Ayaw Makipagkita sa Binata ng Chatmate na Nakakapalagayan na Niya ng Loob; Susuko na Ba Siya?
Hindi malaman ni Berta ang gagawin nang sabihin ng kaniyang ka-chat na si Aldwin na nais na siya nitong makadaupang-palad. Nais na nitong makipagkita sa kaniya. Matagal-tagal na rin kasi silang nagkakausap sa dating app, subalit kahit kailan, hindi pumayag si Berta na makita siya ni Aldwin kahit sa video call.
May katabaan kasi si Berta.
Ikinahihiya ni Berta ang kaniyang katawan. Pakiramdam niya, ang pangit-pangit niya.
Lumang larawan ang mga naka-upload sa kaniyang dating app. Mga dating larawan. Eh anong magagawa niya kung masarap kumain? Marami siyang pera. Kayang-kaya niyang bilhin ang mga naisin niyang pagkain kapag pagod siya mula sa trabaho. Isa siyang line producer sa isang TV network.
Sanay siya na nasa likod lamang ng camera.
Sanay siya na nagtatago lamang.
Kaya hindi niya malaman ngayon kung papayag ba siyang makipagkita kay Aldwin. Nahulog na raw ang loob nito sa kaniya. At aaminin niya, ganoon din ang nararamdaman niya rito. Digital na talaga ang panahon. Posible na talagang mahulog ang loob ng isang tao sa kaniyang kapwa sa pamamagitan lamang ng pagpapalitan ng mensahe, o kaya naman ay pagpapadala ng litrato ng mukha.
Mukha lang, hindi katawan.
Kung tutuusin ay maganda naman siya, at wala namang nanlalait sa kaniyang mataba siya. Ang problema niya ay sarili niya.
“Kailangan ko nang magpapayat. Kailangan, payat o seksi ako kapag nakita na niya ako,” nasabi ni Berta sa kaniyang sarili.
Kaya nang tanungin ni Aldwin si Berta kung kailan ba sila puwedeng magkita, nag-isip ng alibi ang dalaga.
“Alam mo kasi, marami kaming ginagawa ngayon sa network. Bukod kasi sa teleserye eh line producer din ako ng isang sitcom at isang variety show. Hayaan mo, sasabihan kita kapag maayos at maluwag na ang iskedyul ko,” palusot na lamang ni Berta.
Na iginalang naman ni Aldwin.
“Naku, ganoon ba? Sige, ayos lang. Handa naman akong maghintay. Yung pitong buwan nga na pagcha-chat natin ay nakaya kong hintayin, ito pa kaya?”
Totoo naman ang mga sinabi ni Berta. Isang teleserye, sitcom, at variety show ang ipinahawak sa kaniya na talaga namang kumakain ng kaniyang oras. Ngunit kung tutuusin, kayang-kaya naman niyang i-set kaagad ang kanilang pagkikita ni Aldwin.
Nahihiya lang talaga siyang magpakita rito na lumba-limba siya.
Kaya ang ginawa niya, sinimulan na niya ang pagda-diet at pag-eehersisyo kahit na pagod na pagod na siya mula sa trabaho.
Kahit gabi o madaling-araw na, pagkatapos ng taping o anumang trabaho ay talagang gumugugol siya ng oras upang mag-ehersisyo. Hindi alintana ang patang-patang katawan.
Hindi nakagugulat na isang araw, bigla na lamang siyang nahimatay dahil sa labis na kapaguran, nang tinangka pa niyang mag-ehersisyo pagkatapos ng halos magdamagang taping para sa kanilang teleserye na malapit nang matapos, kaya paspasan na sila.
Halos hindi na rin kasi siya kumakain. Patina-tinapay na lamang siya upang mangayayat na siya.
Naospital si Berta. Hindi siya nakapagtrabaho. Hindi rin siya nakagamit ng kaniyang cellphone. Kaya halos tatlong araw niyang hindi nakausap si Aldwin.
Sa ikaapat na araw, saka pa lamang niya nahawakan ang kaniyang cellphone. Agad siyang nag-selfie at inupload ito sa kaniyang MyDay. Naglagay rin siya ng status sa kaniyang wall na maayos na ang kaniyang kalagayan at wala nang dapat pang ipag-alala.
Ngunit isang hindi inaasahang bisita ang bumungad sa kaniya. May bitbit itong pulumpon ng mga bulaklak at basket na punumpuno ng prutas.
Agad na namukhaan ito ni Berta.
“A-Aldwin?” gulat na gulat na pagkokompirma ni Berta sa lalaking dumalaw sa kaniya.
“Oo. Ako nga. Ikaw ba si Berta?” tanong ni Aldwin.
Gustong lumubog sa kaniyang kinahihigaan si Berta. Bakit naman sa ganitong sitwasyon pa siya makikita ni Aldwin? Wala man lang siyang make-up. Wala siyang kaayos-ayos. Ang langis-langis ng mukha niya. Mukha siyang may sakit, dahil nagkasakit naman talaga siya.
Teka muna, paano nito nalaman kung nasaan siya?
“Oo, ako nga… hello, nice meeting you. P-Pasensya ka na kung sa ganitong sitwasyon pa tayo nagkita. Obviously nagkasakit ako, kaya nga nandito ako sa ospital,” nasabi na lamang ni Berta.
Gusto niyang pagalitan ang sarili sa mga pinagsasasabi niya. Natural, nagkasakit nga siya kaya nga nasa ospital, ‘di ba?
“Nabasa ko kasi ang status mo. Nakalimutan mo na ba na IT specialist ako? Nagawa kong matunton kung nasaan ka. Pinag-alala mo ako, Berta. Tatlong araw ka kasing hindi nagparamdam sa akin. Ngayon, alam ko na kung bakit. Kaya ipinasya kong dalawin ka.”
“O ngayon, nakita mo na ako. Ang taba ko no? Ang pangit-pangit ko.”
“Ha? Hindi ka naman pangit, Berta. Saka, tanggap ko kung anuman ang pigura mo. Ang totoo niyan, mas gusto ko nga ang mga ganyang katawan dahil masarap yakapin,” nakangiting sabi ni Aldwin.
Kabaligtaran ng kaniyang mga iniisip at inaalala, hindi nadismaya si Aldwin nang makita si Berta. Hindi rin siya nito iniwan habang tuluyang nagpapagaling sa ospital.
Aarte pa ba siya?
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Berta na sagutin ang panliligaw ni Aldwin. Bihira lamang ang isang pagkakataon na makatagpo ng isang taong tatanggapin ka nang buong-buo kung anuman ang hitsura o pigura mo.
Tumagal ng dalawang taon ang kanilang pagsasama bilang magkasintahan hanggang sa sila ay magpakasal at biyayaan ng tatlong anak. Nagsama sila nang maligaya at tanggap ang isa’t isa.