Inday TrendingInday Trending
Hindi Kami Magkasundo ng Biyenan Ko

Hindi Kami Magkasundo ng Biyenan Ko

Mula noong nagsama si Carmen at Antonio ay hindi na niya nakasundo ang kanyang biyenan. Sinusunod naman niya ang lahat ng inuutos nito ngunit minsan talaga ay sumusobra na ito sa kaniya kaya minsan ay nasasagot na niya ang ina ng kanyang asawa.

Ayaw pa naman niyang sagutin ito dahil ang sabi ng kaniyang mama ay masamang sumagot sa biyenan. Pero talagang minsan ay sumusobra na ito. Kahit ang pag-inom niya ng malamig na tubig ay binabantayan ng biyenan. Umabot siya sa sukdulan kaya nai-stress na siya. Nawalan siya ng ganang kumain at lagi na siyang natutulala.

Sa sobrang pag-aalala ni Antonio ay pina-checkup niya ang kaniyang asawa at nalaman nilang meron itong postpartum depression sanhi ng sobrang pag-iisip.

“Antonio, bumukod na lang tayo, please. Ayoko pang m*matay dahil sa kakaisip ng kung ano-ano,” pakiusap ni Carmen sa asawa. “Pero nag-iisa na lang si mama sa buhay. Matanda na siya at baka kung anong masama ang mangyari sa kaniya kapag iniwan natin siya,” malungkot na sagot ni Antonio.

“Ayoko ng tumira sa bahay na kasama ang mama mo. Uuwi na lang kami ng mga anak natin sa probinsya. Doon na lang kami. Ayoko na dito. Baka tuluyan na akong mabaliw.”

Kahit ayaw ni Carmen ay wala siyang nagawa kung hindi ang umuwi pa rin sa bahay nila kung saan nakatira ang kaniyang biyenan.

“Maayos na ba ang lagay mo, Carmen?” tanong nito sabay upo sa tabi niya.

Mas pinili ni Carmen na huwag itong sagutin. Iisipin na lamang niyang hindi niya ito nakikita at naririnig. Baka sakaling sa ganoong paraan ay hindi na siya ma-stress dito.

“Ang sabi ni Antonio ay ako ang dahilan kaya ka nagkasakit,” anito.

Wala pa rin siyang balak sagutin ang biyenan. Mas maiging alam nito na ito ang dahilan kaya siya nai-stress.

“Pasensya ka na, Carmen, kung lagi kitang nabubungangaan. Iyong mga ginagawa ko’y para lang naman sa iyo. Pasensya ka na kung hindi ko alam kung paano ka pakibagayan. Nasanay lang siguro ako noon na si Antonio lang ang inaalagaan ko. Ngayon kasi ay may anak na akong babae. May tatlo pa akong apo na mga gwapo at magaganda. Nahirapan akong mag-adjust. Nahirapan ako kasi biglang lumaki ang iisipin ko. Maaga kasi akong iniwan ng papa ni Antonio kaya nasanay akong kami lang dalawa. Nasanay akong siya lang ang inaalagaan ko. Sa totoo lang kasi sadyang masunurin sa’kin si Antonio kaya hindi ako nahirapan at nasanay ako ng ganoon. Hindi ko naisip na magkakaiba ang ugali ng mga tao.”

Nilingon niya ang biyenan nung nagsimula itong humikbi.

“Pinagsasabihan kita ng mga bagay na alam kong bawal. Ang hilig mong uminom ng malamig na tubig lalo na’t umiinom ka ng gamot. Pinagsasabihan kita kasi baka sumakit ang tiyan mo. Ang hilig mo pang mag-stock ng junk food. Iniisip ko lang naman na baka magkasakit kayo sa kakakain ng maalat. Minsan din hindi ko maiwasan na pagalitan ka kapag sumusobra ka na sa mga anak mo. Hindi naman iyon dahil kunsintidor akong lola. Pinapatigil kita dahil ayokong ma-stress ka at kinakausap ko ng masinsinan ang mga apo ko dahil iyon ang pagpapalaki ko kay Antonio. Patawarin mo ako kung masyado akong kontrabida sa buhay mo kaya ka nagkasakit. Hayaan mo. Ako na ang aalis. Kumuha na ako ng ticket ng bus kanina. Uuwi na lang ako ng Bicol.” Niyakap siya ng biyenan at tsaka umakyat sa taas upang magpahinga na.

Nung naiwan na si Carmen mag-isa ay tsaka lang siya nakapag-isip-isip. Ngayon lang niya napagtanto ang lahat ng ginagawa ng kaniyang biyenan. Akala niya noon ay sarado ang isipan nito sa kaniya iyon pala ay siya ang sarado ang isipan para sa biyenan at agad niyang minamasama ang lahat ng ginagawa nito. Hindi niya napagtanto na ginagawa lang nito ang lahat ng makakabuti para sa kanya at sa pamilya niya. Hindi niya maiwasang hindi maiyak. Siya ang may kasalanan sa biyenan niya.

Kinabukasan ay maaga siyang nagising upang magluto. Nilutuan niya ang kaniyang biyenan na si Soledad ng paborito nitong tinolang manok na walang Knorr cubes kung hindi tanging tanglad lang ang pampabango at asin at betsin lang ang pampalasa. Lutong probinsya!

“Ma, kumain ka na po. Nilutuan kita ng paborito mo,” malapad ang ngiti ni Carmen sa kaniyang biyenan. “Salamat, Carmen, ito nga ang paborito ko,” masaya nitong tinitigan ang kaniyang niluto.

“Ma, huwag ka na pong umuwi. Ipa-refund na lang natin iyong ticket mo,” suhestiyon ni Carmen. “Pero baka magkasakit ka na naman dahil sa’kin,” tugon ni Soledad.

“Sorry, ma, kung naging sarado ang isipan ko noon. Hindi ko nakita na ginagawa mo lang ang lahat para sa’min. Sorry po, ma, kaya huwag ka na pong umuwi ng Bicol. Dito ka na lang. Kahit magbangayan pa tayo araw-araw basta dito ka na lang. Simula po ngayon hindi ko na po mamasamain ang lahat ng sasabihin mo sa’kin,” umiiyak na wika ni Carmen.

Niyakap naman siya ng mahigpit ni Soledad. “Kahit minsan, Carmen, ay hindi ako nagalit sa’yo kahit na lagi kitang binubungangaan. Bilib na bilib nga ako sa’yo kasi nakakaya mo ang lahat. May tatlong anak kang inaalagaan. Nandiyan pa ang anak kong inaalagaan mo. Ako nga nahirapan na ako noon nung si Antonio pa lang ang inaalagaan ko,” ngumisi ito.

“Nakakaya ko ang lahat, ma, kasi nandiyan ka kaya huwag ka na pong umuwi, ah. Magtatampo talaga ako sa inyo,” aniya dahilan para matawa ito ng malakas.

Simula nung araw na iyon ay nagkasundo na silang dalawa. Hindi na niya minamasama ang pagsaway nito sa kaniya at sa mga anak niya. Pinapakinggan na ni Carmen kung ano man ang sinasabi ng biyenan niya dahil alam naman niyang wala itong ibang gusto kung hindi ang kabutihan nila.

Ang sabi nga ng karamihan ay mother knows best! Kaya dapat ay pakinggan natin sila at lawakan ang ating isipan. Huwag nating dibdibin ang kanilang mga sinasabi lalo na kung hindi tayo sang-ayon dito dahil ang tangi lang nilang hangarin ay ang mapabuti tayo.

Advertisement