Inday TrendingInday Trending
Inapi ng Seaman ang Nagtitinda ng Fishball, Napahiya Siya Nang Malamang Mas Mayaman Pala Ito sa Kanya

Inapi ng Seaman ang Nagtitinda ng Fishball, Napahiya Siya Nang Malamang Mas Mayaman Pala Ito sa Kanya

Tatlong taon na mula nang makaakyat sa barko si Rojer, ngayon lang ulit siya nakauwi sa Pilipinas. Syempre, bidang-bida siya sa mga kapitbahay, nakakaangat na kasi ng konti ang kanilang buhay. Naipagawa na niya ang ang kanilang bahay, dati itong kahoy at ngayon ay bato na. Sa private school nag-aaral ang kanyang dalawang anak at ang misis niya ay may maliit na sari-sari store. Excited na nga siyang makita ang mga dating kaklase, balita niya kasi ay may reunion sila sa isang linggo. Tiyak na maiinggit sa kanya ang mga ito, ipagmamalaki niya kung gaano na karami ang pera niya ngayon.

Pero ang totoo, ang sinasahod niya ay hindi naman kasing laki ng kanyang ipinagkakalat, nais niya lang talagang magyabang. Iniisip niya kasi, aba, kumpara naman sa mga kaklase niya rito sa Pinas ay angat siya ano! Hindi na siya katulad dati na factory worker lang, nakakadiri na para sa kanya ang ganoong trabaho. Kung magsalita siya ngayon ay parang hindi siya doon nanggaling, para bang ni minsan ay hindi napakain ng pagiging factory worker niya ang kanyang pamilya.

“Pa, saan ka na naman pupunta?” tanong ng kanyang misis, nakita kasi siya nitong papalabas ng pinto.

“Dyan lang sa park, magkikita kami ni pareng Ariel at iaabot niya raw iyong T-shirt natin sa reunion,” sabi niya at nagtuloy tuloy na sa labas.

Tinext siya ng kumpare na medyo male-late raw dahil may sakit ang anak kaya naupo nalang muna si Rojer doon, na-miss niya ang lugar nila. Naghihintay din siyang makakita ng kakilala upang malapitan ito at, syempre, para medyo magyabang sa mga narating niya.

Hindi naman siya nabigo dahil namukhaan niya ang isang lalaking nagtitinda ng fishball, malinis naman ang suot nitong T shirt na asul at disente namang tignan pero para sa kanya ay napakadumi nito, walang kwentang trabaho. Ito ay ang kaklase niyang si Mar, hindi sila ganoon ka-close pero nakita ni rojer ang pagkakataong ito upang ipahiya ang dating kamag-aral kaya nilapitan niya ito at nagpanggap na bibili.

“Rojer?” sabi naman nito, namukhaan siya. Umarte pang tila nagulat si Rojer, kunwari ay hindi niya nakilala agad ang kaharap.

“Mar? Uy! Kumusta pare?” tanong niya rito.

“Eto, hanapbuhay. Ikaw? Ngayon lang kita nakita ha,” nakangiting sabi nito, tinapik pa ang balikat niya.

Buti na lang suot ko ang kwintas kong ginto, sigurado ako’ng nakita niya na ito at naiinggit na siya, hah! sa isip isip ni Rojer.

“Eto seaman na.. ngayon nga lang nakauwi ng Pinas eh. Syempre, nagpapagawa kasi kami ng bahay ni misis at kukuha na rin ng kotse sa isang buwan pare,” kwento niya, bumubwelo na ng pagyayabang.

“Ba ayos yan, asensado ka na pala,” sabi naman nito, walang bahid ng pagkainggit.

“Hindi sa nagmamayabang pre. Sana kasi nagsumikap ka pa, I mean, tignan mo ako. Maganda ang buhay pero ikaw tignan mo naman, mahirap yan pre. Walang pamilyang nabubuhay sa fishball. Kuntento ka na ba na yan ang pinapakain sa mga anak mo?” sabi niya rito. Tila nagulat naman ang lalaki sa inasal niya pero hindi na pinansin iyon.

Matapos ang hindi pagsagot ng kaklase ay napagpasyahan na ni Rojer na umalis na lang doon, sa kabilang panig nalang ng park niya hihintayin si Ariel. Wala namang silbing kausap si Mar, ano ba ang mapupulot niya sa hamak na tindero ng fishball? Tatalikod na sana siya nang mapansin niya ang magandang kotseng nakaparada sa tabi ng kariton ng fishball.

“Tsaka pare, uron- urong mo itong kariton mo. Baka masagi mo iyang kotseng maganda, wala kang ibabayad dyan pre maniwala ka sakin. Siguro ikaw wala kang alam sa kotse pero ako nagtitingin-tingin nako kaya maalam ako dyan, ilayu-layo mo. Hindi kita pauutangin,” natatawang sabi niya bago tuluyan nang umalis.

Samantalang napapailing nalang si Mar habang iniaabot ang sandok ng fishball sa matandang lalaking kadarating lang.

Mabilis lumipas ang mga araw at reunion na nina Rojer, bago siya pumasok ng eskwelahan kung saan gaganapin ang program ay napansin niyang nakaparada rin ang magandang kotse sa gate noon. Hindi pangkaraniwan iyon at talagang mga mayayaman lang ang nagkakaroon kaya alam niyang ito rin ang nakita niya.

Pagpasok sa loob ay agad siyang sinalubong ng mga dating kaibigan, syempre ay todo siya sa pagyayabang.

“Hayaan mo pre, maraming chocolate doon sa bahay. Sawa na ang mga bata, napapanis lang eh. Aabutan kita pag nakadaan ka, “sabi niya sa isa. Tuloy siya sa pagkwento at biglang napangisi nang matanaw niya si Mar. Sinenyasan niya itong lumapit sa kanila at tumalima naman ang lalaki.

Hindi pa man nakakasalita si Mar ay sinimulan na ulit magyabang ni Rojer, mas masarap hiyain ang lalaki kapag may mga nakaharap.

“Eto pala si Fishball man eh! Alam nyo pare, master na to sa pagluluto e, kahit ano’ng gawin hindi maibili ng laruan ang mga anak. Sino’ng kikita doon? Kahit jackstone ay hindi mo mabibili!” sabi niya na sinundan pa ng pagtawa, di naman nakibo ang mga nakapaligid sa kanya, maging si Mar.

Kaya tinuloy niya ang pang aasar, “Sa totoo lang mga pare, aba pinayuhan ko yan nung isang linggo. Sabi ko iurong iyong kariton niya at huwag idikit sa magarang kotse, wala siyang pambayad. Hindi, diba? Realtalk lang brad!” sabi niya pa. Nakabibinging katahimikan pa rin ang sumunod kaya nagtaka na siya. Isa sa mga kausap niya ang naglakas loob na magsabi sa kanya ng katotohanan.

“K-kay Mar yung kotse..” sabi nito .

“Ha? Joke yan? May kotse si fishball man? Ayos ah!” sabi niya na akala ay nagbibiro ang kausap.

“Marami siyang negosyo.. may mga franchise sya sa mall, tapos yung fishball siguro na nakita mo ay isa lang sa maliliit na negosyong naitayo niya. Mara-“

Hindi na pinatapos pa ni Rojer ang nagsasalita at dali-dali siyang umalis sa lugar na iyon, kulang nalang ay lamunin siya ng lupa sa sobrang kahihiyan. Masyado siyang nabulagan ng tagumpay na hindi niya nakikitang siya na mismo ang lumulubog sa hukay ng kayabangang siya rin ang gumawa.

sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement