Panganay si Roberto sa sampung magkakapatid na puro lalaki at bukod sa dami ng kanilang pamilya ay pinagmamalaki rin niya ang matibay na samahan nito. Kahit na may sari-sarili na ngang pamilya ang lahat at pare-parehas na din silang nagka-edad ay hindi nagbago ang turingan nila sa isa’t-isa.
Kaya lang hindi rin niya maitatanggi na ayaw man niyang maramdaman na napag-iwanan na siya ay hindi niya ito mapigilan. Lahat ng mga kapatid niya ay nakapagtapos ng pag-aaral, may maayos ngayon na buhay at lahat ay nasa Maynila. Siya lang ang naiwan sa probinsya upang patakbuhin ang nalulugi na nilang pwesto sa talipapa nang dahil sa pagkalubog sa utang.
“Ma, 75th birthday ni Inay Lenny sa susunod na buwan. Napag-usapan naming magkakapatid na mag-ambagan ng limang libo bawat tao,” saad ni Roberto.
“Naku papa, malaking halaga iyon. Saan naman tayo kukuha ng ganung kalaking pera?” wika ni Aling Marites, ang misis ng lalaki.
“Gagawan ko na lang ng paraan, alam mo naman na ako ang panganay kaya nakakahiya naman kung ako pa ang hindi makakapagbigay,” baling ng lalaki.
“Alam kong sasabihin mo iyan papa, pero sana huwag ka na umutang kasi lubog na lubog na tayo. Ang akin lang naman ay walang masama kung magsasabi ka sa inay na hindi tayo makakapagbigay ng ganung kalaking halaga. Pwede namang ako ang magsabi kung nahihiya ka,” pahayag ni misis.
“Nahihiya? Buong buhay ko ay kinakahiya ako sa angkan ko. Ano na lang iisipin ng mga kapatid ko? Na yung kuya nila ay walang maibigay, kasi bobo kaya nalugi ang talipapa? Lagi na lang nila akong sinasalo, kinakaawaan. Ano ba iniisip sa akin ng pamilya mo, na wala akong kwentang asawa dahil kahit buntis ka ay kumakayod ka pa rin? Kailan ba ako magkakaroon ng kwenta sa mata ng marami?!” baling muli ni Roberto.
Napahawak na lang si Marites sa kaniyang tiyan at hindi na ito sumagot. Alam niya na isa sa mga pinakasensitibong usapin nila ito bilang mag-asawa, ang pagiging panganay na anak ni Roberto. Palagi kasing iniisip ng lalaki na wala siyang nagagawa bilang kuya lalo na sa usaping pera dahil siya ngayon o ang pamilya nila ngayon ang pinakahirap pagdating sa pinansyal na estado ng buhay.
Nagsidating na ang mga kapatid ni Roberto, sakto kasing mahal na araw kaya naman nakapagbakasyon na ang mga ito sa probinsya.
“Kumpleto na naman ang mga anak ko! Napakasaya ko talaga sa tuwing nagkakasama tayong lahat,” wika ni Inay Lenny nang magtipon-tipon ang kaniyang mga anak.
“Naku ma, sa birthday mo ay magkakaroon tayo ng isang engrandeng handaan kaya naman ngayon pa lang ay mag-imbita ka na ng mga kaibigan mo,” pahayag ni Rico, pang limang sa magkakapatid.
“Hindi ba’t malaking gastusan iyang mga ganyan? Wala akong maibibigay dahil alam niyo naman na mahina na ang talipapa,” saad ni Inay Lenny.
“Ma, huwag na ho kayong mag-alala dahil napag-usapan na naming magkakapatid ang magiging gastos. Lahat kami ay magbibigay ng tig-lilimang libo,” pahayag naman ni Ronald, ang bunsong anak.
“Naku, hindi makakapagbigay ang Kuya Roberto niyo. Alam niyo naman kung ano ang kalagayan ng negosyo natin dito sa probinsiya, kaya kung gagastos lang tayo ng malaki ay huwag niyo nang ituloy pa,” sagot naman ni Aling Lenny sa kaniyang mga anak.
“Ma, kaya ko. Huwag mo naman akong maliitin sa mata ng mga kapatid ko, mamaya niyan ay hindi na nila ako igalang bilang panganay,” baling ni Roberto.
“Kuya, tama naman si mama. Pwede ka namang hindi magbigay, alam naman naming na lubog na sa utang ang talipapa at manganganak pa si Ate Marites kaya mas kailangan niyog mag-ipon ng pera,” sabi ni Ronald sa kaniya.
“Ako na muna ang bahala sa ambag mo,” dagdag pa ng lalaki. Enhenyero ang kapatid nilang si Ronald, ito rin ay may pinakamalaking kita sa kanilang lahat.
“Ano bang sinasabi niyo, pag sinabi kong kaya ko ay kaya ko!” baling muli ni Roberto.
“Anak, bakit ka ba nagagalit nang ganyan? Pera lang naman ang pinag-uusapan natin dito, hindi ka namin minamaliit,” sabi ni Inay Lenny.
“Hindi minamaliit? Sino ba ang walang narating sa buhay sa sampo niyong anak? Hindi ba’t ako lang, ako lang ang walang maayos na kita, walang magarang bahay at lubog sa utang!” bulyaw ni Roberto sa mga ito.
Saglit na natahimik ang lahat sa taas ng boses ng kanilang kuya.
“Patawarin mo ako anak, ako ang dahilan kung bakit hindi ka nakapagtapos. Pinilit kita magtrabaho para makatulong sa akin, sa amin ng tatay mo at sa mga kapatid mo. Kung may dapat mang sisisihin sa narating mo ngayon ay ako iyon,” napaiyak si Inay Lenny sa kaniyang sinabi.
“Hindi ako makakatapos ng kolehiyo kuya kung hindi mo ako pinag-aral,” wika ni Romeo, pangatlong kapatid ng lalaki.
“Lahat kami, kung ano man ang narating namin ngayon sa buhay ay utang na loob namin sa’yo kuya. Hindi ka namin kailanman tinignan na kolelat sa ating magkakapatid dahil kung hindi dahil sa mga sakripisyo mo ay wala kaming mararating lahat,” saad pa Ronald sa kaniya.
Hindi naman nakapagsalita si Roberto sa kaniyang mga narinig, hindi siya makapaniwala na ganito pala ang turing sa kaniya ng mga nakakabatang kapatid.
“Sa totoo lang kung may dapat mang humingi ng tawad ay kami iyong mga kapatid mo, dahil ni isa sa amin ay walang nakaalalang tulungan ka. Inuna namin lahat ang magkaroon ng sariling pamilya, patawarin mo kami kuya,” pahayag pa ni Rico saka niya niyakap ang kapatid.
Doon na bumagsak ang luha ng lalaki, “Patawarin niyo ako,” sabi nito.
“Kuya, ikaw ang the best na kuya, the best na anak. Hindi ka kawawa, hindi ka kolelat dahil kung wala ka ay wala na rin siguro ako. Ikaw na ang tumayong ama sa mga kapatid mo simula nang namaalam ng maaga ang tatay niyo. Kaya anak, kung hindi ko man nasabi ito dati ay patawarin mo ako pero maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo,” pahayag pa ni Inay Lenny.
Doon naliwanagan ang lalaki, naalala niyang muli ang kaniyang kabataan. Wala siyang ginawa kundi magbanat ng buto dahil sunod-sunod ang panganganak ng kaniyang ina hanggang sa namaalam ang kaniyang tatay. Kaya nga sa edad na 48 anyos ay ngayon pa lang siya magkaka-anak dahil ngayon lang din naman siya nagkaroon ng oras para magkapamilya.
Ano’t-ano pa man ay nagpapasalamat siya sa kaniyang pamilya dahil ipinaalala ng mga ito ang kaniyang halaga. Tinanggap naman din niya ang tulong ng ibang mga kapatid upang maisa-ayos muli ang pwesto nila sa talipapa. Ayaw nilang bitiwan ito dahil dito na sila lumaki lahat.
“Im