Inday TrendingInday Trending
Ugali na ng Lalaki na Mang-Hipo sa Pampublikong Sasakyan, Isang Malaking Karma ang Humagupit sa Kanya

Ugali na ng Lalaki na Mang-Hipo sa Pampublikong Sasakyan, Isang Malaking Karma ang Humagupit sa Kanya

Nag-spray muna ng pabango si Wendell bago lumabas sa kanyang apartment. Sinulyapan niya ang orasan, alas otso na ng umaga. Tamang-tama lang ang alis niya dahil alas diyes pa naman ang time niya sa pinapasukang kumpanya sa Paranaque.

Nilakad niya na lang ang papunta sa sakayan ng bus dahil malapit lang naman iyon. Pagdating niya ay problemado ang mga tao dahil may hulihan raw kaya kaunti lang ang pumapasada. Punuan lahat ng bus.

Napangiti naman siya. Kung lahat kasi ng tao na ay ayaw na ayaw ang hassle na siksikan sa byahe, kabaligtaran naman siya. Gustong-gusto niya iyon.

Bakit?

Dahil may kakaiba siyang hilig. Ugali niya na ang pa-simpleng manghipo sa mga dalagang nakakasabay. Ewan niya ba, mabilis namang magbayad ng kung sino lang para makaraos pero iba ang thrill na nararamdaman niya kapag sa pampublikong sasakyan niya ginagawa. Lalo na sa mga dalagang walang kaalam-alam.

Nagising siya sa pag-iisip nang magring ang kanyang cellphone. Tumatawag ang kanyang boss.

“Sir? Pasakay palang po ng bus,” update niya rito.

“Sige, dala mo ba? Paki-deposit na ha,” sabi nito. Siya ang pinagkakatiwalaan ng amo na utusan para i-deposit ang pera nito sa bangko. Nagkataon lang na inabutan siya ng pagsara kahapon dahil sa OT kaya hindi niya naihulog.

“Opo, dadaan muna ako dyan sa office para ibaba ang gamit ko. Then may malapit naman na bank dyan, i-deposit ko nalang after. Okay..okay po. Sige po, yes sir. Thank you rin po,” magalang na sabi niya.

Swerte naman dahil saktong tigil ang isang bus na siksikan. Nakipagbuno siya sa mga tao at sa wakas ay nakasakay rin, may jackpot pa dahil ang ganda ng katabi niya.

Hindi naman mukhang nakapang-opisina ang babae. Sa katunayan ay naka-shorts nga ito at sando, malayang nakakagala ang mga mata niya sa buong katawan ng dalaga lalo at higit na matangkad siya rito.

Mukhang mag-eenjoy siya. Sinimulan niyang dunggulin ang braso nito, kunwari ay hindi niya sinasadya. Hindi naman kumibo ang babae at ngumiti lang sa kanya.

Aba, palaban!

Idinikit niya ang sarili rito, amoy na amoy niya ang mabangong halimuyak ng buhok nito. Amoy lavender, nakakabighani.

Tuwing magpe-preno ang sasakyan ay sinasadya niyang mas lakasan ang pagkabangga rito, kahit pa kaya niya namang balanse-hin ang sarili. Kung ang iba siguro ay nagalit na sa tatlong beses niyang ginawa iyon pero iba ang chicks na ito, parang gusto rin.

Para mas malaya niyang mahipuan ito ay nagtulug-tulugan siya. Nakahawak ang kaliwang kamay sa bakal tapos ang kanan naman ay lupaypay kunwari. Isinasandal niya rin ang ulo para mapadikit sa mukha nito, ang bango talaga. Ito na yata ang pinaka-swerteng araw para kay Wendell.

Buhay na buhay ang pagkalalaki niya.

Ilang sandali pa ang lumipas, enjoy na enjoy niya ang mga pangyayari. Sana araw-araw ganito.

Nakaramdam siya ng pagka-dismaya nang marinig niya ang boses ng babae, nakikiraan ito dahil bababa na raw.

Medyo malabo pa ang paningin niya dahil sa matagal na pagkakapikit. Bago ito bumaba ay di siya nakatiis, “Miss, ano ang name mo?”

“Stacy,” nakangiting sabi nito bago bumaba.

Napangisi naman si Wendell, sana ay makasabay niya ulit si Stacy. Marami ang bumaba sa lugar na iyon kaya biglang luwag ang bus. Umupo ang lalaki at inabala ang sarili sa cellphone, tutal ilang minuto nalang ay bababa na rin siya.

Pagpasok niya sa opisina ay nagkukumpulan ang mga kasamahan.

“Grabe, di mo rin mapaghahalataan eh no. Iba iba na talaga ang modus ngayon,” sabi ng isa.

Na-curious siya at lumapit sa mga ito.

“Tsong, ano yan?”

Bilang sagot ay ipinakita nito sa kanya ang isang viral post sa FB, isang binata ang nag-post noon. Nabighani sa magandang dalaga na hindi niya inakalang magnanakaw pala.

Maka-karma ka rin. Nakipag-picture ka pa sa akin na kunwari crush mo ako. Ang galing mong magpa-cute magnanakaw ka pala! sabi ng nag-post.

Pag-scroll niya ay natulala siya sa nakitang picture.

Si Stacy.

“Huy, na-carried away ka naman diyan. Kanina ka pa hinihintay ni Sir, paki-deposit mo na raw.”

Dali-dali niyang binuksan ang bag at halos mapaluhod sa panlulumo nang makitang nalimas na ang perang naroon. Nagkakahalaga iyon ng 45,000 pesos.

Binayaran ni Wendell ang naiwala niyang pera, ibinabawas sa sahod niya buwan-buwan. Alam ng lalaki na iyon ang karma sa lahat ng kasalanan at kawalanghiyaan niya.

Hindi na siya umulit simula noon, natuto na siyang i-respeto ang kapwa kahit pa may pagkakataon naman na walang makakahuli sa kanya.

Advertisement