Inday TrendingInday Trending
Isang Black Lady ang Nagpaparamdam sa Jeepney Driver, Malaki Pala ang Kasalanan ng Lalaki Rito

Isang Black Lady ang Nagpaparamdam sa Jeepney Driver, Malaki Pala ang Kasalanan ng Lalaki Rito

Alas onse ng gabi nang diinan ni Lemuel ang silinyador. Humaginit ang pampasaherong jeep sa madilim na kalsada.

Pinagsisihan niya na nagpaabot siya ng ganoong oras sa pag-uwi. Ayaw na ayaw niyang dumadaan sa kalyeng iyon dahil mayroon siyang masamang karanasan sa lugar na iyon.

Umalon ang kanyang dibdib. Muling pinaharurot ang sasakyan.

Halos lumipad siya sa pagmamaneho nang mula sa malayo ay matanlawan ng ilaw ng sasakyan ang isang taong nakasuot ng kulay itim na damit. Pinapara siya nito.

Kinilabutan si Lemuel.

“Siya na naman? Palagi na lang bang ganito?” sabi niya sa isip.

“Bahala na!”

Umangat ang gulong ng sasakyan. Parang mayroon siyang nasagasaan. Mas lalo siyang kinabahan.

“Diyos ko, may nasagasaan ako!” hintakot niyang sambit. “P-pero hindi..siguradong black lady iyon!”

Gayunman ay unti-unting nagpreno si Lemuel. Umaalon ang kanyang dibdib sa kaba.

Magkahalo ang takot at sundot ng kunsensiya’y nagpasiya siyang balikan ang lugar na kinakitaan sa babaing naka-itim.

Nagulat siya nang makitang wala na ang nakatayong taong naka-itim na kanina ay pumapara sa kanya. Pero higit na nagpasikdo sa kanyang dibdib ang tumpok ng damit na itim na nakalugmok sa daan.

“Anak ng..t-tao nga! Nakasagasa nga ako!”

Nangatog ang kanyang tuhod. Hindi niya alam ang gagawin. Dadalhin ba niya sa ospital ang nasagasaan?

Pero sa tingin niya ay hindi na rin ito aabot ng buhay sa ospital kung sakali. Napakalayo pa naman ng nag-iisang ospital sa lugar na iyon.

Kapag hindi niya iniwan ang nasagasaan ay posibleng makulong siya lalo at lalabas sa imbestigasyon na siya ang nakadisgrasya rito. Hindi niya gustong mabilanggo.

Dala ng kuryosidad ay kinuha niya ang dalang flashlight at bumaba siya ng sasakyan. Titingnan niya ang nasagasaan. Iyon man lang ay magawa niya para rito.

Itinutok niya ang flashlight sa tumpok ng damit. Lalo siyang kinilabutan dahil tumpok lang iyon ng damit at walang tao na naroon.

“Naknampating..! Iba na ito!” malakas niyang sabi.

Minumulto nga siya. Black lady ang nasagasaan niya.

Halos liparin niya ang kinaroroonan ng jeep. Nanlaki ang kanyang ulo.

Nang bigla siyang mapaurong sa takot dahil nasa manibela ng sasakyan ang black lady. Nakatingin ito sa kanya pero hindi niya kita ang kabuuan ng mukha nito dahil madilim ang paligid. Hindi niya maitutok ang hawak na flashlight dahil hindi na rin siya makagalaw sa sobrang takot.

Pinaandar ng black lady ang sasakyan na hindi man lang nito ginagalaw ang manibela.

“Lemuel, lemuel, gumising ka nga! Baka nananaginip ka lang! Gising!” giit niya sa sarili. Gusto niyang paniwalain ang sarili na hindi totoo ang nakikita niya.

“Hindi ka totoo! Tigilan mo na ako!” sigaw pa niya.

Bigla na lamang bumalik sa kanyang alaala, isang gabing nakainom siya kasama ang mga kabarkada kaya ginabi siya sa pagpasada. Umiikot ang paningin niya at hindi niya napansin ang babaeng nakaitim na tumatawid.

Maya-maya ay mula sa malayo, nakakita siya ng ilaw ng isang parating na sasakyan.

Nabuhayan siya ng loob. Mahigpit na hinawakan ang flashlight. Pinindot niya iyon at pinagalaw-galaw para mapansin siya ng parating na sasakyan.

“Para! Para!” sigaw niya, iniharang ang katawan at idinipa ang dalawang kamay.

Ngunit hindi niya inasahan ang sumunod na pangyayari..

Sinagasaan siya nito.

Alam niyang buhay pa siya. Lasog man ang kanyang katawan ay buhay pa siya.

Narinig niya ang paghinto ng sasakyan. Binalikan siya.

Pinilit niyang magsalita ngunit walang boses na lumabas sa kanyang bibig.

“T-tulungan niyoo ako!” sabi niya sa sarili.

“Naku, ang akala ko’y multo,” narinig niyang hintakot na sabi ng tinig ng lalaki.

“Iniwasan mo na lang kasi..” paninisi ng isa namang tinig ng babae.

“Akala ko nga kasi multo at tatagos sa kotse! Ilang beses ko nang nakita ang multong iyon at hindi ko man lang nasagasaan pero ngayon ang akala ko’y multo ang sinagasaan ko!”

“Anong gagawin natin?” tanong ng tinig ng babae.

“E, ano pa, e di iiwan natin siya rito. Hindi rin siya aabot sa ospital. Malayo ang pagamutan dito. Saka siguradong mananagot ako sa batas kapag nalamang ako ang nakasagasa,” wika ng tinig ng lalaki.

“Ano, iiwan natin rito?”

“Siyempre. Wala namang nakakita, e. Walang testigo. Kaya tayo na. Baka may maligaw pang sasakyan dito!”

Narinig ni Lemuel ang mabilis na hakbang ng papalayong mga yabag.

“Huwag nyo ako iwan dito!” pigil niya sa mga ito.

Walang makakarinig sa kanya dahil tanging isip lang niya ang gumagana sa kanyang katawan.

Isang pangyayari ang naging malinaw sa kanyang gunita.

Isang gabi ay nagmamaneho siya pauwi nang biglang may sumulpot na babaeng nakasuot ng itim na damit at aksidente niya iyong nasagasaan. Hindi malinaw sa kanya kung saan nagmula ang babae at hindi rin niya sinasadya ang nagawa dahil lasing din siya ng mga oras na iyon. Tinakbuhan niya ang babae at nangakong hindi na titikim ng alak.

Sa kalunus-lunos na nangyari sa kanya ay nagbayad na rin siya sa nagawang kasalanan sa babaeng naka-itim.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement