Kahit Delikado ay Sinugod ng Lalaki ang Nasusunog na Bahay Para Mailigtas ang Isang Mag-Ina, Pagkatapos Noon ay Magbabago ang Buhay Niya
Pagkatapos ng kaniyang maghapong duty bilang isang bumbero ay naisipan ni Renz na maglakad na lamang pauwi, kailangan niya rin kasing mag-isip dahil patung-patong na ang kaniyang problema.
“Renz ang inay mo, napakalubha na ng sakit, ang laki na ng bayarin natin sa ospital.” text ng kaniyang ama. Sinundan pa ito ng mensahe ng kaniyang asawa.
“Due date na ng kuryente bukas mahal, pati na rin ang tuition ni bunso ay kailangan na mabayaran sa linggong ito.”
Kahit anong gawin niya ay talagang kukulangin na ang kaniyang sahod. Di rin naman ganun kalaki ang kaniyang naipon. Habang siya’y tulalang naglalakad ay napansin niyang may makapal na usok ang nanggagaling sa isang bahay sa kanto. Nang lapitan niya ito ay malapit nang lamunin ng apoy ang buong bahay.
“Tulong! Tulungan niyo kami!” Sigaw ng babae sa loob.
Nagkakagulo na ang lahat ng tao sa labas at wala pa ring trak ng bumbero ang dumadating. Sinilip niya ang loob ng bahay at nakitang isang babae na may hawak na bata ang humihingi ng tulong.
“Wag kang gagalaw, iwasan mo ang apoy sa kurtina, papasukin ko ang bahay.” Sigaw niya.
Kinuha niya ang isang kumot na nakasampay sa bakuran at binasa ito ng tubig, binuhusan rin niya ang katawan bago buong pwersang tinadyakan ang umaapoy na pintuan, kailangan niyang kumilos ng mabilis dahil maari silang makulong sa loob anumang oras.
“Unahin mo na ang anak ko, iligtas mo siya.” Pakiusap ng babae habang umiiyak. Ibinalot niya sa bata ang basang kumot habang pilit na inaakay ang babae na malapit ng mawalan ng malay.
“Kumapit ka miss, wag kang bibitaw, laban lang.” wika niya.
“Ang anak ko, pakiusap ang anak ko.”
Sa kanilang paglalakad palabas ay biglang bumagsak ang nagniningas na kisame, mabuti na lamang at nailagan nila ito ngunit bahagyang nadaplisan ang likuran ni Renz.
“Aray!” Sigaw niya.
Naharangan na sila ng apoy at kailangan na nilang makahanap ng bagong daan palabas ng bahay. Sa kaniyang paglingon ay nakita niya ang isang salamin na bintana, inilapag muna niya saglit ang mag-ina at ilang ulit na hinampas ng upuan ang bintana bago nabasag.
“Tara na dalian mo! Huwag kang matakot.” wika niya sa nanghihinang babae.
Muli niyang inakay ang dalawa at tagumpay niyang nailabas ang mga ito ng buhay. Sakto namang dumating ang trak ng bumbero sa kanilang paglabas. Sumama rin siya sa ambulasya patungong ospital upang maipagamot ang mga natamong paso.
“Salamat kuya, maraming salamat. Utang ko sayo ang buhay naming mag-ina.”
“Wala kayong dapat ipagpasalamat, trabaho ko iyon.”
Makalipas ang ilang araw ay biglang sumulpot ang babae sa kanilang himpilan kasama ang asawa at anak nito.
“Magandang umaga ho, anong maipaglilingkod ko sa inyo.” Masayang bati niya.
“Renz naalala mo ba kami? Kami yung mag-inang iniligtas mo noong nakaraan.”
“Sobrang laki ng pasasalamat ko sa iyo, kung wala ka doon ay baka nawala na ang pamilya kong ito, kaya sana ay tanggapin mo ang munti kong regalo Renz.” Wika ng asawa ng babae sabay abot sa kaniya ng isang sobre.
Laking gulat niya nang makitang naglalaman ito ng napakalaking halaga ng salapi, sobra sobra pa ito para sa mga gastusin na kailangan niyang bayaran.
“Naku, sobrang dami naman po nito, hindi ko to matatanggap.”
“Renz, kulang pa iyan, buhay ng asawa at anak ko ang sinagip mo, napag-alaman ko din na mayroon kang dalawang anak, dahil sa kabutihang loob mo ay naisipan ko silang bigyan ng scholarship sa eskwelahang pagmamay-ari ng aming angkan.”
Hindi na nga napigilan ni Renz ang sarili at siya ay naluha, hindi niya tinanggihan ang scholarship na alok ng lalaki dahil kinabukasan ng kaniyang mga anak ang nakasalalay.
“Maraming salamat! Hindi niyo alam kung gaano ako kasaya ngayon, napakabuti ninyo. Mababayaran ko na ang bills ni inay sa ospital pati na ang kuryente at tubig namin.” Wika niya.
Tinapik ng lalaki ang kaniyang balikat at hinawakan ng bata ang kaniyang kamay, tila ba pinapatahan siya nito sa kaniyang pagluha. Nagpalakpakan naman ang mga bumberong nanonood sa kanila. Di nga nagtagal ay nagawaran din si Renz ng gantimpala para sa kaniyang dedikasyon sa trabaho.
Tunay ngang ang taong may tunay na malasakit sa kapwa ay ginagantimpalaan kahit hindi man niya ito inaasahan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!