Pinalayas ng Amo ang Kasambahay na Walong Taon nang Namamasukan sa Kanya; Ito Lamang Pala ang Tunay na Nagmamalasakit sa Kanya
Seaman ang asawa ni Natasha, mayroon siyang tatlong anak at ang bunso na lamang ang nag-aaral, tapos na sa kolehiyo ang dalawa. Simula nang ma-promote ang asawa niya sa barko ay nanatili na lamang sa bahay ang babae, malaki kasi ang sinusweldo ng kanyang mister at sobra-sobra pa pati sa luho niya. Di naman nahirapan si Natasha na mamahala sa kanilang tahanan, mayroon kasi siyang mga kasambahay. Isa na roon si Marlene, walong taon na itong namamasukan sa kanila. Isa ito sa mga pinakamatagal nang nananatili dahil walang makatagal sa masamang ugali ng babae.
“Len! Lenlen!” pasigaw na sabi ni Natasha isang umaga, naroon at bumisita ang kanyang kumare kaya iuutos niyang gumawa ng almusal ang kasambahay.
“Te?” lapit naman agad ang natatarantang babae, kabisado na magagalit ang amo kapag pinatagal niya pa ang pagtawag nito.
“Ano’ng te ka dyan? Sinabi nang Ma’am ang itatawag mo sa akin, paulit-ulit ka. Di naman tayo magkapatid ano. Mag-slice ka ng cake dyan sa ref, tapos ikuha mo kami ng mango juice,” mataray na sabi niya rito. Sinasadyang apihin ito sa kaharap na para bang ikatataas ng pagkatao niya ang pamamahiya sa katulong.
Tumango naman si Marlene at tumalima na.
Isang gabi ay naanyayahang dumalo sa party si Natasha, gumraduate kasi ang anak ng kanyang amiga kaya may celebration. Alas sais palang ng hapon ay nakagayak na siya, at naghihintay na lamang na sunduin ng kanyang driver. Ang bunso niyang anak ay nagpaalam na mag-overnight na bahay ng ka-eskwela samantalang ang dalawa naman daw ay gagabihin rin ng uwi. Tanging ang mga kasambahay lamang na si Gina, Lovejoy at Marlene ang maiiwan.
“O, i-lock ninyo itong pinto at mayroon naman ako’ng susi. Wag makikialam ng pagkain sa ref namin ha? Iyong mga nasa cabinet, iyon ang inyo. Malinaw?” bilin niya sa mga ito na may kasama pang pagtataas ng kilay.
“Opo ma’am,” sabay-sabay na wika ng mga ito. Nang makaalis na si Natasha ay nagkanya-kanya na ang mga kasambahay. Dumiretso sa maid’s quarter si Gina, sa kusina si Lovejoy upang maghanda ng hapunan sakaling dumating na ang mga anak ng amo, at na-vacuum sa kwarto ng amo si Marlene.
Kinaumagahan, nagising ang lahat sa galit na boses ni Natasha. Ang mga lintik na katulong, gusto pag isahan siya! Matapos niyang patirahin at pakainin sa bahay niya?!
“Lintik kayo! Gina, Marlene, Lovejoy!” hiyaw ni Natasha. Sino ba namang hindi mabu-bwisit, nawawala ang bracelet na kapapadala pa lamang ng kanyang mister noong isang buwan! Malaking halaga kung isasanla iyon, at siya pa talaga ang tinalo ng mga bruha.
Kinakabahan ang tatlo nang isa-isahin niyang tanungin sa mga pinaggagagawa ng mga ito kagabi.
“Ma’am nasa kusina lang po ako baka kasi dumating sina Kuya kaya nagsaing po ako at nagluto ng hapunan,” paliwanag ni Lovejoy.
“Ay ako po nasa maid’s quarters lang, nagtupi ako ng mga damit ko para sa pagluwas ko po sa susunod na Linggo. Ang nakita ko pong pumasok ng kwarto nyo ay si Marlene, nag-vacuum po siya.” turo ni Gina sa kasamahan.
Gulat at namutla naman ang katulong nang titigan niya ito ng matalim.
“Ilabas mo.” mariing utos ni Natasha.
“A-ate… wala ho sa akin. Ni hindi ko nga rin ho alam ang itsura ng tinutukoy ninyong alahas na nawawala.” paiyak nang sabi nito.
Ilang ulit niya itong kinulit at binulyawan na ilabas ang ninakaw nito pero sobra ang tanggi ng babae, may kasama pang pag-iyak, ubod ng arte!
“Kung hindi mo ilalabas, lumayas ka sa harapan ko. Lumayas ka sa bahay na ito, ngayon din! Pero wala kang dadalhing gamit dahil kulang pang kabayaran ang mga basurang maiiwan mo sa ninakaw mo. Kulang ka pa, kulang pa yang pagkatao mo na ipambayad!” mapangmatang sabi niya rito.
Tigib ng luha ang mata ng kasambahay na umalis ng bahay na iyon, kahit may kung ano sa puso ni Natasha na nagsasabing maaaring mali siya ay nangibabaw ang kanyang galit.
Nagulat nalang siya nang noong araw ding iyon ay nagpaalam si Gina na luluwas na raw sa probinsya.
“Akala ko sa isang linggo pa ang luwas mo? Pagkatapos mawala si Marlene ay ikaw naman? Mahihirapan ako niyan dito.” reklamo niya.
“Basta ho ma’am, napaaga ang libing ng Uncle ko,” sabi nito, til natataranta.
“Baka naman hindi ka na bumalik?” pagdududa niya. Hindi makatingin ng diretso sa kanya si Gina. At sa sobrang taranta siguro, bago pa nakalabas ng pinto ay may nalaglag sa gamit nito, nakalimutan pala ng baae na isara ang zipper ng bag. Nahagip ng mata ni Natasha ang makinang na bagay, pamilyar ito sa kanya. Nang kanyang lapitan ay nanlaki ang kanyang mata!
Ang nawawala niyang bracelet!
Lingid sa kaalaman niya, matapos magvacuum ni Marlene, at nang tulog na ang lahat ay palihim na lumabas si Gina sa maid’s quarter upang kunin ang bracelet na simula palang noong una ay pinagdidiskitahan na nito.
Bakit nga ba pinagbintangan niya si Marlene, na walong taon nang matapat na nagsisilbi sa kanya? Kung nanakawan siya nito edi sana ay noon pa.
Makalipas ang isang taon.
“Ate, almusal po.” inilapag ni Marlene ang bagong pritong mga itlog sa mesa, mayroon rin silang juice, pandesal at sinangag.
“Salamat Len. O saan ka pupunta? Sabayan mo na kami, tawagin mo si Lovejoy.” nakangiting sabi ni Natasha.
Mula ang nangyari noong isang taon ay natauhan na siya. Ang kanyang mga kasambahay ay di dapat itinatrato na tagasilbi kung hindi tao, lalo na at matatapat naman ang mga ito.
Kusa nang umalis si Gina at ibinalik na nito ang ninakaw sa kanya, samantalang pinaghanap niya naman si Marlene sa probinsya. Noong una ay ayaw na nitong bumalik sa kanya pero matapos siyang humingi ng tawad ay hindi na nagmatigas pa ang babae.