dalawang trabaho na ang pinapasukan niya. Nurse sa umaga, at serbidora sa isang restawran sa gabi. Sa isang araw ay wala pa sa apat na oras ang kaniyang tulog. Pero hindi niya alintana ang pagod dahil pursigido siyang makaipon agad at mapagtapos sa magandang eskwelahan ang dalawang nakababatang kapatid.

Pagkalipas ng halos tatlong buwan na pagta-trabaho, hindi na napapansin ni Diane ang unti-unting pagkasira ng kanyang kalusugan. Agad naman itong napansin ng mga kapwa niya nurse sa kanilang ospital.

“Diane! Natutulog ka pa ba? Ang laki na ng ipinayat mo! Tapos palagi pang noodles at tinapay lang ang kinakain mo. Alagaan mo naman ang sarili mo. Baka bumigay ka bigla niyan,” wika ng nag-aalalang kasamahan.

“Hindi naman. Kayang-kaya, para sa pamilya.” nakangiting sagot ni Diane. Itim na itim na ang ilalim ng mga nito sa labis na kakulangan sa pahinga at tulog.

Isang gabi, habang abala si Diane sa pag-aasikaso ng mga pasyente sa ospital ay bigla na lamang itong nakaramdam ng matinding pagkahilo. Agad itong kumuha ng baso upang uminom ng tubig, nang bigla na lamang siyang tumumba sa kinatatayuan. Gulat na gulat ang mga kasamahan ni Diane pati na rin ang mga pasyenteng nakakita sa kaniya.

“Diane! Sinasabi ko na e,” napasigaw ang kasamahang si Alice habang tinutulungan ang walang malay na dalaga.

“Anong nangyari?” tanong ni Dok Rey, isa sa sa mga kapwa Pilipinong doktor.

“Dok! Bigla na lamang siyang hinimatay. Ang putla-putla na dok!” sagot ni Alice habang inihihiga si Diane sa isang bakanteng kama ng ospital.

Agad sinuri ng nagmamalasakit na doktor ang kaawa-awang dalaga. Napapa-iling ito nang makita itong walang-malay at halatang pagod na pagod.

Matapos ang ilang oras, sa wakas ay nagkamalay na ang dalaga. Wala siyang kaalam-alam sa nangyari sa kaniya, kaya naman agad itong bumangon sa kama at nagtanong.

“Alice! Anong nangyari?!”

Nang makita ni Dok Rey na gising na ang dalaga, agad itong lumapit sa kanya.

“Diane? Bigla ka na lamang nawalan ng malay kanina. Senyales ‘yan ng labis na pagta-trabaho. Naiintindihan ko na lahat tayo dito ay nagsisikap para may maipadala sa pamilya natin. Pero matanda ka na, at alam mo naman sigurong kailangan mo ng pahinga. Hindi ba? Umuwi ka na muna. Magpahinga ka ng isang linggo.”

“Isang linggo? Dok! May pinapa-aral po akong dalawang kapatid. Maawa po kayo,” umiiyak na pagmamaka-awa ni Diane.

“Ano ka ba naman, hija? Mayroon tayong tinatawag na sick leave. Ako na ang bahala. Babayaran ka pa rin ng ospital sa isang linggong pahinga mo. Ang tanging kailangan ng katawan mo ngayon ay sapat na tulog at pahinga”, sagot ng doktor kay Diane. Pansin niya na noon pa ang dedikasyon ng dalaga sa pagta-trabaho kaya naman hindi siya nag-atubiling tulungan ito.

“Salamat po, dok.”

“Walang anuman. Isa lamang ang masasabi ko, Diane. Sa tingin mo ba ay masisiyahan ang pamilya mo sa mga ipinapadala mo kapag nalaman nila ang kalagayan mo dito? Mag-isip ka, hija. Gawin mong prayoridad ang kalusugan mo. Nurse ka pa naman,” bilin ng doktor sa dalaga bago ito umuwi sa kanila.

Pagkalipas ng isang linggo ay tuluyan nang gumaling si Diane. Sinunod niya ang payo ng doktor na matulog ng sapat at kumain ng tama. Unti-unting bumalik ang lakas at enerhiya niya. Tinawagan niya ang pamilya niya upang sabihin ang nangyari.

Galit na galit ang kaniyang ama sa pagpapabaya ni Diane sa sariling kalusugan. Halos pauwiin pa nga nito ang anak dahil sa labis na pag-aalala. Ngunit nangako naman si Diane na hindi na mauulit ang ganoong pangyayari dahil natuto na siyang ibalanse ang pag-aalaga sa sarili habang naghahanap-buhay.

Nakabalik na siya ng kanyang trabaho bilang Nurse, at napagdesisyunan niya na itigil na ang pagta-trabaho sa gabi. Tulad ng payo ni Dok Rey, nag-pokus na lamang siya sa kaniyang trabaho. At dahil napansin ng buong administrasyon ng ospital ang sipag at dedikasyon ng dalaga, agad tumaas ang posisyon nito bilang isang head nurse. Malaki na rin ang naging dagdag nito sa kaniyang sahod.

Ngayon, napagtapos na ni Diane ang kapatid na si Marian ng kursong Chemical Engineering. Napakalaki ng pasasalamat nito sa kanyang ate dahil kailanman ay hindi naging sagabal ang kakulangan sa pera upang makatapos siya ng pag-aaral. Kaya naman nangako siyang siya naman ang magpapa-aral sa bunso nilang kapatid.

Magmula noon ay natuto nang mag-ipon si Diane ng para sa kanyang sariling kinabukasan. Nang minsang umuwi siya sa Pilipinas, nakakilala siya ng isang doktor sa isang conference na pinuntahan niya. Agad nahulog ang loob ng dalawa sa isa’t-isa at hindi nagtagal ay nagsimula na sila ng sariling pamilya. Nanatili na lamang sa Pilipinas upang matrabaho bilang nurse kasama ang asawa sa iisang ospital.

Lahat ng pinaghihirapan mo ay mauuwi lamang sa wala kapag sariling katawan mo na ang pinabayaan mo. Natutunan ni Diane na dapat pahalagahan ang sariling kalusugan, para sa kaniyang pamilya na umaasa sa kanya, at lalong lalo nang para sa sarili niya. Magmula noon ay binigyan na niya ng limitasyon ang kaniyang sarili mula sa labis na pagta-trabaho. Natutunan niya na ang pagpapahalaga sa sarili ay kailanma’y hindi dapat kalimutan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement