Inday TrendingInday Trending
Beki Man sa Inyong Paningin

Beki Man sa Inyong Paningin

Nakatikwas na mga daliri, kumikembot na balakang. Matinis na boses at mga salitang ’di basta maiintindihan ng kung sino lang. ’Yan ang tatak ng isang certified beki na si Alon—o mas kilala bilang Alona sa kanilang lugar.

Pero sino’ng nagsabi na hindi niya kayang magmahal ng babae? E, head-over-heels nga siya kay Sasha, ang kabaranggay niyang maganda!

Madalas siyang maging tampulan ng biro ng mga nag-iinuman sa kanto o ’di kaya’y maging lapitin ng tuksuhan at pambubuska mula sa ibang tao. Ganoon pa man, isang mabuting tao si Alon, at iyon ang dahilan kung bakit unti-unti na niyang nakukuha ang puso ng babaeng nililigawan niya.

Ngunit hindi nagiging madali ang lahat para kina Alon at Sasha, dahil hindi pabor ang ina ni Sasha sa kanila.

“Ano’ng mapapala mo sa pagboboypren ng binabae, Sasha? Hindi ka mabibigyan n’yan ng tahimik at maayos na buhay!” narinig niyang sermon ng ina ni Sasha sa dalaga, isang umagang dumalaw si Alon sa kanila.

May dala siya noong bulaklak at tsokolate para sa kaniyang itinuturing na prinsesa. Kung ang iba’y mapapaatras na dahil sa tabil ng dila ni Aling Cintia, si Alon ay hindi. Dumiretso siya sa tapat ng pintuan ng bahay at doon ay kumatok.

“Tao po!”

Agad namang pinagbuksan ni Sasha si Alon. Nakangiti ang dalaga sa kaniya nang mabungaran niya.

“Hi, beautiful!” magiliw na bati ni Alon sa dalaga.

Sa likod naman ni Sasha ay kunwaring umubo-ubo si Aling Cintia kaya’t nabaling ang atensyon ni Alon sa kaniya. “Oh…hi, isa pang beautiful!” aniya.

“Wag mo akong bola-bolahin, Alona, at hindi mo ako madadala sa ganiyan,” sagot naman nito na agad na nakapagpawala sa ngiti ni Sasha. Ngunit si Alon ay nanatiling nakangiti lang na tumango.

“Tatapatin na kita, Alona, ha? Hindi kita gusto para sa anak ko,” mariing pahayag ni Aling Cintia sa beking si Alon.

“Alam ko po, ’Nay,” sagot naman niya na hindi man lang nasisindak kahit pinanlalakihan siya ng mata nito.

“Aba’t—”

“Pero, patutunayan ko po ang sarili ko sa inyo, ’Nay…na kahit isa akong dyosa, kaya ko ring magpakaprinsipe para sa prinsesa n’yo.” Iyon ang huling mga salita ni Alon bago siya magpaalam na aalis na. Tameme si Aling Cintia.

Lumipas ang panahon at patuloy na hinadlangan ni Aling Cintia ang pag-iibigan nina Alon at Sasha. Umabot pa sa puntong inilayo ni Aling Cintia sa lugar na iyon si Sasha at walang nakakaalam kung saan sila nagpunta. Hinanap sila ni Alon, ngunit nabigo lang siya. Labis na nalungkot si Alon sa nangyari, ngunit minabuti niyang ipagpatuloy na lang ang buhay.

Nagsikap si Alon. Nagtrabaho siya, araw man o gabi, hanggang sa maging maginhawa na ang kaniyang kabuhayan. Naabot na ni Alon ang tagumpay.

Sa kabila niyon, nanatili siyang umaasa na muling babalik si Sasha, at sa pagkakataong ito ay hindi na siya nabigo.

Isang araw ay naging malaking paksa ng tsismisan ang pagbabalik ng mag-inang Cintia at Sasha…dahil ang dating itinuring ni Alon bilang prinsesa, ngayo’y buntis ngunit walang ama ang dinadala!

Sinubukang lumapit ni Alon kay Sasha, ngunit umiiwas na sa kaniya ang dalaga. Sa tuwing dadalawin niya sa kanila ay nagkukulong lang ito sa kwarto. Kinausap din niya si Aling Cintia, na napag-alaman niyang naging malayo rin ang loob sa anak.

“Napakalaking pagkakamali na inilayo ko sa iyo si Sasha, Alon,” sabi nito sa kaniya, nang minsan siyang dumalaw sa bahay ng mga ito. “Napariwara ang anak ko, at heto! Nabuntis nang walang asawa!” humahagulgol na pagtatapat ni Aling Cintia sa kaniya.

“Kung ganoon po, bakit galit po sa akin si Sasha?” takang tanong pa ni Alon.

“Hindi siya galit sa ’yo. Nahihiya lang si Sasha at wala siyang mukhang maiharap, dahil nabuntis siya ng ibang lalaki,” sagot naman ni Aling Cintia.

Napatayong bigla si Alon sa pagkakaupo.

“Aling Cintia, p’wede ko po bang puntahan si Sasha sa kwarto?”

Tumango naman ang ginang, ngunit takang nagtanong. “Bakit?”

Ngumiti naman si Alon. “Gagawin ko pong kambal ang apo n’yo!”

Nanlaki ang mata ng ginang, kaya’t agad iyong binawi ni Alon.

“Charr lang po, ’Nay!” natatawang sabi niya. “Pupuntahan ko lang po si Sasha, para sabihing tatanggapin ko siya ’tulad ng pagtanggap niya sa akin noon. Ako ho ang tatayong ama ng batang dinadala niya,” dagdag pa niya.

Maluha-luha si Aling Cintia habang pinagmamasdang pumasok sa kwarto ng anak niya si Alon. Talagang nagkamali siya ng tingin sa taong ito. Sana’y hindi na lang niya hinadlangan noon ang pag-ibig nito para sa anak.

Samantala, gulat na napatingin si Sasha sa pinto nang bigla iyong bumukas at iniluwa si Alon.

Hindi pa man siya nakapagsasalita ay bigla siyang niyakap nito nang mahigpit. “Na-miss kita,” umiiyak na sabi ni Alon kay Sasha. “’Wag mo na akong iiwan ulit, ha?”

“P-pero, buntis ako, Alon! Isa na akong disgrasyada ngayon!” umiiyak na ring sabi ni Sasha.

“Problema ba ’yon? Edi pakakasalan kita!”

Hindi na hinayaan ni Alon na makapag protesta pa ang dalaga. Hinalikan niya ito sa labi, pagkatapos ay biglang lumuhod at inilabas ang sing-sing na binili niya, matagal na panahon na ang nakalilipas.

“Mahal mo pa ba ako, Sasha?” tanong niya. Napahagulgol na lang si Sasha habang tumatango. Nagyakapan silang dalawa.

“Na-miss kita, bakla ka!” ani Sasha habang nagpapahid ng luha.

Masayang nakatanaw lang sa kanila si Aling Cintia. Dito niya napatunayang kung minsan ay mas lalaki pa sa lalaki ang beking ’tulad ni Alon.

Advertisement