Inday TrendingInday Trending
Tagu-taguan, Maliwanag ang Buwan

Tagu-taguan, Maliwanag ang Buwan

Makalipas ang labinlimang taong hindi pagkikita, napagdesisyunan ng angkang Villarete ang magkita-kitang muli bilang grand reunion ng kanilang pamilya.

Napakalapit sa isa’t-isa ng magpipinsang sina Ricky, Jessica, Arnold, at Rebecca noong mga bata pa sila. Sabay-sabay kasi silang lumaki sa pangangalaga ng kanilang ngayong yumao nang lola na si Lola Rosario. Ngunit mabilis na lumipas ang mga taon at unti-unti na ring nagkahiwa-hiwalay ang apat dahil sa pagkaabala sa kani-kanilang buhay. Bihirang-bihira na rin nilang nadalaw ang Lola Rosario nila bago pa man ito pumanaw isang taon pa lamang ang nakakalipas.

“Ricky! Kumusta?! Lumalaki ang tiyan natin ah! Anak mo na ba ‘yan?!” sigaw ni Arnold nang unang makita ang pinsang si Ricky matapos niyang bumaba sa sinasakyang motor.

“Aba’y mapang-puna ka pa rin, Arnold! Kumusta, insan?! Ganda ng motor mo ah!” sagot naman nito.

Dahil napakatagal na hindi nakapagkita, nagkwentuhan muna ang dalawa. Maya-maya pa ay dumating na rin si Jessica at Rebecca.

“Nariyan na ang dalawang maria! Kumusta?!” sigaw ng dalawang lalaki nang mamataan ang dalawa. Ngunit nakaramdam ng tensyon si Ricky at Arnold nang makitang hindi nagpapansinan ang dalawang dalaga.

“O, Kuya Ricky at Kuya Arnold, buti at nakarating kayo. Musta?” walang siglang bati ni Jessica na halatang iniiwasan ang magtagpo sila ng tingin ni Rebecca.

“Aba, teka. Magkaaway ba kayo? Marami na ba kaming isyung hindi alam sa inyo, ha?” natatawa pang pang-aasar ni Arnold habang nakaakbay kay Ricky.

Hindi sumagot ang dalawang dilag at inirapan lamang ang dalawang nakatatandang pinsan. Natigilan ang kamustahan ng apat nang lapitan sila ng nakababatang kapatid ni Lola Rosario na si Lola Celia.

“Nakakatuwa naman kayong pagmasdan! Ang laki na ng pinagbago ng mga hitsura ninyo! Pero naaalala ko pa rin kayong nagtatakbuhan dito sa hardin ni Ate Rosario. Kung nandito lamang siya’y sigurado akong matutuwa iyon kapag nakita kayong magkakasamang muli,” nakangiting wika ni Lola Celia habang niyayakap ang apat.

Doon nakakuha ng ideya si Arnold.

“Malamang malaki ang tampo ni lola sa atin dahil hindi tayo nagkaabot-abot noong araw ng libing niya. Gusto niyo bang maglaro ng tagu-taguan, gaya ng dati?” suhestiyo ni Arnold.

“Ay, gusto ko ‘yan! Dating gawi, tara!” pagsang-ayon ni Ricky.

“Tagu-taguan? Nako, magaling si Jessica diyan. Magaling na magaling! Tara!” nang-iinis na sabi ni Rebecca. Halata sa mga pananalita niya na may lamang hinanakit ang mga sinasabi niya kay Jessica.

Nagsimulang maglaro ang apat. Si Ricky ang naatasang unang maging “taya” at hahanap sa mga magtatago niyang pinsan. Noon pa ma’y siya ang laging taya dahil siya ang panganay sa kanilang apat. Napagkasunduan nilang sa loob lamang ng bahay ni Lola Rosario ang mga lugar na pwedeng pagtaguan.

“Pagkabilang kong tatlo, nakatago na kayo! Isa… Dalawa… Tatlo!” natatawang sigaw ni Ricky sa kanyang mga pinsan.

Kanya-kanya ng lugar ang pinagtaguan ng tatlo. Nagsimula nang maghanap si Ricky, ngunit sa gitna ng paghahanap ay isang kakaibang pintuan ang kanyang napansing tila ba nakatago sa may kusina ni Lola Rosario. Dahan-dahan niya itong binuksan dahil iniisip niyang maaaring doon nagtatago ang isa sa mga pinsan niya.

Ngunit laking gulat niya nang makita ang apat na kahon na nakalagay sa isang malaking mesa sa silid na iyon.

“Ricky, Rebecca, Arnold, Jessica” nakasulat sa kani-kaniyang kahon. Isang sulat din ang nakapatong sa ibabaw ng mesa. Agad na tinipon ni Ricky ang mga pinsan niya upang sabay-sabay nilang basahin ang nilalaman ng sulat.

“Mga mahal kong apo, sigurado akong mababasa ninyo ito sa panahong wala na ako sa mundo. Una sa lahat, gusto kong malaman ninyong mahal na mahal ko kayo. Kahit na wala na kayong panahon na dalawin ako rito, madalas pa rin akong nakikibalita sa mga buhay-buhay ninyo. Buksan ninyo ang mga regalong inihanda ko para sa inyo. Nawa’y makatulong ang mga ito upang maisaayos ang kani-kaniyang problema sa buhay ninyo. Ang tanging hiling ko lamang ay magmahalan kayo at mas dalasan pa ninyo ang pagkikita ninyo. Nagmamahal, Lola Rosario”

Nagmadali ang apat na buksan ang kani-kaniyang kahon.

Laman ng kay Ricky ay ang titulo ng bahay ni Lola Rosario. Kasama nito ang maiksing sulat muli na galing kay lola. “Nabalitaan kong naghihikahos ka kasama ng iyong mag-ina sa paghahanap ng matitirhang bahay. Sana ay makabawas sa mga poproblemahin mo kapag sa iyo na ang bahay na ito.”

Nang buksan ni Arnold ang sa kanya, laman nito ang isang gintong kwintas na may larawan ng kanyang ama’t ina. “Alam kong matagal mo nang hinahanap pa rin ang iyong ama kahit matagal ka na niyang inabandona. Para sa ikapapanatag ng loob mo, narito ang address niya. Siya na ang magpapaliwanag ng lahat ng nangyari sa kanila ng iyong ina.”

Para naman kay Jessica at Rebecca, tig-isang piraso ng gintong payneta ng kanilang lola. Pareho ang nilalaman ng sulat na nakapaloob sa kanilang mga kahon. “Nabalitaan kong hindi kayo magkasundo ngayon dahil sa pag-aagawan sa iisang lalaki. Ano ba naman kayo, mga hija? Sisirain niyo ba ang pagiging magpinsan ninyo nang dahil sa isang lalaking may sarili na ring pamilya? Tanda ng paynetang ito ang tanda ng pagiging mayuming dalagang Pilipina ng ating lahi. Utang na loob, tigilan na ninyo ang pag-aaway nang dahil sa lalaking walang kakwenta-kwenta. Balang araw ay makakahanap din kayo ng lalaking magmamahal sa inyo na kagaya ng pagmamahal sa akin ng lolo ninyo.”

Hindi na napansin ng apat na sabay sabay na ang pagtulo ng luha sa kani-kanilang mga mata. Wala silang kaalam-alam na kahit nalayo sila sa kanilang lola sa loob ng mahabang panahon ay hindi sila nito pinabayaan at kinalimutan.

Agad naisaayos ng dalawang dalaga ang kanilang hindi pagkakasunduan. Napagdesisyunan nilang sabay nang kalimutan ang lalaking pinag-aawayan. Si Arnold naman ay sa wakas ay napanatag na ang loob nang malaman ang istorya sa hiwalayan ng kaniyang ama’t ina. At si Ricky naman ay nagkaroon ng maginhawang pamumuhay kasama ng kanyang mag-ina nang dahil sa pamana sa kanya ng kanyang lola.

Sa gabing iyon, sabay-sabay na nagdasal ang apat para pasasalamat sa kaluluwa ng yumao nilang mapagmahal na lola. Hinding-hindi nila malilimutan ang wagas na pagmamahal at walang kapantay na pag-aalagang ibinigay nito sa kanila noong sila ay mga bata pa.

Advertisement