Inday TrendingInday Trending
Umuwi Man ang Anak mula sa Ibang Bansa, Kailangan Niyang Harapin ang Lihim na Nagdulot ng Pagkabasag ng Puso ng Kaniyang Ina

Umuwi Man ang Anak mula sa Ibang Bansa, Kailangan Niyang Harapin ang Lihim na Nagdulot ng Pagkabasag ng Puso ng Kaniyang Ina

“Anak, kaunting tulong lang naman sa Papa mo. Medyo marami na kasing kailangang bilhin sa mga gamot niya. Baka lang naman may ekstra ka diyan…”

Nanginginig pa ang tinig ni Aling Lorna nang kausapin niya sa pamamagitan ng video call ang anak na si Lorraine na nagtatrabaho bilang hotel manager sa Dubai.

Ayaw niya sanang kontakin ang nag-iisang anak na abala sa trabaho sa ibang bansa. Alam niya na kasi ang magiging reaksiyon nito. Pagkairita. Singhal.

Kabisado na niya ang nag-iisang anak nila ni Poldo. Palibhasa’y only child kaya aminado silang napalaki nila sa layaw si Lorraine. Lahat ng mga kapritso ay naibigay nila. Mahal na mahal nila ang anak dahil dumating ito sa buhay nilang mag-asawa, na buong akala nila, hindi na sila bibiyayaan ng anak.

Hindi nila akalaing darating ang pagkakataong iiwanan sila ni Lorraine pagkatapos nito sa kolehiyo sa kursong Hotel and Restaurant Management. Tanggap naman nilang mag-asawa na may sariling buhay ang anak, subalit tila punyal na tumarak sa puso’t isipan nilang mag-asawa ang mga salitang binitiwan nito nang magdesisyong magtrabaho sa Dubai.

“Walang hihingi sa akin ng pera doon ha? Tapos na ang obligasyon ninyo sa akin bilang mga magulang kaya tatayo ako sa sarili kong mga paa. Hindi responsibilidad ng anak ang magulang. Hindi ko kayo responsibilidad.”

Dalawang taon nang nasa Dubai si Lorraine at ni minsan, hindi nangahas ang mag-asawang Lorna at Poldo na humingi ng pera sa anak, bagama’t paminsan ay kinukumusta nila ito. Sumasagot naman ang anak subalit matipid lamang at laging nagmamadali, sa pag-aakalang hihirit sa kaniya ng kahit ano ang mga magulang. Subalit sa mga pagtawag at pangungumusta sa kaniya ng ama at ina, hindi man nasasagot, sadyang hindi sinasagot, o sinasagot nang matamlay, ni minsan ay wala siyang narinig na pag-amot mula sa kanila.

Maliban na lamang ngayon. Nagkasakit si Poldo matapos mapag-alamang may namumuong cyst sa kaniyang sikmura. Sa ngayon, kailangan daw inuman muna ng gamot upang alamin kung kayang tunawin ng kemikal. Kapag hindi, operasyon ang lunas. Subalit hindi ito inirerekomenda ng doktor dahil high blood si Poldo at baka hindi kayanin ng katawan. 

Kaya lakas-loob na tinawagan ni Lorna si Lorraine para humingi ng tulong sa anak. 

“Ma, wala akong pera. May pinag-iipunan ako rito. Hindi man lang ba kayo nag-ipon sa pagtitinda ninyo ng isda sa palengke? Hindi na nga ako humihingi sa inyo, hindi pa kayo nag-ipon?” naiiritang sabi ni Lorraine sa kaniyang ina. 

“A-Anak, kuwan kasi, napupunta kasi sa maintenance ng Papa mo sa high blood niya saka siyempre may bills din kaming binabayaran. Nagpakabit kami ng aircon dahil mainit, para hindi tumaas BP ng Papa mo. Kaunting tulong lang naman anak…”

“Iyan na nga ba sinasabi ko eh. Puwede naman kayo bumili na lang ng electric fan, pa-aircon-aircon pa kayo. Wala naman pala kayong pambayad. Ma, nag-iipon ako para sa kasal ko at magiging anak namin ni Greg. Pero sige, tingnan ko kung makakapag-abot ako, tawagan kita sa makalawa,” saad ni Lorraine na hindi maipinta ang mukha.

Bahagyang nagliwanag ang mukha ni Aling Lorna.

“Salamat, anak. Lagi kang mag-iingat diyan. Huwag pababayaan ang sarili. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo. Hintayin ko na lang ang ipadadala mo, kahit magkano.”

Iyon ang huling usapan nila ni Lorraine.

Lumipas ang tatlong araw, tatlong linggo, at tatlong buwan.

Sinusubukang tawagan araw-araw ni Aling Lorna ang anak sa Messenger, nagpapadala ng mensahe, sa pamamagitan ng chat o kaya ay recorded audio message subalit tila hindi man lamang ito sinisilip o binabasa ng anak.

Nangingibabaw ang iba’t ibang damdamin ng ina para sa anak. Naroon ang pag-aalala. Anong nangyari sa kaniya? Bakit hindi sumasagot ang anak? Ni hindi man lang binabasa. Nakararamdam din siya ng hinanakit. Ano bang klaseng anak ito? Ibinigay naman nila ang lahat ng klase ng pag-aaruga sa kaniya subalit tila walang pagmamahal sa kanila ang anak. Parang ayaw na nitong lumingon sa pinanggalingan. Parang hindi sila ang magulang. Parang ibang tao sila sa buhay nito. 

Pero hindi niya masisisi si Lorraine. Siguro hanggang ngayon, masama pa rin ang loob nito sa kaniya nang tumulak siya sa Hong Kong para mag-OFW. Mga siyam na taong gulang pa lang noon si Lorraine. Pero kailangan niyang gawin ang pag-alis dahil hindi makapagtrabaho si Poldo dahil sa high blood, na madaling mahilo. Siya ang nag-alaga kay Lorraine. Dalawang taon lang siya sa Hong Kong dahil hindi niya kinaya ang pangungulila. 

Sa pag-uwi niya sa Pilipinas, napansin niyang ilag na sa kaniya si Lorraine, gayundin sa kaniyang Papa. At sa katatanong niya sa mga kaanak, natuklasan niyang nalulon daw ang asawang si Poldo sa sabong kaya napabayaan si Lorraine. 

Ngunit matapos nilang mag-usap mag-asawa, pinatawad ni Aling Lorna si Mang Poldo at sinabi nilang babawi sila sa anak. Subalit kahit anong gawin nila, para bang may malaking pader nang nakapagitan sa kanila. 

Kaya wala silang nagawa nang tumulak sa Dubai si Lorraine at iwanan sila. 

Lumipas pa ang dalawang buwan, wala pa ring paramdam mula kay Lorraine. Hindi rin alam ni Aling Lorna kung paano kokontakin ang anak para ipaalam ditong pumanaw na ang ama. Hindi na lamang nagising si Mang Poldo. Sa pagkakataong ito, ang rason ng pagkontak niya sa anak ay para ipaalam sa kaniyang yumao na ang ama. 

Hanggang sa mailibing si Mang Poldo, walang Lorraine na umuwi ng Pilipinas para sulyapan sa huling sandali ang labi ng mga ama. 

Kaliwa’t kanang parinig sa social media ang ipinost ng mga pinsan ni Lorraine para lamang iparating sa kaniya ang pagkadismaya sa hindi man lamang pag-uwi sa Pilipinas para maihatid sa huling hantungan ang pumanaw na ama. Masasakit na mga salita ang ipinukol sa kaniya: walang utang na loob, inggrata, makasarili, at kung ano-ano pa. 

Sa halip na pigilan ang mga kaanak ay walang ginawa si Aling Lorna. Sa bigat ng mga nangyari sa nagdaang buwan, aaminin niyang ang sigaw, tungayaw, at bulyaw ng mga pamangkin kay Lorraine at sigaw, tungayaw, at bulyaw na rin ng kaniyang puso para sa anak, na ni ha ni ho ay wala man lang. 

Habang dumaraan ang mga araw, habang tumatagal na pumapasok na sa isipan ni Aling Lorna na wala na ang mister, kinalimutan na siya ng anak, at mag-isa na lamang siya sa buhay, inisip na lamang ni Aling Lorna na patay na rin si Lorraine. Namuhay siyang mag-isa sa loob ng isang dekada. 

Malaki ang itinanda ng hitsura ni Aling Lorna dulot na marahil ng labis na kalungkutan sa buhay, dinagdagan pa ng araw-araw na pagtitinda sa palengke para sa sarili. Halos wala siyang pahinga upang lunurin ang sarili sa mga isipin. 

Hanggang isang araw, pagkauwi niya mula sa palengke, muntik na niyang mabitiwan ang mga bitbit na timba nang bumungad sa kaniya ang isang pamilyar na bulto ng babae; may edad na ito at lumobo na ang katawan, subalit kilala niya kung sino ito. 

Si Lorraine.

Nagtama ang mga mata nilang mag-ina. Walang gustong mangusap. Walang gustong mauna. Subalit natalo si Lorraine. Una munang lumandas ang mga luha nito sa mga mata bago nagsalita.

“M-Ma… k-kumusta po? Pasensya na kung ngayon lang ako nakauwi ng Pilipinas,” lumuluhang sabi ni Lorraine. 

Hindi nakapagsalita si Aling Lorna. Nakatingin lamang siya sa anak. Subalit si Lorraine na mismo ang nagbukas ng paliwanag kung anong nangyari sa kaniya. 

“Ma, patawarin n’yo po ako. Aaminin ko, noong tumawag kayo sa akin noon para humingi ng tulong para kay Papa, nagmatigas ako. Hindi talaga ako nakipag-usap sa inyo. Saka iyon din ang kondisyon sa akin ng Arabyano kong boyfriend noon. Sabi niya, hindi niya ako pakakasalan kapag patuloy akong makikipag-usap o magpapadala ng tulong sa inyo. Ayaw daw niya sa kulturang Pilipino na pagtulong ng mga anak sa mga magulang nila,” lumuluhang paliwanag ni Lorraine. 

“Ma, alam kong namatay na si Papa pero pinagbawalan ako ng boyfriend kong umuwi sa Pilipinas. Nang mga panahong iyon ay buntis na ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Gusto kong umuwi ng Pilipinas pero natatakot akong sumuway sa kaniya dahil baka hindi niya ako pakasalan at hindi niya panagutan ang anak namin. Kaya tiniis ko ang lahat. Tinalikuran ko kayo. Iyon din naman ang gusto ko una pa lang, na tumayong mag-isa sa sarili ko dahil ayoko nang maiwanan at mapabayaan, gaya nang nangyari noon.”

“Pero Ma, ang sakit pala, ang sakit palang bastusin at tingnan ng anak na parang ibang tao. Parang hindi ako nanay kung tratuhin ng anak ko. Iyan kasi ang sinabi sa kaniya ng tatay niya na asawa ko na ngayon. Parang kasambahay ang trato niya sa akin Ma. At nasasaktan ako. Ngayong ako na ang magulang na binabastos ng anak, na pinaparamdamang hindi kailangan sa buhay, alam ko na kung gaano kasakit. Nauunawaan ko na ngayon ang nararamdaman ninyo, Ma. Ninyo ni Papa. Patawarin ninyo ako, Ma. Patawad po!” 

Walang sali-salitang nilapitan ni Aling Lorna si Lorraine at niyakap siya nang mahigpit na mahigpit. 

“Anak, Lorraine… hindi mo pa man hinihingi, napatawad na kita. Oo nasaktan at nagdamdam ako sa mga ginawa mo, pero hindi maaalis sa akin ang pagiging magulang. Ako ang nagluwal sa iyo. Dugo’t laman. Alam kong nasaan man ang Papa mo ngayon, napatawad ka na rin niya.”

Kinabukasan, sabay na pinuntahan ng mag-ina ang puntod ni Mang Poldo. Inalayan nila ng bulaklak at kandila. 

Muling nagkasundo ang mag-ina, at ipinangako ni Lorraine sa kaniyang ina na babawi siya rito. Ipinangako rin niya kay Aling Lorna na gagawin niya ang lahat upang maayos ang ugali ng kaniyang anak.

Advertisement